Mga Imbak na Marka: kuwento tungkol sa sex

Tungkol sa Seks at sa mga Seksi

Day 2 ng paggala-gala ko sa Quezon City Hall para kumuha ng Health Certificate, at isa sa mga requirements upang maisyuhan ng mistulang ‘green card’ mula sa Health Department ng Quezon City ay ang pagdalo sa isang AIDS-HIV Seminar. Day 2 dahil pinabalik pa ako nung mamang nag-iskedyul sa araw ng dadaluhan kong seminar.

May apatnapu kaming mga dumalo. Halu-halo;  karamiha’y kabataang tulad ko at ang ilan nama’y gurang na. Kapansin-pansing mas maraming babae kesa lalaki. At paseksi kung manamit ang naturang mga babae. Alam mo kung bakit? Kasi raw eh mahigpit ang city hall sa ating mga kababaihang (ayon kay Freddie Aguilar) ‘kalapating mababa ang lipad’. Ang dinig ko, maraming porendyer ang mausisa at makilatis sa mga papeles, gaya nga no’ng ‘green card’, ng ating mga Pinay beauties.

Nagsiksikan kami sa isang ordinaryong silid na maihahalintulad sa klasrum ng mga tsikiting sa pampublikong paaralan- walang eyrkon, mainit, masikip, may pisara, at may tila titser na nagsasalita sa harap. Pero hindi siya titser, siyempre.

Nagpakilala si Titser—este si Mam Health Worker pero hindi ko na maalala ang kanyang pangalan. Walang paliguy-ligoy, pagkabigay sa amin ng mga information sheet para fill-up-an, hayun, isinalang agad ang vcd ng isang dokyumentari. Pero bago sinimulan ang movie—este documentary viewing, nagpatutsada muna si Mam Health Worker:

“Mabilis lang to, ha? Kung hindi kayo mag-iingay, makakauwi tayo agad.”

Okey naman tong si Mam Health Worker. Buti nga ‘yon, binibilisan ang aming kalbaryo.

Si Paolo Bediones ang bida—este host ng naturang dokyu. Luma na ang film. Malamang 10 o 15 taon na buhat ng i-syuting. ‘Yong istilo kasi ng buhok ni Paolo, at nung iba pang artistang ininterbyu tungkol sa isyu, ay parang hahabulin mo ng itak ang barbero. Pero hindi lang dahil sa fashion sense kaya ko nasabing gurang na rin ang film. ‘Yong mismong sinematograpi kasi ay eyesore. Sakit sa mata. Sakit sa tenga.

Marami naman akong natutuhan sa dokyu, in peyrnes. Isa na rito ay ang dahilan kung bakit hindi ka mahahawa kapag nakipaghalikan sa taong may AIDS. Sirit? Sabi ni Mam Health Worker, kinakailangang makalunok ka muna ng limang litro ng laway bago ka mahahawaan. Nangyayari ba ‘yon?

Isa rin sa dagdag sa aking kukote ang tawag sa likidong lumalabas sa babae na katumbas sa tamod ng lalaki. Seryoso! Harap-harapan, tinanong kami ni Mam Health Worker kung ano ‘yong likidong ‘yon! Aba, naisip ko, ewan, wala naman ako n’yan! Ang mga babaing paseksi, naku, parang mga Maria Clara, tinakpan ang kanilang mga mukha gamit ang girli-girli na panyo, nagba-blas ang mga peys.

May isang binatang nagsalita, o sumigaw yata dahil sa ingay na dulot ng tensyon:
”Mam, ‘hima’ po!” ang sabi. Kumpirmado, pers taym ko ngang marinig ang salitang ‘yon. Kasintunog lang ng hiwa, hila, hita, at hika.

Hayun, biglang nawala ang tensyon; nawala ang pamumula ng mga mukha.

Kaya nga kapag tinitingnan ko ang ‘green card’ na narito ngayon sa aking pitaka, nawawala ang mga sentimiyento ko sa sistema ng ating pamahalaan. Napapalitan ng ngiti.



___________________________

Kailangan mo ba ng makabuluhang papel ukol sa family planning? Basahin nang libre ang The Role of Men in Family Planning in the Philippines: An Assessment sa Asia-Pacific Social Science Review.