Biyaheng Bulan

Kung adbentyur ang hanap mo, punta kang Masbate. Kung maaga mong sinabi na gusto mo ng adbentyur, hindi ka na sana bumili pa ng pinakamalaking Super Lolo para lang ma-thrill sa pagsalubong ng New Year. Dapat e sumama ka na lang nung umuwi ako bago mag media noche.

Yun nga lang, mahigit isang taon nang sarado ang aming airport. Sa pagkakaalam ko, huling bumiyahe doon ang eroplano ng Asian Spirit (Zest Air na ngayon) na bumulusok ang nguso sa pader ng runway. Maikli raw kaya isinara’t ipinaayos. Nag-boom ang mga pantalan sa Pilar, Sorsogon na nagbigay-daan sa mga Supercat o Fastcraft na naghahatid-sundo sa mga biyahero. May kamahalan ang putul-putol na biyahe para lang makarating sa Maynila dahil sa dami ng mga stop-over lalo na ng mga bus. Ang sabi noong nakaraang taon, sa Disyembre 2009 daw magbubukas ang airport. Kumbaga e pamasko sa mga biyaherong na-immune na sa ilang beses na pagka-stranded kapag me low pressure. Sabi ko, tamang-tama dahil sa amin ako magpa-Pasko. Kaso hind naman nagkatotoo ang mga haka-haka. Sa Enero pa raw ng bagong taon.

Kaya’t nagmanu-mano ako sa pagbiyahe: RORO (o roll-on roll-off). Beybi ni PGMA ang sistemang ito ng transportasyon– masubukan nga.

Tatlong kompanya ng bus ang bumibiyahe sa amin gamit ang RORO: 1) RORO Bus, 2) Mega Bus, at 3) Elavil. Hindi ko na ikukuwento ang karanasan ko sa pagpuntang Masbate dahil walang masyadong adbentyur. Maaga kasi akong naka-secure ng tiket sa bus. Ang hanep e yung pabalik nang Maynila: siksikan ang mga tao sa pier, fully-booked ang mga bus, at naglipana ang mga under the table na transaksyon.

Planado na ang aking ruta: Sasakay ng Mega Bus (yung aircon, kung maaari) sa aming pantalan; ikakarga sa ferry ang bus kasama pa ng anim o pitong bus papunta sa Bulan, Sorsogon; at tuloy sa biyahe papuntang Kamaynilaan. Mabilis akong nakapagpareserve sa isang ordinaryo o hindi de-aircon na bus. Pwede na rin kung isasaalang-alang ang nakalululang dami ng mga tao. Nasabi ko na bang siksikan, fully-booked ang mga bus, at naglipana ang mga under the table na transaksyon?

Buti’t isa lang ang dala kong bag. May malaking supot ako na naglalaman ng comforter na regalo ni Mama at ang baon kong hapunan.

Reding redi na ako. I’m getting there, Manila, sabi ko. Tapos, maya-maya, mantakin mo ba naman… Wala na raw bus! Nag-freeze ang utak ko. Windang. May ilang segundo pa bago ko naalala: Ah, oo nga pala. Nasa Pilipinas ako…(ayoko nang ituloy pa.)

Eto ang catch, mga parekoy. Tumawag ako sa amin. Kako ipagpabukas ko na lang ang biyahe. Aagahan na lang. Sinundo ako ni Mama sa terminal na kasalukuyang namimili sa sentro para sabay na kaming umuwi. Etong nanay ko, sa totoo lang, eh maraming koneksiyon. Hindi pulitiko o businesswoman o artista itong si Mama pero kahit saan mo ilagay sa Masbate, may kilala. Titser kasi itong si Mama at hindi na mabilang ang mga naging estudyante. At isa pa, may girl power itong si Mama, kaya ilagay mo rin sa Maynila, nakow, isang minuto lang eh may bago nang kaibigan.

Connection, connection.

Dating estudyante ni Mama ang aming naging kasabwat. Sekyu ito ngayon sa Montenegro Shipping Lines sa aming lalawigan. Sa kanya agad humingi ng pabor si Mama, na makatawid ako mula sa aming isla papunta sa Mainland Bicol. Ito namang si Kuyya Sekyu e me koneksyon din. Fifteen minutes lang, may hawak na akong tiket habang paakyat sa ferry samantalang siksikan at wala pa ring masakyan ang mga tao sa pantalan at terminal.

Alas tres ng hapon umandar ang ferry. Narating ko ang Bulan, Sorsogon mga bandang alas sais. Umusad ang bus mga alas otso. Madaling araw ng sumunod na araw e nasa Tubina na ako sa Calamba. Pagkarating sa bahay, nilagyan ko ng Vicks ang stiff neck, at buong araw na humiga.

Advertisements

3 thoughts on “Biyaheng Bulan

  1. natawa ako sa last part na sinabi mo na.” Pagkarating sa bahay, nilagyan ko ng Vicks ang stiff neck, at buong araw na humiga.” na imagine ko itsura mu nun..hehehe…new blogger po pa add naman sa blogroll

    Like

  2. may alam ka pa bang mga literatura ng Sorsogon??? kailangan na kailangan ko talaga para sa project namin… PLZ 4ward u naman sa email ko, TY…

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s