Ang Magic ni Papa

Nasa Grade 5 na ako nang mahiwalay ako sa aking mga magulang sa pagtulog. Bago ito mangyari, buong buhay kong katabi sa pagtulog sina Papa, Mama, at bunso kong kapatid na si Jude. Naglalapag kami ng banig sa sala. Nagkakabit kami ng kulambo dahil uso ang malaria sa probinsya. Nilalatagan namin ng kumot ang ibabaw ng kulambo. Kapag madaling araw kasi, namumutakti sa hamog ang aming bubong na gawa sa yero. Wala kaming kisame. Panangga sa lamig at mga nalalaglag na butil ng hamog ang nakalatag na kumot.

Sa isang kuwarto natutulog ang aking ate na noo’y nasa haiskul. Sa kabilang kuwarto naman ang aking kuya kasama ng mga pinsan naming nakikituloy sa amin.

Early ’90s. Milagros, Masbate

Ito ang eksenang karainwang kinagigisnan ko: Mga bandang alas kuwatro, gigising si Mama para magdasal. Nakaupo lang siya sa banig, sa loob ng kulambo. Hawak-hawak niya ang rosaryo, nakapikit at bumubulong nang kung anu-anong hindi ko maunawaan.

Maya-maya’y gigising na rin si Papa. Lagi naming hinihintay ni Jude ang paggising ni Papa. Araw-araw kasi siyang nagma-magic para sa amin. Bago kami matulog sa gabi, ipinapakita ni Papa sa amin ni Jude ang isang lata ng biskwit. Bubuksan niya ito para matiyak naming wala itong laman. Sasabihin niya:
“Matulog na kayo para bukas magma-magic ako na magkaroon ‘yan ng laman.”

Kaya pagkagising, nakapalibot agad kami ni Jude kay Papa. Yakap-yakap ni Jude si Papa sa leeg; kinukuyog ko naman ang hita ni Papa.

Sumisigaw kami ni Jude ng “Magic na, Pa! Magic na, Pa!”

Hindi makapagsalita si Papa, ngiting ngiti, habang mahigpit na kinakanlong ang lata ng biskwit. Nakangiti ring nanonood si Mama.

Dilat na dilat ang nakaabang na mga mata namin ni Jude habang bumubulong ng “Ayan na .…”

At dahan-dahan, bubuksan ni Papa ang lata. Lalagutok ang takip nito. Mapapakurap kami ni Jude dahil sa bahagyang gulat, pero didilat din agad para tingnan ang laman ng lata. Bubulaga sa amin ang mga biskwit na nasa loob… maraming biskwit na ipinagtataka namin ni Jude kung saan nanggaling.

Hindi ko mabilang kung ilang beses nang nag-magic sa amin si Papa. Pero, di tulad ng mga magic tricks ngayon na nalalaos agad kapag pinerform sa audience, ang magic ni Papa ay hindi nalaos sa amin ni Jude. Lalo na sa akin.

Kahit nasa edad na ako ng pagsasarili, marami pa ring pagkakataong umasa ako sa magic ni Papa: emosyonal, pinansyal, moral. Mga magic na hindi ko magagawa sa aking sarili. O kung magagawa ko ma’y nangangailangan ng katangiang tulad ng kay Papa.

IMG_6342

Jan 2013. Masbate City.

Advertisements

18 thoughts on “Ang Magic ni Papa

  1. bahagyang napatulo ang luha ko dito. grabe, maswerte ka’t nakalakihan mo ang iyong ama. nakikita ko rin ang pagkawili niyong magkapatid sa kanya. naiinggit ako in a way kasi hindi ako makakapag-share ng ganyang istorya tungkol sa ama ko.
    dakila ang mga ama natin! hindi man sila expressive lahat, sa kaloob-looban nila, mahal nila tayo!

    Like

  2. Si Neil, tamad yang magkomento. Palagay ko dahil ang kaniyang tunay na trabaho ay talagang nakalinya sa blogging kaya, parang nakakaumay kung ganun din ang gagawin niya, kaya lang ang dating parang suplado siya. Siguro naman hindi

    Like

  3. payo mula sa isang tatay na tulad ko: simple kang magkuwento, mabisa ang dating, kaya lang, mas maganda kung gagamitin mo yang birtud na yan sa mas matalas na mga karanasan. pataasin natin ang ating sensibilidad pero hindi naman sa paraang binabale wala na natin ang malalambing na eksena sa loob at labas ng kulambo, sa loob at labas ng ating balde ng bigas o biskwit, itago natin yan sa ating sarili pero buskahin natin ang kaisipan ng mga pinoy na laging niroromansa ng massmedia, melodramatik na mga palabas kapamilya at kapuso: kailangan natin ay matatalisik na komentaryo sa mga realidad sa ating paligid sa loob at labas ng pamilya. buskahin natin ang malambing na sensibilidad ng katoloikong pinoy na nilutong parang nagtutong na bibingka ng kulturang hispanik na nakabatay sa moralidad ng romano katoliko. neil, diretso sa ditalye ang maganda mong istilong natural sa paglalahad….

    Like

  4. First visit on your blog site, 2nd blog i’ve read, both made me teary-eyed, missed my parents and wished they could have lived longer.

    Naalala ko nung siguro mga 5-7 yrs. old ako, isinama ako ng mamay ko sa palengke, dumaan muna kami sa trabaho ng papa, andun siya, sa harapan ng grocery, kasama ng ilang kaibigan. Dahil bunso, alam ng lahat na paborito ako, biniro nila ako na may iba nang bunso ang Papa ko. Ang natatandaan ko lang, umiiyak ako, kinarga niya ako at ibinili ng dirty ice cream, at kandong niya ako hanggang maubos ko ang ice cream. Gabi-gabi, tuwing dadating siya, inaabangan namin kung ano ang pasalubong niya, icedrop, balot, barbeque, tinapay, kung anu-ano lang. He was a man of few words, hindi sha madaling magalit, di katulad ng Mamay namin, pero isang sutsot lang niya, ano man ang ibig sabihin nun, tumatahimik kami, o lumalapit sa kanya agad.

    He was not a perfect father. But he was the best for me. And I am so sorry that I wasnt with him when he died.

    Pasensha na po, nadala lang ng emosyon, napahaba ang komento.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s