Hitch A Ride: The Tangeng Pinoy Version

Naligaw ka na ba? Ako, oo. Galing ako nun sa opis. As usual, mag-aabang ng bus sa EDSA pauwi ng Calamba. Sa totoo lang, kering keri ko naman ang biyahe. Pag nakaupo na kasi ako de-kustong upuan ng de-aircon na bus, ayun, laylay na ang leeg at humihilik.

Kasasalampak pa lang ng aking puwet sa upuan habang nasa Cubao pa lang ang HM Liner, napaidlip agad ako. Tapos nagising nung naningil na ang konduktor. At balik tulog ulet habang yakap-yakap ko ang aking backpack na pang-opis.

Kapiling yata ako ng isang succubus nung mga sandaling iyon habang bumabagtas na sa kahabaan ng South Luzon Expressway ang bus dahil nung biglang pumreno ang bus, bigla rin ang gising ko. May lalaki at babaeng magka-holding hands ang bumaba sa bus, tapos ako naman, habang kinukusut-kusot ang mga mata, sumunod na rin sa pagbaba nila. Basic instinct na kasi sa akin na ang unang stop-over ng mga sinasakyang kong bus ay Mayapa, ang lugar kung saan ako bumababa. Kaya bumaba nga ako nung huminto ang bus. Nung umandar na ulet yung bus at naiwan ako sa gilid ng highway, habang naglalakad naman yung magsyota (yata) papunta sa tollgate ng Batangas Exit, saka pa lang ako tuluyang nagising. Madilim ang paligid. Walang pedestrian lane (dahil nga super highway). At humahagibis ang mga sasakyan. Alas otso na. Naghahanap na ng hapunan ang aking mga alaga sa loob ng tiyan. Gusto ko sanang habulin yung dalawa, hihingi ng tulong, kaya lang napansin ko yung karatula sa gate na tinutumbok nila: Ciudad de Calamba. Diyuskupo, isang subdibisyong under construction pa! Kung may guard mang mag-aalok sa akin ng tulong sa gate na yun, baka yung magagawa lang niya eh patulugin ako sa kanyang outpost at hintaying mag-umaga. Pa’no ang pagkain ko? Pa’no ang malambot kong kama?

Nag-isip ako ng plan B. Kung tangengot ako sa maraming bagay, ang maipagmamalaki ko naman ay ang galing ko sa pagdiskarte.

Tumawag kaya ako sa amin. Sabihin kong sunduin ako sa highway. Pero nangunot din ang aking noo. Tricycle lang ang meron sa aming kapitbahay na pwede kong pakisuyuan.

Plan C: Baka naman pwede akong mag-hitch a ride o thumb a ride sa mga dumaraang sasakyan. ‘Lam mo yung tipong magta-thumbs up ka sa mga sasakyan, baka sakaling pasakayain ka, gaya ng ginagawa sa Amerika. Kaya lang baka mapagkamalan naman akong eng-eng na nagsesenyas ng ‘OK’ sa gilid ng highway. Kaya naisip kong pumara, yung tipikal na para sabay senyas ng kamay. Pagkatapos akong dedmahin ng tatlong kotse, nahiya ako sa aking sarili. Sumuko na ako.

Ah, eto na talaga ang aking last resort: ang maglakad. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saang lugar na ako. Kung lumagpas ba ako sa Mayapa o hindi. Basta ang alam ko, nasa Calamba na ako. Nasa highway nga lang. At walang masakyan.

Me pagka-daredevil ako. Imagine, isang naka-office attire, tapos me matching eyeglasses pa, naglalakad sa gilid ng super highway.

Nakakasampung hakbang pa lang ako nang me humintong trak sa unahan. Kung pamilyar ka sa mga tinatawag na “Lay By” sa gilid ng highway, eto yung lugar kung saan pwedeng magpahinga sandali ang mga motorista. Baka pagod sa matagal na pagmamaneho. O baka nawiwiwi.

May isang taong bumaba. Tsinek ang gulong ng trak. Tumakbo ako, paika-ika sa aking leather shoes, at nakiusap ke Manong kung puwede bang maki-hitch—este makisakay papuntang Calamba. Sabi niya, makiusap ka sa drayber. Mabaet naman yung drayber. Pumayag naman agad nang walang tanung-tanong. Ah, may tanong pala siya habang sumasampa ako sa sobrang taas na front seat ng trak: Ano raw ang nangyari sa akin? Nagtaka raw kasi sila kung bakit me taong naglalakad sa gilid ng highway.

Habang nakasalampak ako sa punit-punit at magrasang de-kutsong upuan sa loob ng mainit na tumatakbong trak, kinuwento kong ibinaba ako ng drayber ng bus sa lugar na yun. Sabi ko sa Calamba ako bababa, sa Ciudad de Calamba naman ako binaba.

“Aba’y lokong drayber ‘yun,” sabi ni Manong Drayber. Napangiti ako dahil hindi nabukong ang lahat eh sanhi pala ng katangahan ko.

“Malayo pa ba ang Calamba, Manong?” tanong ko habang tsinetsek ang aking wallet, cellphone…

“Dyaan lang sa unahan.”

Dumukot ako ng isandaan at inabot ke Manong Drayber. “Pang-meryenda,” kako. Nagulat ako nung tumanggi siya. Nakangiti. Napapailing. Wag na raw. Naramdaman ko ang kanyang kabaitan. Binalik ko ang pera sa aking wallet.

“Saan ba ang deliver nyo, Manong?” tsika ko.

May sinabi siyang isang lugar na hindi pamilyar sa akin, tumango na lang ako. Naikuwento rin niyang mga lumang makina ang karga nila. Nasabi rin niyang Aglipay ang kanyang relihiyon.

Makalipas ang isang minutong takbo ng trak, na sa tantiya ko’y dalawang kilometrong layo, pumara ako sa Calamba City at nagpasalamat.

Sa mga kasamahan ko sa bahay nung makauwi na ako, at sa mga opismeyts ko kinaumagahan, naikuwento ko ang naturang insidente. Syempre natawa sila, at ako lang ang nakauunawa sa mas malalim na kahulugan ng aking simpleng katangahan.

Advertisements

7 thoughts on “Hitch A Ride: The Tangeng Pinoy Version

  1. hehehe ayos ‘to ha.

    naalala ko tuloy yung nagpunta kami sa Batanggas yung 1 day 1 night naming pakay naging 3 days so ang siste kinulang na yung budget namin pauwi. in short kulang na yung pamasahe.

    Kakatawa lang kasi binalak naming maglakad hanggang tagaytay tapos doon sumakay sus. ang layo pala nun. huminto kami sa isang puno at nagpahinga.

    kakatawa lang kasi may umistap na trak na walang laman. siguro 16 wheeler yun.

    ayun. nakiusap akong baka puwede paangkas sa likod hanggang tagaytay lang. pumayag naman, pero nung malaman naming sa maynila pala sila papunta nagtuloy tuloy na ang biyahe.

    subrang laki na natipid namin ang pamasahe ay kulang kulang dalawang daang isang tao. dulo kasi ng batanggas yun.. 8 kami so mahigit isang libo ang natipid namin. yun nga lang pagkarating namin sa Maynila mga nognog na kami hehehehe.

    Like

  2. san yung ciudad de calamba? wahahaha… pwede palang bumaba sa slex?

    may tanga kwento din ako:
    Andun ako sa bus station sa Cubao ng papuntang Baguio. Eh hindi ko matandaan kung asan ba yung HM. wahaha. Lakad, lakad.. Tapos nung naiirita na ako, pumara ako ng taxi. Sabi ko dun po sa HM na bus station. Sabi niya, “Ah yung malapis sa overpass!” Ako naman ay nabuhayan ng loob. Siguro mga 2 minutes ang nakalipas, sabi niya, “O eto na o.”
    Punyeta, nagbayad ako ng Php50.00
    Inisip ko na lang na may araw din si manong at baka kelangan ng anak niya ng pang-tuition. Isa pa ay antok na antok na ako galing gimikan kaya hindi ko na rin pinatulan.
    Pero lokong drayber yun, naisahan ako. Tatanga-tanga kasi eh.

    Like

  3. Nangyari na ito sa akin noong mag-aaawting kami sa Batangas. Ang usapan, dadaanan ako ng grupo sa Alabang, kitikiteks at tawag pa ang ginawa sa akin, malapit na daw sila sa Alabang.
    Pagkalipas ng mga 15 minuto, may natanggap na naman akong mensahe.Nakalimutan daw akong daanan dahil nalibang ang drayber at sila sa panonood Michael Jackson concert sa dibidi.
    Si J. Kulisap ay sinadyang maging tanga sa mga lugar kung kaya’t ng sabihin nilang sumakay ako ng bus papuntang Laguna at bumaba daw ako sa tollgate, sinunod ko naman. Aba malay ko bang hindi pala nagbaba sa tollgate, ayun nakarating ako ng Laguna basta ang natatandaan ko may Lianas supermarket na malapit sa palengke. Hinanap nila ako don, ay lensyak nadreyn pa ang baterya ng selepono ko. Maghanap pa sila sa akin.
    Gusto ko sanang maging John Loyd Cruz sa kadramahan dahil naligaw ako, hindi ko rin naman matiis ang mga kasamahan ko sa awting. Napikon lang ako dahil ang tanga ko, ligawin ako.

    Like

  4. natatawa ako dahil nakarelate ako dito.., kung tulog kang bumaba..ako wala sa sarili.. hays.. nakakaawa nga pag kinukwento pa sa mga kaibigan, sentro ng komedya ka pagkatapos ng nerbyos at kabang dumaan sa buhay .. pero masaya na naeksperyens natin yun.. minsan pala sarap ding maging tanga.=)

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s