Human Blood, Handle with Care

Dineklarang non-working holiday ang Mayo 3 bilang paggunita sa Araw ng Paggawa kaya’t nagprisinta akong samahan si Ate sa pagpunta sa PGH para bumili ng dugo. Sumusungaw pa lang ang araw nang binaybay ng dyip na sinasakyan ko ang Quezon Avenue. Naabutan ko si Ate na nakaupo sa hagdan ng Mercury Drug sa tapat ng istasyon ng LRT-Pedro Gil. Bakat na bakat sa hapit niyang damit ang sanggol na iluluwal niya, sa paraang caesarean, sa isa sa mga araw na ito.

Nagtanong kami sa information booth kung paano pumunta sa blood bank ng ospital. Kaliwa raw, tapos kanan, kaliwa ulit, akyat sa second floor. Nahingal si Ate sa paglakad. Inalalayan ko siya at nakalimutan ko ang aming dinadaanan. Nagtanong ako sa janitor na nagma-mop ng sahig. Napagtanto kong universal language pala sa PGH ang kanan-kaliwa-akayat-baba dahil iyon din halos ang wika sa amin ng isang nars.

Makalipas ang sampung minuto, narating namin ang blood bank. Mahaba ang pila ng mga blood donors. Sinaway ng lady guard ang isang lalaking nagfifill-up ng kanyang information sheet habang nasa waiting area. Bawal daw iyon, sabi ng gwardiya.

Nang tumahimik na ang gwardiya, nagtanong ako kung saan pwedeng bumili ng dugo. Tinuro niya ang window sa dulo ng hallway sabay sabing “Subukan n’yo dyan, ser.”

Pagdating namin sa window, inentertain kami ng isang RMT na nagngangalang Allan, ayon sa kanyang name plate. Tinanong niya si Ate kung saan manganganak, kung pre-patient ba, kung nasalinan na raw ba ng dugo. Pagkasuri sa request na dala-dala ni Ate, kumuha si Allan ng isang slip at tinatakan. Sa itaas ng tatak, sinulat niya ang P2,500.

Mabuti at may extra siyang pera, sabi ni Ate. P1,500 lang kasi ang sabi sa kanya ng kaibigan niyang buntis at hiningian din ng dugo.

Sinabi ni Allan na magbayad muna kami sa cashier ‘tsaka ibigay sa kanya ang resibo. Bumili na rin daw kami ng yelo. Bumaba kami, nagtanong muli sa janitor, nars, at gwardiya kung paano pumunta sa cashier. Nasa gilid lang pala iyon ng information booth.

Pagkabayad, tumakbo ako papuntang 7-11 para bumili ng yelo. Malaking bag ng yelo na tig-diseotso ang aking nabili.

Nasa lobby si Ate, nakatingala sa mga mural, nang makabalik ako sa ospital.

Muli kaming nagpakaliwa, nagpakanan, at umakyat sa second floor para marating ang dulong hallway ng blood bank. Ibinigay namin kay Allan ang resibo at ang bag ng yelo. Sa venetian blind, nasilip ko ang paghalughog sa mga bag ng dugo na nasa loob ng dambuhalang ref. Nang makita ang hinahanap, minarkahan iyon ng sticker. Kumuha ng logbook, may kinopya mula sa sticker, at saka pinapirmahan kay Ate. May tatlumpong minuto rin kaming naghintay sa labas. Hindi na mapakali ang isang ale sa likod ng pila na sambit nang sambit ng “Kulang sa tao” at “Ang tagal naman.”

Tiyempong tumila na ang ulan nang makalabas kami sa ospital. Sa taksi, ramdam ko ang lamig ng yelo, at ang umaalog na laman ng kartong kanlong ko. Sakaling malagay sa alanganin ang panganganak ni Ate, ito ang dugong magliligtas sa kanyang buhay. At sa aking pamangkin.

Advertisements

2 thoughts on “Human Blood, Handle with Care

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s