Nasa Grade 5 na ako nang mahiwalay ako sa aking mga magulang sa pagtulog. Bago ito mangyari, buong buhay kong katabi sa pagtulog sina Papa, Mama, at bunso kong kapatid na si Jude. Naglalapag kami ng banig sa sala. Nagkakabit kami ng kulambo dahil uso ang malaria sa probinsya. Nilalatagan namin ng kumot ang ibabaw ng kulambo. Kapag madaling araw kasi, namumutakti sa hamog ang aming bubong na gawa sa yero. Wala kaming kisame. Pananggalang sa lamig at mga nalalaglag na butil ng hamog ang nakalatag na kumot.

Sa isang kuwarto natutulog ang aking ate na noo’y nasa haiskul. Sa kabilang kuwarto naman ang aking kuya kasama ng mga lalaki kong pinsan na nakikituloy sa amin.

Early ’90s. Milagros, Masbate

Kapag madaling araw, karaniwan na sa akin ang mga eksenang kinagigisnan ko. Mga bandang alas kuwatro, gigising si Mama para magdasal. Nakaupo lang siya sa banig, sa loob ng kulambo. Hawak-hawak niya ang rosaryo, nakapikit at bumubulong nang kung anu-anong hindi ko noon maunawaan.

Maya-maya’y gigising na rin si Papa. Lagi naming hinihintay ni Jude ang paggising ni Papa. Araw-araw kasi siyang nagma-magic para sa amin. Bago kami matulog sa gabi, ipinapakita ni Papa sa amin ni Jude ang isang lata ng biskwit. Bubuksan niya ito para matiyak naming wala itong laman. Sasabihin niya:
“Matulog na kayo para bukas magma-magic ako na magkaroon ‘yan ng laman.”

Kaya pagkagising, pinapalibutan agad namin ni Jude si Papa. Yakap-yakap ni Jude si Papa sa leeg; kinukuyog ko naman ang hita ni Papa.

Sumisigaw kami ni Jude ng “Magic na, Pa! Magic na, Pa!”

Hindi makapagsalita si Papa habang mahigpit na kinakanlong ang lata ng biskwit. Nakangiting nanonood si Mama.

Dilat na dilat ang nakaabang na mga mata namin ni Jude habang sinasabing “Ayan na .…”

At dahan-dahan, bubuksan ni Papa ang lata. Mapapakurap kami ni Jude dahil sa gulat kapag lumagutok ang takip ng lata, pero didilat din agad para tingnan ang laman ng nito. Bubulaga sa amin ang mga biskwit na nasa loob, maraming biskwit na ipinagtataka namin ni Jude kung saan nanggaling.

Hindi ko mabilang kung ilang beses nang nag-magic sa amin si Papa. Pero, di tulad ng mga magic tricks ngayon na nalalaos agad kapag pinerform sa audience, ang magic ni Papa ay hindi nalaos sa amin ni Jude. Lalo na sa akin.

Kahit nasa edad na ako ng pagsasarili, marami pa ring pagkakataong umasa ako sa magic ni Papa: emosyonal, pinansyal, moral, ispiritwal. Mga magic na hindi ko magagawa sa aking sarili. O kung magagawa ko ma’y nangangailangan ng katangiang tulad ng kay Papa.