Lunas

Nuwebe anyos ako nang isama ako ni Mama sa Sorsogon para magpagamot. May cyst siya sa dibdib; ako nama’y laging sumasakit ang tenga. Mula sa Masbate, tinawid namin ang mainland Bicol. Kasama namin si Mama Aning, katrabaho ni Mama sa paaralan kung saan siya nagtuturo. Malakas ang buhos ng ulan nang marating namin ang bakuran ng pinakasikat na albularyo sa Bicol noong taong iyon ng 1996.

Yari sa kahoy at yero ang isang palapag na bahay. Sa veranda pa lang, marami nang taong nakaupo. May mga bitbit silang supot ng mga pinatuyong dahon at ugat ng halaman. Marahil pinahuhupa ang ulan para makaalis.

Pinatuloy kami ng isang ale sa sala. Nagsasanib ang amoy ng kamanyang at kandila sa loob. Napansin ko agad ang nakakwadrong larawan ni Rizal na nakapatong sa altar. May mga pumpon ng sampagita at rosal sa tapat nito. May kandilang sumasayaw sa bawat hihip ng lumang electric fan sa gilid.

Nakaupo sa sahig sa gitna ng sala ang isang matandang lalaki na may nakataling tela sa ulo. Dahil hindi magkalayo ang aming wika, naunawaan ko ang ilan sa kanyang mga pangaral na hango sa buhay ni Rizal.

Marami na akong nakitang albularyo ngunit kakaiba ang panggagamot ng Rizalistang iyon. Hindi ka niya hahawakan. Hindi niya susuriin ang katawan mo. Ang tangi niyang ipagagawa ay isulat mo sa kapirasong papel ang iyong pangalan at kapanganakan. Ginawa namin ito at ibinigay sa kanya ang papel.

Unang tinawag si Mama. Binasa ng albularyo ang papel at sinabing may abnormalidad sa isang dibdib ni Mama. Napasinghap ako. Illogical, sabi ko sa aking sarili. Walang paraan para malaman niya ang bagay na iyon. Binigyan si Mama ng mga pinatuyong dahon at ugat. Pakuluan daw ito at inumin ang pinagkuluan.

Tinawag si Mama Aning at muli akong namangha sa pagsusuri ng albularyo. Binigyan din siya ng mga ‘gamot.’

Wala akong kibo nang umupo ako sa harapan ng albularyo. Nang magkaharap na kami, agad niyang inilapat ang kanyang palad sa kaliwa kong tenga.

“Wala ka namang sakit, apo,” sabi niya sa wikang Bicolano. Marahan niyang hinaplos ang aking tenga at pisngi. “Hindi ito sakit.”

Narinig ko ang paghinga nang malalim ni Mama.

“Ano ang pangarap mo paglaki, apo?” tanong niya sa akin.

“Magpapari ‘yan,” sabi ni Mama.

May mangilan-ngilang tao ang tumawa pagkarinig kay Mama. Yumuko ako.

“Huwag kang magpari,” sabi sa akin ng albularyo.

Lumingon ako. Nakatitig siya sa akin.

“Huwag kang magpari, apo” ulit niya.

“Ano ba dapat?” nakangiting usisa ni Mama Aning.

“Mag-abogado ka,” sabi sa akin ng abugado. “Magiging mabuting abugado ka.”

*   *  *

May 14 taon na rin ang lumipas nang maganap ang pangyayaring ito. Iyon ang una at huling pagtapak ko sa bahay ng albularyo. Magandang balita sa amin na nawala na ang bukol sa dibdib ni Mama. Ngunit malungkot ang nangyari kay Mama Aning. Bago pa man ako makapagtapos ng haiskul, pumanaw siya dahil sa hypertension.

Hindi ako nagpari, ngunit hindi rin naman nag-abugado. Hindi ako nagpari dahil tinangka kong maging architect, na iniwan ko rin nang mag-shift ako ng kurso. Hindi rin ako nag-abugado dahil tumimo sa utak ko ang sinabi noon ng guidance counselor namin na “ang abugasya ay isang maruming propesyon dahil kailangan mong magsinungaling para maipanalo ang kaso.”

May mga araw ngayon, lalo na kapag malakas ang buhos ng ulan at malamig ang panahon, na sumasakit ang kaliwa kong tenga. Hindi na ako nagtataka.

Advertisements

8 thoughts on “Lunas

  1. ang totoo nyan hindi ko sigurado kung nakuha ko ng tama ung kwento mo. pero may isang bagay sa pagsususlat mo na ibinabalik ako sa nakaraan. ung simpleng buhay sa probinsya nuong kabataan. nag-back-read ako kaya ko nasabi 🙂

    Like

  2. Hindi ko alam kung bakit ang simpleng kwento mo Neil ay tumatatak sa isipan ng iyang mambabasa. Kailangan mo na sigurong ipasuri sa ENT Specialist ang iyong kaliwang taenga.

    Like

  3. Sumasakit ang tenga mo, patingin ka sa specialista, ENT specialist tawag dun.
    Ako din sumasakit ang tenga at mata, hindi dahil sa sakit na totoo, kundi sa mga balita ngayon. Sakit sa tenga tuwing maririnig ko sya.
    napakagandang pagbabalik tanaw sa nakaran.

    Like

  4. kuya neil napatingin mo na ba nitong mga nakaraang araw lang yang tenga mo? baka kase kaka cotton buds diba tinutulak daw yung dumi tapos babara tapos haharang sa ear canal

    tapos tatama sa hammer na hahampas sa eardrums tapos pati ang anvil pari ang striupp YIKES

    siguro yung doctor kwak kwak eh nung nakita ka muka kang matalino o pala-aral kaya mag aabogado ka daw?

    Like

  5. ano yung kamanyang kuya neil?
    sa Pampanga kasi is string beans iyon.

    madami din sa aming albularyo,
    pero hindi masyadong dinadayo kasi pare-pareho lang daw ang sinasabi
    mas sikat sa amin ang mga nanghihilot ng pilay.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s