Mga Marka
characterization, deconstructing ibong adarna, erotic, erotic fan fiction, erotic stories, erotica, fan fiction, karakterisasyon, kuwentong seks, night club, pokpok, sex
“San ka ba galing?” yamot na usisa ng Pulang Ibon.
Humitit siya sa istik ng Marlboro. Naramdaman niya ang pag-init ng kanyang katawan nang tuluyang pumasok sa kanyang baga ang usok. Ibinuga niya ito sa ere. Kumulapol ang usok sa mukha ng kaharap na Puting Ibon.
“Sa Kaharian ng Berbanya,” nauubong sagot ng Puting Ibon habang iginagala ang tingin sa loob ng masikip na kwarto.
“Ha-ha! Prinsesa ka? Reyna?” muling tanong ng Pulang Ibon.
Sinuri niya ang kanyang mahahabang kuko, ang kanyang kulay-itim na koteks.
“Hindi. Ako’y bisita lamang doon.”
“Ay, puta.”
Nagitla ang Puting Ibon, nagwika:
“Bakit mo ako pinagsalitaan ng ganyan?”
“Ha-ha!” sagot ng Pulang Ibon habang napapakamot sa ulo. “Eto o,” paliwanag niya habang ipinapakita sa Puting Ibon ang ilan sa kanyang mga kukong natuklapan ng koteks. “Bakit, hindi ka pa ba nakarinig ng mura? Ng putang ina? Ng shit? Ng fuck you? Ako nga, kanina ko pa gustong murahin ‘yang kumakanta ng tangna mo, ang sagwa ng boses mo.”
Napapikit ang Puting Ibon. Nais niyang takpan ang kanyang mga tainga, kundi lang nakatakip ang kanyang mga pakpak sa manipis niyang bra.
“Maaari mo namang ihayag ang iyong poot nang hindi nagmumura.”
“Aba, sino’ng me sabing galit ako? Tsaka hindi ibig sabihin na porket nagmumura ako e galit na ako.”
Katahimikan. Huminto na rin ang kumakanta. Napalitan iyon ng matamlay na palakpakan.
“Ano ang trabaho mo sa Berenya na ‘yan?” tanong ng Pulang Ibon.
“Berbanya, hindi Ber—“
“Oo na, oo na. Ano ngang trabaho mo doon?”
“Ako ang gumamot sa hari.”
“Aba, doktora?!”
“Higit sa sakit ng katawan ang kanyang karamdaman.”
“Nakulam ng iniwan niyang kerida?”
Idinutdot ng Pulang Ibon sa ashtray ang nangalahati niyang sigarilyo.
“Ibayong kalungkutan. Walang sinuman sa kaharian ang nakababatid sa kanyang—“
“Aba’y eksperto ka kung ganon. Malas mo lang dahil walang epek ‘yang kaekspertuhan mo sa mga tauhan ko.”
“Mahiwaga ang aking kanta. Nakapapawi ng karamdaman.”
Maririnig sa ere ang boses-baklang pumalit sa kumakanta kanina.
“An naw… lidis an gintilmen…” sabi ng boses.
“Tara,” hila ng Pulang Ibon sa Puting Ibon.
Lumabas sila ng kwarto. Mahigpit na niyakap ng Puting Ibon ang kanyang katawan.
“Saan tayo patu—“
“Manggagamot tayo ng mga hari,” nakangiting sagot ng Pulang Ibon.
Bumaha ng makulay na liwanag. Sumanib sa Careless Whisper ang hiyawan ng mga parokyanong naglalaway at may hawak na beer.
© Neil Dalanon | 2011