a- ang balon; b- bahay namin; c- bahay nina Seldeng

Dekada 70 nang maging titser daw ni Papa si Seldeng sa elementarya. Nagkaroon ito ng nobyo, isang lalaking tinutulan ng kanyang mga magulang. Pinaghiwalay sila. Huminto sa pagtuturo si Seldeng. Nawalan ng ganang kumain. Nagmukmok sa tabi ng bintana. At kinausap ang hangin.

Nasa elementarya ako nang una kong makita si Seldeng. Tantya ko’y nasa 60 na siya. May hawig kay Gloria Romero. Maputi, matangkad, matangos ang ilong, manilaw-nilaw ang buhok. Ninuno niya ang mga kauna-unahang angkang Espanyol sa Masbate.

Si Seldeng ang taga-igib sa kanilang bahay. Kasama niya sa bahay ang kanyang ate na si Mam Nena na naging titser ko sa kinder. Hindi ko makalimutan ang tinurong kanta ni Mam Nena sa amin noon. May matching action ito:

May kulo na naga-uklo, uklo, uklo, uklo.

(May kunehong nagtatago, tago, tago, tago.)

Lagi kong natatanaw si Seldeng dahil kaharap ng bahay namin ang balon na pinag-iigiban niya. Umaabot sa sampung beses sa isang araw siya kung mag-igib, umaga hanggang hapon. Sabog ang kanyang buhok, gula-gulanit ang damit, walang tsinelas, at abalang abala sa pakikipagkuwentuhan sa kawalan simula sa pagsalok ng timba hanggang sa pagbitbit ng dalawang balde pauwi. Sa mga monologong ito na minsa’y puno ng ngitngit at minsa’y puno ng halakhak, lagi’t lagi niyang binabanggit ang pangalang Roberto.

Isang umaga, naabutan ko sa aming mesa si Seldeng na kumakain ng almusal. Syempre’y nagulantang ako. Nananaginip pa ba ako? Ang nangyari pala’y umandar na naman ang pagka-charitable ni Mama. Hayun, nang makita si Seldeng na umiigib, biglang niyaya para mag-almusal. Simula noon, nasanay na kami sa eksenang may sisenta anyos na mestisang kumakain sa amin.

Madalas nangungunot ang noo ni Papa. Si Mama naman, magsasalita: Nagpapakain nga tayo ng aso, tao pa kaya?

Malakas kung kumain si Seldeng. Lalo na sa kanin. Kapag tuyo ang ulam namin, kinakain niya kahit tinik, ulo, at mapaklang tiyan ng tuyo. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang utak noong mga panahong kumakain siya. Blangko ang tingin niya sa amin. Isang titig lang, tapos balik sa pagkain.

Maraming pagkakataong nakikita naming may pasa sa kanyang mukha at braso, o kaya’y natuyong dugo sa gilid ng kanyang kilay at bibig. At naaalala ko ang matatalim na titig ni Mam Nena kapag naiinis sa pasaway kong kaklase. Kung paano siya mamalo ng patpat na kawayan….

Binigyan ni Mama ng tsinelas si Seldeng. Para hindi mahirapan sa pag-iigib, sabi ni Mama. Pagkatapos nun, hindi na muling kumain sa amin si Seldeng. May nakapagsabing nainis daw si Mam Nena nang makita ang tsinelas. Tinanong si Seldeng kung kanino iyon. Hindi na namin nabatid ang buong detalye. Hindi na niya pinansin ang mga anyaya ni Mama. Patuloy pa rin siya sa pag-igib. At sa pagsalita nang mag-isa.

Basahin din:
Wika at Katauhang Babae: Mula Mito Hanggang Panahong Moderno – Ruth Elynia S. Mabanglo
Spatial Trauma/Desire: A Postmodern Sociocultural Phenomenon – Jaimee Siao