Binabása Kita

Noong aking kabataan, kapag nagkakasakit kaming magkakapatid, dinadala kami ni Mama sa hilot na si Tiya Linda. Espesyalista ang hilot sa lahat ng sakit naming magkakapatid, mapalagnat, pilay o sakit ng tiyan man. Bagamat taga-probinsya, si Mama ay hindi yung tipong matatawag mong karaniwang nanay na taga-bundok. Kaibigan niya ang doktor na nagmamay-ari ng isa sa dalawang pribadong ospital sa aming bayan. Bukod pa riyan, may master’s degree rin siya sa UAP. Kaya magtataka ka kung bakit panatiko siya ng alternative medicine.

Kung itatanong mo kung nakagagamot ba ang kombinasyon ng dasal, kerosina o mantikang iminamasahe, at mga dahong ipinapantapal, ang sagot diyan ay hindi ko alam.

Minsang ginagamot ako ng hilot, naitanong ni Mama sa hilot kung paano siya natutong manggamot.

“Ang aking nakatatandang kapatid,” paliwanag ng hilot, “ay namatay nang iniluwal ng nanay ko. Ang nakababata kong kapatid naman, namatay din habang nasa sinapupunan pa lang. Pinagitnaan ako ng dalawang patay.”

Idinugtong ng hilot na kapag ganun ang nangyari, may kakayahan ang nabuhay na anak na makapanggamot.

Napabulalas si Mama. Ganoon din daw ang nangyari sa kanya. Nakunan siya noong mga panahong lagi siyang napapagod sa pagtuturo. Nakunan din daw siya nang minsang uminom ng gamot na nakasasama pala sa nagdadalantao. Sa pagitan ng dalawang pagbubutis na ito, ako raw ang sanggol na kanyang iniluwal at nabuhay.

“Kung gayo’y may kakayahan ka ring manggamot, iho,” sabi ng hilot.

Magdadalawang dekada na ang nakalipas nang maganap ang mga pangyayaring ito. Matagal na kaming hindi dinadala ni Mama sa hilot. Malamang, dahil malalaki na kami. Matitigas na ang aming mga buto at mahina na rin ang hilot. Madalas kong itanong sa aking sarili kung may magmamana ba sa kanyang kakayahan. O maipapabilang din siya sa mga endangered na babaylan at binukot na nasa bingit na ng takipsilim.

Kinapa ko rin ang aking sarili, at kelan lang, napag-isip-isip kong may maliit din akong kakayahan. Naaalala ko, noong aking kabataan, madalas magpamasahe si Papa sa akin. Apat kaming magkakapatid, pero ako ang paborito niyang tagamasahe. Dahil ba mas may kakayahan akong magpagaling? May mangilan-ngilan ding senyales o omen akong napanaginipan at natalisod na hindi ko binigyan ng pansin. Halimbawa, tatlong buwan na ang nakararaan, napanaginipan ko ang kaklase ko noong haiskul. Hindi ko naman ka-close yun pero biglang nagparamdam sa aking panaginip pagkatapos ng isang dekada na huli naming pagkikita at pag-uusap. At malalaman ko na lang kinumagahan na pinatay siya matapos looban ang kanilang bahay.

Ang pinakahuli ay iyong nangyari kahapon, habang nirereview ko ang isang lesson na ginagawa ko tungkol sa proper noun at common noun. Hinatak ang atensyon ko ng salitang Victoria sa isang item at, sa hindi malamang kadahilanan, naisip kong palitan ito ng Victory Liner – ang nagmamay-ari ng mga bus na nagbibiyahe mula Maynila hanggang North Luzon, vice versa. Alam kong hindi dapat ilagay sa isang test question ang pangalan ng produkto o kompanya dahil pabor ito sa kanilang promotion, pero bigla kong tinipa ang Victory Liner bago iwanan ang test. Kaninang umaga, nabalitaan ko sa TV ang pagtalon ng isang Victory Liner na bus sa matarik na bangin habang nasa biyahe.

Madalas din akong tanungin ng housemate kong si Ralph ng tungkol sa mangilan-ngilang detalye: kung mag-aabroad ba ang kaibigan niya, kung matutuloy ba ang outing nila, kung paano mamamatay si ganyan o kung magsa-succeed ba si ganito. Awtomatik ang reaksyon ng utak ko. Kinikilatis ko yung mga salitang nasa loob ng tanong. Pangalan ng subject, keywords, atbp. Gaya ng pakikipag-usap ng mga bulaklak, dahon, o paru-paro kay Eliza sa pelikulang Bee Season. Madalas, hindi ko kilala yung subject pero bigla ko siyang nakikita sa aking utak, kinakausap ako, at sasabihin ko na lang, “Ah, ang taong ‘to, walang balak lumabas ng bansa,” na sasagutin naman ni Ralph ng “Totoo nga! Paano mo nalaman?”

Sa araw-araw na lumalabas ako ng bahay, hindi mabilang ang mga mukhang nakasasalubong at nakakausap ko. Weird, pero lahat (o karamihan) ng taong nakakaharap ko ay kinikilatis ko sa aking isipan. Kung ang tao bang ito ay masaya sa kanyang trabaho. Kung ito yung tipo ng tao na nambubugbog ng asawa. Kung ito yung tipo ng tao na may tinatagong malaking sikreto. Kung ito yung mamamatay nang masaya sa piling ng mga apo o biglang masasagasaan sa kalsada.

Nagdadalawang isip ako kung lalapitan sila para sabihan nang ganito: “May sasabihin ako sa’yo. Pero ‘wag mo akong babatukan….”

Alam kong mababatukan at mababatukan pa rin ako.

Advertisements

13 thoughts on “Binabása Kita

  1. Interesado ako sa mga nakikita mo.

    Ako, kaya mong kilalanin kahit birtwal lang?

    Sa puntong panggagamot, nakakagaling siguro ang paghihilot, pero ang tawas at mga latin na binabanggit ng aking Tiyo at Tiya sa kanilang panggagamot ay hindi ko alam kung paano nila natutunan.

    Sila ang doktor sa barangay namin. Dr. Sahing kung tawagin.

    Like

  2. Ang kaya ko lang gawin sa tao kapag kausap ko ay pagkwentuhin siya ng kaniyang buhay…kilala ko na siya, dahil hindi na siya makakapigil magkwento. Ewan ko. Kapangyarihan ba yan?

    Like

  3. galeng! bilib ako sa super powers mo! hmmn, middle child ako, will it count kung papatayin ko sila pareho? biro lang pero will it?hehe

    ang alam ko lang na special powers ko ay ang manira ng gamit at magbukas ng pinto gamit ang card at kaunting pins at wires.

    tingin mo tataba pa ba ako or magiging kasing katawan ko sila derek ramsey? nangangarap lang 😀

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s