Ang Ligaw na Bonsai ni Mama

Three years old ako nang ampunin ako ni Lola na nakatira malayo sa amin. Retiradong titser sa Grade 1 si Lola. Lagi niya akong pinapasulat at pinapadrowing. May kaibigan siyang titser na laging pumupunta sa amin, sabi ng titser na ito, “Mare, isasali ko ito si Neil sa poster-making contest.” Mahusay raw kasi akong magdrowing ng tao, bahay, kalabaw, bundok….

Bata pa ako, nakapinta na sa utak ko ang landas na aking tatahakin. Kapag tinatanong ako ng ibang tao, “Ano ang gusto mo paglaki mo?” madalas kong isinasagot, nang may buong pagmamalaki, “Architect!”

Iba naman ang pangarap ni Mama sa akin. Magiging pari raw ako. Ang laging sinasabi ni Mama, “Kapag may anak akong naihandog ko sa Diyos, wala na akong mahihiling pa.”

Nagkaroon ako ng sangandaan ng mga pangarap: sa isang direksiyon ay nakikinita ko si Lola, nakangiti, may hawak na T-square at technical pen, sa kabilang direksiyon naman ay si Mama, nakangiti rin, may hawak na sotana.

Isinoli ako ni Lola sa amin para mag-aral sa Grade 1. Ang impresyon sa akin ng aking mga titser ay mabait, masipag, matalino, magalang, at masunurin. Lahat ay pawang positibo. Magiging architect o pari kasi ako, ang madalas kong paalala sa aking sarili.

Nasa highschool ako nang makahiligan ko ang bonsai. Hinanapan ako ni Mama ng libro tungkol sa pagbo-bonsai. Ibinili niya ako ng mga paso, wire, pliers, at gunting na gamit sa naturang hobby. Natutuhan ko ang dalawang pangunahing mithiin sa pagbobonsai: una, itinatanim ang halaman o puno sa paso para hindi ito lumaki at, ikalawa, ikaw ang magdedesisyon kung ano ang magiging hugis nito. Kapag weekend, namumundok kaming magkakapatid para maghanap ng mga halaman at punong gagawing bonsai. Madalas na sumasama si Mama. Hindi niya alintana ang matarik na daan, ang matatalim na talahib, at matinding sikat ng araw.

Sa bawat bonsai na aking nagagawa, lagi kong nababasa sa mga ngiti ni Mama, habang nakatitig sa aking munting obra, na magiging architect nga ako, gaya ng pangarap ni Lola. Kaya lumuwas ako patungong Maynila at nag-enroll ng Landscape Architecture.

Pero hindi ganito kadali ang lahat. Kapag nahiwalay ka pala sa pamilya mo, saka mo lubusang makikilala ang iyong sarili, ang iyong mga sariling pangarap.

Sa buong panahong nasa kolehiyo ako, isinekreto ko ang lahat tungkol sa aking pag-aaral, lalung lalo na ang pag-shift ko sa Creative Writing. Binigyan ako nina Mama at Papa ng kondisyon na dapat ay hanggang 6 years lang ako sa UP (bilang Architecture student, gaya ng inaakala nila) dahil magastos mag-aral lalo na’t parehong sa gobyerno lang sila nagtatrabaho. Noong April 2009, dalawang linggo bago ako magmartsa, umuwi ako sa amin dala ang aking thesis, ilang sertipiko sa pagdalo sa writing workshop at pagkapanalo sa writing contest, at imbitasyon para sa aming graduation. Nang sinabi ko kay Mama, sa unang pagkakataon, na lumihis ako ng landas – landas na ibang iba sa pangarap nila ni Lola, ngumiti siya, maluha-luha. At gaya ng mga titig niya sa akin noon kapag may likha akong bagong bonsai, nabasa kong muli sa kanyang mga mata ang walang pag-aalinlangang saya, pagtanggap, at pagmamalaki sa akin bilang kanyang anak.

Advertisements

13 thoughts on “Ang Ligaw na Bonsai ni Mama

  1. ang magulang ay masaya, kung sinusunod sila ng kanilang mga anak….
    ang magulang ay masaya, kung alam nilang sila ay may isang matagumpay na anak…
    at mas higit na masaya ang isang magulang,kapag..

    ang kanilang mga anak ay masaya sa landas na kanilang tinahak…

    Like

  2. hindi sumasabay ang paglaki ng bonsai sa panahon.. pero mas cute ito habang tumatagal
    may mga ugat na tumatanda pero parang natutuyot lang sa katagalan.. pero buhay pa rin yun
    matangal na rin ang huling init na naramdaman ko mula sa aking magulang o halos nakalimutan ko na to.. pero iba ang nagmamahal ng walang kondisyon.. walang panahon.. at wala sa kung hanggang saan lang..

    Like

  3. Hmmm… Such a refreshing entry… This entry made my week Neil… Blog mo ang una kong dinalaw sa araw na ito… 🙂

    I used to be a bonsai enthusiast when I was in high and college… A bonsai’s different branches are trained to whatever direction its maker chooses. And to achieve a fully cultivated bonsai, the maker must be in constant observance and vigilance to the sprouting leaves and branches, least they desecrate the much sought bonsai form… 🙂

    Distance has lessened the cultivation of your mother’s and grandmother’s dreams for you. And you were able to break free from those training wires…

    Bonsai art is much like the art of sculpting. Different rocks have different forms, and the sculptor’s task is simply to reveal them. And I admire your mom – she is much like a bonsai master who allows her “plants” to break free to reveal their true form.

    Like

  4. wow naman. creative writing pala. syempre naman proud na proud sila mama mo nyan. kung saan ka masaya suportahan ta ka, yan ang laging banat nila mama sa akin eh. hakhak!

    Like

  5. Ok, fan mo na talaga ako! Nakakabilib, it seems na nasa iyo na talaga ang gift ng pagsusulat. Anyway keep up the good work! Baka magulat na lang kami dito sa EdTech na Palanca awardee ka na pala. 🙂

    Like

  6. Gandang artikulo, nagpapatunay lang na isa kang manunulat at di arkitekto….tulad din yan kaibigan ng pag-bobonsai, kailan man di ka makagagawa ng isang moyogi (informal upright) o kaya isang cascade kung ang material mo ay angkop para sa Brooom type . Pag pinilit o pinuwersa mo, ika nga, wala kang aasahang ganda.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s