Mga Marka

,

Dalawang gabi na akong nagpupuyat dahil sa kirot ng namamaga kong gilagid–iyong kumakanlong sa aking ikatlong pang-ibabang bagang. Lumubo ang pamamaga at nang silipin ko sa salamin, tila nais nitong yakapin ang buo kong bagang. Kapag ngumunguya ako, binabangga ng bagang ko sa itaas iyong namamagang gilagid, napapalaway ako at gusto kong magmura sa sandaling tila hinahampas ng maso ang aking pisngi.

Ginalugad ni Dentist Ralph ang aking bunganga. Ipinaliwanag niyang tila bukas na sugat ang gilagid sa sandaling tumuklap sa ngipin. Madalas itong nangyayari kapag napapalakas ang bayo sa sepilyo. Malakas daw ba akong mag-toothbrush? Oo, sabi ko. ‘Yon naman pala. Ang laway kasi, marumi rin. Maraming bakterya. Tapos hindi agad magsesepilyo pagkakain ng tsokolate at kung ano pang minatamis. Nagpipista ang mga bakterya. Nag-uunahan patungo sa kanilang Utopia. At heto ako, nangangalumata, tigmak ng sariling laway ang unan tuwing gabi, at laging may katabing cell phone na nag-aalarm kada walong oras para paalalahanan akong magmumog ng Betadine mouthwash, uminom ng antibiotic at Advil, at magkaroon na ng disiplina.