Sosyal na Pusa

Maulan. Pauwi ako sa bahay galing sa eskwela. Naghihintay ako sa shed na katapat ng Palma Hall sa UP nang walang kagatul-gatol, kumapit sa aking pantalon ang isang kuting- payat, marumi, gutom. Nagkulay abo at lupa ang kanyang pinong balahibo dahil sa tilamsik ng putik sa paligid. Hindi lang ako ang nagitla. Nagtawanan ang mga kasabay kong naghihintay ng dyip. Nainis din ako: naputikan kasi ang pantalon kong ire-recycle ko pa sana sa mga susunod na araw.

Iwawasiwas ko na sa poste ng shed ang kuting nang bigla siyang ngumiyaw. Iyong ngiyaw na di pangkaraniwan. Malalim. Maraming gustong sabihin. Ngunit nakahon sa mga paulit-ulit na ‘ngiyaw’.

Kinuha ko ang aking panyo at ibinalot iyon sa kuting. ‘Yong dalawang katabi kong estudyanteng parehong nakapormang-sosyal, kinausap ako. Sabi no’ng isa, “Ay, kuya, you’re so bait naman,” habang tila kinikilig na gustong kurutin sa pisngi ang dugyot na kuting. ‘Yong isa naman, sumabad sa kanyang kasama. “Sis, sinisipa ‘yan ng prop ko kanina,” habang tila hinahagilap ang kung sinumang taong tinutukoy sa paligid. Nagda-dangle ang kanyang mga hikaw habang nagsasalita. Muling nagsalita ang isa, “Kuya, you like, sa ‘yo na lang ‘tong umbrella ko? Reward namin sa ka-nice-an mo.” Pero bago pa man ako makasagot ng ‘wag na, salamat na lang,’ pumara na sa tapat namin ang dyip. Sumakay ako sa bakanteng upuan sa harap, habang naggitgitan sila sa loob. Sa biyahe, natatawa ang tsuper habang ngiyaw nang ngiyaw ang kuting sa aking kanlungan.

Makulit ang kuting. Parang batang gusto laging makipagharutan. Kaya naisip ko agad na ‘Tao’ ang itawag sa kanya. At dahil tao, syempre, espesyal din ang trato. Noong una, may sarili siyang kartong nilatagan ng unan bilang higaan. Pero noong lumaki na siya at sumikip sa karton, itinabi ko na siya sa akin sa pagtulog. Sabay kaming kumain: ang ulam ko, ulam niya. Kung minsan ngang gulay ang ulam ko at ayaw niya, tatakbo pa ako sa tindahan para ibili siya ng sardinas. Minsan nama’y nagpaparinig ako sa aking kapitbahay; sasabihin ko kunyari: “Naku, Tao, pasensya na kung wala kang pagkain ngayon.” Tapos, akalain mo ba namang bibigyan siya ng pagkain ng aking kapitbahay. Isang beses nga, binigyan siya ng isang buong inihaw na bangus. Kesa mapanis daw kasi, sabi ng aking kapitbahay, ipaulam na lang kay Tao.

Bukod sa pagkain, espesyal din ang dumihan ni Tao. Binilhan ko siya ng sarili niyang cat litter. ‘Yong inuupahan ko kasing bahay, nasa second floor. Walang bakuran halos. Puros semento ang paligid. Alam mo naman ang mga pusa, maarte kapag tumatae. Gusto ‘yong may kinukutkot na lupa o buhangin. Ayaw na ayaw nilang mag-iwan ng kahit kaunting amoy. Potty trained, wika nga, si Tao. Para kang nagpapalaki ng bata- may diapers! Magkano ba ang cat litter na ‘yon sa SM? Nasa P300 din. Dalawang linggo lang sa kanya ang isang pakete. Naku, ayokong kuwentahin kung magkano ang kinupit ko sa aking allowance para lang taehan ni Tao.

Lumaki nang lumaki si Tao. Maraming bagay, maganda at masama, ang nangyari sa aking buhay at bahay. Nagkaroon ako ng kasama sa bahay. Dalawa sila. Si Ralph at ang pinsan niyang batang hikain, si Jaeru. Alam kong masamang masinghot ng bata ang balahibo ni Tao, pero ipinagpilitan kong walang lalabas ng kuwarto, o bahay. Kaya gano’n nga ang nagyari: magkakatabi kaming natulog. Ako, si Ralph, si Jaeru, at si Tao.

Natutuhan ni Taong lumabas-labas nang bahay noong wala kami lagi: tuwing tumatambay sa The Block, o sumasaglit sa Starcity. Sabi ko kasi, baka matagalan tayo, magugutom si Tao. Mabuti nang nasa labas siya para pwedeng bigyan ng aming kapitbahay. Kapag tumatambay kami sa labas ng bahay, tumatambay din siya. Marami ang nakapansin sa mga wirdong batik na kulay itim sa kanyang balahibo. Ang linis daw na pusa, puna ng marami. Pusakal lang ‘yan, madalas kong sagot habang ibinabalik sa loob ng bahay si Tao.

Hindi lang sa tao mahilig makipagharutan si Tao. Madalas din siyang nakikipagsagupaan sa iba pang pusang dumarayo sa aming bahay. ‘Yong iba nga, triple ang laki sa kanya. Pero hanga ako kay Tao, ayaw magpadaig. Sabi nga ni Ralph, “Taga-UP ‘yan eh.”

Minsan, tumalon si Tao sa kabilang compound. Mataas ang pader na nakapagitan sa inuupahan naming bahay at sa compound na iyon. Natanaw namin si Taong ngumingiyaw sa bubong ng katabing compound. Nainis ako kay Tao. “Hayaan mo siya. Gusto niya ‘yan.”

Lumambot din ang puso ko nang mapansin kong naluluha si Ralph habang nakatingin kay Tao sa malayo. Ako na mismo ang nagyayang kunin si Tao. Nilibot pa namin ang kabilang block para ibalik siya sa amin. Sabi ko kay Tao: “Tingnan na lang natin kung hindi ka na madala ngayon.”

Balik muli sa dating gawi. Masaya kaming kaharutan si Tao. Masaya rin siyang kaharutan kami, at malamang, kapag kaharutan din niya ang ibang mga dumarayong pusa. Mabuti iyon para sa kanya, ayon sa nasaliksik kong mga artikulong tungkol sa pag-aalaga ng pusa. Naeensayo raw kasi ang kanyang mahahabang kuko at matutulis na ngipin. Minsan nga, pumasok siya sa kuwarto na puro sugat dahil sa pakikipag-away sa ibang pusa. Minsan naman, dahil sa kasusuot sa kung saan-saang lungga, nagkatuklap-tuklap ang balat. Buti na lamang at may pang-first aid ang aming kapitbahay. Tinutulungan niya akong lagyan ng Betadine ang mga sugat ni Tao.

Isang araw, nagising kaming wala si Tao. Sabi ko, nariyan lang ‘yan sa labas. Baka may kalaro. Pero noong hapong iyon nang dumating ako sa bahay buhat sa eskwela, hindi pa rin umuuwi si Tao. Sabi ko, babalik din ‘yon ‘pag nagutom. Kinaumagahan at sa mga sumunod pang araw, wala pa ring Tao.

Naalarma ako. Namiss ko siya- ang kanyang pakikipagharutan sa aking mga kamay na tinadtad ng mga peklat at di pa humihilom na mga sugat sanhi ng kanyang kalmot at kagat, ang kanyang ngiyaw kapag nagbubukas ako ng sardinas, ang tila-makinang atungal ng kanyang baga kapag katabi ko siya sa kama.

Noong nagtapos na ako sa kolehiyo, lumipat kami sa Calamba. Habang nagkakarga kami ng mga gamit sa lipat-bahay truck, lingon ako nang lingon sa paligid- nagbabakasakaling bigla siyang susulpot. Pinakahuli kong nilagay sa truck ang kanyang cat litter na hindi pa nauubos. Noong naikandado na ang bahay at umusad na ang truck, hindi ko mapigilang umiyak.

 

Advertisements

9 thoughts on “Sosyal na Pusa

  1. Nakakatuwa naman na may soft spot ka rin sa pusa. Ako rin may alagang pusa at Tiffany ang pangalan, puti, mabalahibo, kulay blue at yellow ang mata (parang rhyme? LOL). Nice blog Sir! Keep writing.

    Like

  2. Kalungkot naman nangyari kay Tao. Yung pusa kong si Kitty ay galing din sa UP, pinulot ko sa Arcade pagkakain ng keema. Purong puting pusa siya. Namatay na si Kitty. Ngayon ang anak niyang si Snowie ang inaalagaan ko. Purong puti rin ang kulay. 🙂

    Like

  3. Naaalala ko yung kuya ko. Laging may baon na pusa pag uwi ng bahay. Minsan, napupulot nya lang sa kalsada. At take note, may hika pa kapatid ko a.

    Hay Tao, bakit ka lumisan?

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s