Misteryo ng Madidilim na Bahagi ng Quezon City Hall

Naglakas-loob akong pumila sa Quezon City Hall upang kumuha ng Health Certificate at Occupational Permit. Parang magkapatid ‘yang dalawang ‘yan; hindi ka magkakaro’n nung isa hangga’t wala ka no’ng isa.

Ang siste, magbabayad muna ng P190 para sa proseso ng Health Certificate. Pang-laboratoryo raw, o pagsuri sa sputum, stool, at seminar sa HIV-AIDS. Kesa naman magbayad pa ng milyones sa pribadong ospital, sinunggaban ko na ang pagkakataon.

Nung nakapagbayad na ako, sabi nung aling masungit na namimigay ng flyers ng mga requirements, punta na raw ako sa lab. Habang nagsasalita, text siya ng text samantalang inip at inis na ang mga dalagang kasabayan ko.

Nakapila na ako sa lab nang may batang lumapit sa akin, inaalok sa akin ang dalawang plastik na parang lalagyan ng Cornetto ice cream, at nag-match pa ‘yong kasamang stick para sa ice cream stick.

Tumanggi ako sa kanya. Naisip ko, ano namang gagawin ko d’yan.

Parang nabasa ang isip ko. Sabi ng bata:

“Ser, kelangan n’yo po ‘to. Dito po ilalagay ang sampol.”

“Ay, wala bang libre sa loob?”

“Wala, ser. Bibili po kayo.”

“Sa loob ng lab ko na ilalagay ‘yong sample?” tanong ko habang dumudukot ng sampu.

“Hindi po, ser. Walang C.R. d’yan,” paliwanag niya habang tumitingin sa paligid. “D’yan po, ser, sa Rapide, maki-C.R. kayo d’yan.”

Auto shop ang tinutukoy niya. Hindi na lang ako kumibo. Itatanong ko pa sanang “May Jollibee bang malapit dito?” pero hindi ko na nagawa. Nawindang na ang utak ko para makapag-isip pa nang matino.

Dumiretso ako sa main building ng city hall. Umakyat sa ikalawang palapag. Naghanap-hanap ng lunggang mapagsagawaan ng kalaswaang hindi ko pa nagagawa sa tanan kong buhay.

Suwerte namang may C.R. sa itaas. Bagama’t maraming tao dahil lunch break no’n, may hilera naman ng apat na cubicle. Kaya puwede na.

Pumuwesto ako sa pinakadulong cubicle. Nung nakaupo na ako sa kubeta, naykupo, katatapos ko lang palang magbawas bago umalis ng bahay! Alangan namang uminom ako ng sangkatutak na Dulcolax.

Eto pa’ng problema. Habang nagko-concentrate ako sa ibabaw ng puting tronong iyon, bigla ba namang may nagsalitang babae sa tapat ng pinto ng cubicle.

“Ser, may tao po ba d’yan,” tanong niya (eh alam namang may tao).

Meron, sabi ko.

“Ah, ser, nagsasampol ba kayo? ‘Wag lang po natin dudumihan ang bawl (bowl) ha?”

Opo, sabi ko. Para akong batang pinagsasabihan ng yaya.

“Ah, ser,” pahabol pa niya, “‘wag po nating ikalat ang istik (stick) ha?”

Hindi na ako nakasagot. No’ng sandaling iyon, ayaw pa ring lumabas ng ‘alam mo na’. Sa huling sinabi ng mahiwagang tinig, parang may umilaw na bumbilya, with matching ‘ting’, sa isang bahagi ng aking utak.

Ang istik, este stick! Ito ang magliligtas sa akin!

Kailangan ko pa bang isa-isahin ang mga sumunod na eksena?

Iskip.

Pas porward.

Pagkaplas ko ng bawl (na wala namang kahit isang bakas ng pupung nagmula sa akin), pinaliguan ko ang aking sarili ng hand sanitayser. Nangalahati rin ang aking wa de twele sa pag-isprey-isprey sa aking buong katawan.

Lumabas ako sa kyubikel. Ando’n si Manang-mahiwagang-tinig.

Hindi siya nakapagsalita. Sa kanyang mga mata, nabasa ko ang napiping pagnanasang punasan ang tagaktak na pawis sa aking mukha at leeg, at plantsahin ang nagusot kong slacks at long sleeve.

Advertisements

7 thoughts on “Misteryo ng Madidilim na Bahagi ng Quezon City Hall

  1. iskeyri. langyang yan. sabagay, akala ko pa nung una may nagbebenta nga sayong bata. hahaha.

    pero grabe, mga simpleng prosesong ganyan nga, di nila masolusyunan. tsktsktsk.

    Like

  2. hmmnnn… ako nun may baon na kasing sample. 🙂

    may mga maling nakasanayan na ang lipunan. nais man iwasto ng karamihan o mangilan-ngilan, kulang pa rin sa pampublikong kaalaman… natumbok mo naman.

    ang pagbasa sa mga dyornal at lathalain at pag-unawa sa munting suliranin na maaari namang tugunan upang wag ng lumaki pa.

    Like

  3. hehehe ganyan talaga dyan sa city hall natin. tayo pa naman ang pinakamalking lungsod sa metro Manila at maituturing na isa sa mayaman. pero ganyan ang sistema.

    ako dati nawiwindang sa elevator doon. talagang vintage ang dating dahil feel na feel mo ang pag-lindol kada hinto noon. one time, (elementary pa lang ata ako) huminto yung pinaka-cubicle ng elevator ng hindi sakto sa pinto. siguro mga kalahati rin ang taas sa sukat ng pintuan. kawawa yung mga babae na nakapalda, makita na ang makita.

    sabi ng nanay ko, mas matatgal din daw ang pagproseso ng mga papel dyan ngayon. well sana yung susunod nating mayor makita naman ang kalagayan.

    pero one thing na gusto ko sa ating city hall ay may library sila. hehehe

    Like

  4. hi. Mga ilang oras ka nandun sa quezon city? I mean yung pagkuha ng health certificate at occupational permit matagal ba?? san banda dun pupunta? 😀 I need kasi ASAP, pero I dunno how. Thanks.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s