Yoga

May nagtanong sa akin minsan na kung papipiliin ako ng relihiyon, ano ang pipiliin ko? Sabi ko naman, Hinduism. Gusto mong malaman kung bakit?

Nagsimula ito nang mag-enroll ako sa isang yoga class bilang PE noong college ako. ‘Wag kang magtaka, weird talaga ang mga kinuha kong PE subject noon: Walking for Fitness, Social Dance, Bowling, at ito ngang Yoga.

Hindi ko kilala ang intsructor namin. Hindi siya nagpakilala. Wala ring name nya sa class schedule namin. Tawagin na lang natin siyang Master.

Nasa 50 kaming estudyante noon, halu-halo. May freshmen, may masteral. May payat, may mataba. Nasa 3rd floor kami ng Vanguard Hall sa UP. Walang dingding ang paligid kaya nasasamyo namin ang preskong hanging pinapaypay ng mga akasya sa paligid ng building. Tanaw na tanaw ang College of Social Work and Community Development sa likod at ang matayog na tower naman ng Iglesia ni Cristo-Cenrtal sa harap.

Nakalatag sa sahig ang pagkalapad-lapad na plywood na pinatungan ng pagkalapad-lapad na tarpaulin. At sa ibabaw nito, dito naman namin ilalapag ang aming mga yoga mat. Wala akong mat noon kasi naaartehan akong gumamit. Tsaka hindi naman marumi ang tarp. Tuwing ala una ng Sabado ang klase namin.

Nasa 70 na si Master. Matangkad, nasa 5’8”, payat, maiksi ang ubaning buhok, at parang lastiko ang katawan. Nga pala, babae siya.

Unang araw pa lang ng klase, tinuruan na niya kami ng urdhva dhanurasana. Eto yun:

Syempre’y wala kaming kawala. Ginawa ‘yan ng aming 70-year old na master.

Hindi ko alam kung Hindu ang aming instructor, kaya hindi ko rin masasabing siya ang nagbukas ng aking isipan para magresearch ng tungkol sa Hinduism. Malikot ang utak ko noong mga panahong iyon. Baguhan ako sa Maynila. Mag-isa lang ako sa inuupahan kong kuwarto sa Diliman. Hinahanap ko ang aking sarili. At naliwanagan ako pagkatapos ng limang minuto ng pagtipa ko ng “Hinduismo” sa searchbox ng Google.

Isinabuhay ko ang laging paalala ni Master: Be conscious about your breathing, your actions, your surroundings. Listen to your heartbeat. Inhale. Exhale.

Isinabuhay ko ang turo ng Hinduism na mahalin at huwag mananakit ng kapwa-tao at hayop. Tingin ko kasi, higit sa alinmang utos ng Diyos, pinkamahalaga sa lahat ay ang pagpapahalaga sa buhay—tao man o hayop. Ito ang kanilang dharma o righteousness.

Nilagay ko ang Bee Season bilang Favorite Movie sa aking Friendster account.

Pinangarap kong makapunta sa India at maglublob sa Ganges River.

Sinimulan kong maging vegetarian—hindi dahil nasa lahi namin ang diabetes, cancer at hypertension. Naaalala ko kasi ang alaga naming baboy na pinalitson ni Papa—ginapos, tinarakan ng itak sa leeg, sinaid ang dugo, binuksan ang katawan, inalisan ng laman-loob, tinahi sa kawayan, at saka pinaikot-ikot sa baga. Ayokong magmalinis. Dumudukot din ako ng malutong na balat ng litson, pinakahuli ay noong Bagong Taon. Kaya nga binitiwan ko rin ang pagiging vegietarian dahil nakagagawa lang din ako ng “kasalanan.”

Pinakagusto ko ang Hinduism dahil naniniwala ako na kapag Hindu ako, magiging mabuting tao ako. Mas relaxed ang buhay, makatatanggap ng mabuting Karma, at marereincarnate sa mas guwapo, mas mayaman, at mas matalinong tao sa hinaharap. Pero hanggang dito na lang ako. Hindi ko yata kakayaning magbalabal ng orange na damit at kumanta’t sumayaw ng Hare Krishna dahil kapalit nito ay ang pag-give up ng pagkain ng karne at iba pang luho.

Sa pagkakaalam ko, uso naman ang katolikong nagyoyoga. At pwede namang magsorry—“Sorry, piggy. Peace tayo ha?”—bago kumagat ng litson.

Advertisements

14 thoughts on “Yoga

  1. “Pinakagusto ko ang Hinduism dahil naniniwala ako na kapag Hindu ako, magiging mabuting tao ako. Mas relaxed ang buhay, makatatanggap ng mabuting Karma, at marereincarnate sa mas guwapo, mas mayaman, at mas matalinong tao sa hinaharap. Pero hanggang dito na lang ako. Hindi ko yata kakayaning magbalabal ng orange na damit at kumanta’t sumayaw ng Hare Krishna dahil kapalit nito ay ang pag-give up ng pagkain ng karne at iba pang luho. ”

    D2 ako magfofocus neil. hahaha. may ganun. Maniniwala ka bang wala na akong relihiyon na pinaniniwalaan. Gaya ng poste kong WALANG ITITIRA II: ANU BA ANG RELIHIYON MO?. Doon ko isinambulat ang mga pananaw ko.

    Pero i do respect kung anu man ang gusto mong relihiyon pero kung gusto mo talagang maging masaya simple lang “PUT GOD FIRST IN EVERYTHING YOU DO” di ka lang masaya… fulfilled ka pa….

    Like

  2. aray ko yun talaga ang kuwento. hehehe

    ako gusto ko i-try ang yoga kaso parang di ko kakayanin. tama na sa akin ang pagsasayaw ng kung ano. hahaha

    pero ang mahihirapan ata talaga ako ay mag-vegetarian. kasi bago ko gawin yun dapat damihan ko muna ang kinakain kong gulay.

    mabuhay!

    Like

  3. wisk ko lng sana andi2 ka karamihan na kasamahan ko d2 sa Work mga hindu tuwing October nagcclebrate kami ng Diwali d2 sa ofis pagkatapos magdasal isa isa kaming nagbabasag ng niyog take note dapat isahang hampas lng mabasag mo ung niyog walang gamit na itak ahahaha sabi nong isa kong kasamahan thousands daw ang gods nila kasama ang hipon at pusit at iba pa kaya pagkumakain ako ng hipon nagtatago ako kinakain ko ang isa sa mga gods nila ahahaha

    hug po kita sa blogroll ko abangan mo ang October post ko about Diwali:-)

    Like

  4. hahaha. yung friend ko, yung exam nila sa yoga class, kelangan nilang lumutang tapos pataasan. astig! haha. okay ang hinduism kaso nga lang hindi ko naman kaya na walang desire sa buhay.hehe. 🙂

    Like

  5. Seguro kung gagawin ko ang ginawa ng master n’yo Igan baka mabali ang beywang ko. Di ka ba nahirapan sa pag-aaral ng yoga? thaks nga pala sa pagbisita mo sa akign baul.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s