Yaya

Alam kong hindi mo ‘to mababasa dahil hindi ka naman marunong bumasa. Pero sinulat ko pa rin. Makulit talaga akong alaga. Pagbigyan mo na ako.

Nariyan ka na nang mamulat ako sa mundo. Ikaw daw kasi ang nag-alaga sa aming magkakapatid mula panaganay hanggang bunso. Hindi ko alam kung bakit napalapit ako sa ‘yo. Sa totoo lang, nakakatakot ang anyo mo. Biro nga ng aming mga kapitbahay, aswang ka raw. Bungal-bungal kasi ang mga ngipin mo. At naninilaw ang iyong mga mata. Siyempre, hindi ako naniwala na aswang ka. Kapag naglalaba ka noon sa batis, lagi akong sumasama. (Noong natuto na kaming maglakad, naging pang-all around ka na—tagalaba, tagaluto, taglinis, tagaplantsa.) Nanghuhuli ako ng kupô habang abala ka sa paglalaba. Naiinis ka kapag binibungkal ko ang mga bato sa pampang at nagkukulay-putik ang tubig.

Noong isinugod ako sa ospital dahil sa bronchopneumonia, ikaw ang karamay ni Mama. Nang umiyak siya, umiyak ka rin. Akala raw nila, mamamatay na ako. Siguro, hindi ako namatay dahil dalawang nanay ang umiyak para lang mabuhay ako.

Nang matuto akong magsalita, tinawag kitang “Mamay.” Sa ating wika, katumbas iyan ng “Inay.” Hindi naman siguro nagselos si Mama nang ituring kitang ikalawang ina.

Lumaki akong katabi ka. Nung nagkaedad ka na, ipinaubaya na ni Mama sa aming katulong ang mga gawaing dati mong ginagawa. Dapat kasi’y nagpapahinga ka na. Hindi na mawala-wala ang ubo mo. Tapos lagi ka pang naninigarilyo. At umiinom ka rin! Ewan ko ba. Kung kelan ka tumanda, saka ka naman naging makulit. Lagi mong idinadahilan na ‘yan ang nagpapalakas ng katawan mo kahit panay ang paliwanag ko sa ‘yo ng epekto ng nikotina at alkohol sa katawan.

Apat na araw noon bago mag-Bagong Taon, bumigay ang katawan mo. Nag-aaral ako noon dito sa Maynila. Hindi ako nakauwi. Alam mo naman ang buhay estudyante, minsa’y may pera, minsa’y wala. Nagkataon na noong panahong iyon, wala talaga.

Alam mo, marami akong guilt sa buhay na hanggang ngayon ay kinikimkim ko. Isa na rito ay ang pakiramdam na hindi ko nasuklian ang mga kabutihan mo sa akin. Kung maaga lang sana akong nakapagtapos, baka marami na akong pera noong mga panahong naratay ka. Naipagamot sana kita. Di sana’y napagaan ko ang mga paghihirap mo. Di sana’y nasubukan ko ring iligtas ka mula sa kamatayan gaya noong iligtas mo ako.

Sorry, Mamay.

Advertisements

9 thoughts on “Yaya

  1. Yung ibang mga yaya para na ring madre dahil ang ilan sa kanila ay di na makapag-asawa dahil sa naging obligasyon nila sa pamilya, lalo na sa mga alaga. Ang pagkakaiba lang nila sa madre ay mas tambak ang kanilang obligasyon: Laba, luto pati pag-iigib sa balon. Nagkakaroon sila ng pagkakataon para gumawa ng sariling desisyon. Pero sa isang mabuting Yaya na minahal kang walang alintana, mas pinili nilang maging yaya para sayo ay may lubusang mag-alaga. Sa kanya ngang pag-lisan malamang ikaw ay kanyang naiwanan, pero dahil sa sinulat mong ito marahil tuwa’t galak ang kanyang naramdaman.. dahil ang minsang inalagaan niya ng lubusan, ay hindi siya kinakalimutan.. 😦

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s