Pelikula

 

Lumaki akong walang TV sa aming bahay. Early 90s ito; ang setting ay isang baryo sa Masbate. Nasa elementarya ako noon at isang beses pa lang akong nakatuntong sa Maynila. Ang mga libangan namin ay maglaro, makinig ng drama sa radyo, at—ang pinakapaborito ko sa lahat—manood ng sine sa bahay ng ilang kababaryo na may bodegang ginawang improvised cinema.

Dalawa lang ang sinehan noon sa amin. Yung isa na may kalayuan sa amin ay ipinundar ng isang dating OFW sa Saudi. Nasa kabila ito ng plasa; tatawid ka pa ng highway. Yung isa naman ay minamanage ni Tya Ruby. Tatlo o apat na bahay lang ang layo nito sa amin kaya madalas na dito kaming magkakapatid at magpipinsan nanonood.

Pinakapatok na mga genre noon ang action (mga tipong Robin Padilla at Steven Segal) at action-comedy (mga tipong Dolphy at Babalu). Paminsan-minsa’y may mga ipinalalabas ding hindi patok pero dahil pinag-uusapan ng mga tao ay napilitan ang tagabaryong takilyero na isalang ang VHS ng mga pelikulang iyon. Kabilang dito ang Titanic, Rizal sa Dapitan, The Flor Contemplacion Story, at iba pa.

Dalawang pelikula lang ang ipinalalabas tuwing gabi. Tatlong piso ang bayad kung isa lang ang panonoorin at limang piso naman kung magdo-double. Alas sais ng hapon nagsisimula ang show.

Mahigpit na censor noon si Mama sa aming magkakapatid. Hindi kami pwedeng manood ng action, lalo na kung si Lito Lapid ang bida, o kung ang kontrabida ay sina George Estregan at Ricky Davao. Hindi rin papasa kay Mama ang may malisyosong title, gaya ng Patikim ng Pinya. Pwede pala kaming manood ng action pero dapat ang bida ay sina Robin Padilla, Fernando Poe Jr, at Eddie Garcia. Pero madalas, comedy ang pinapanood namin. Yun na nga, Babalu, Dolphy, Redford White, Andrew E, at Dennis Padilla.

Kapag pumapasok ako sa sinehan, biglang nagbabago ang mundo ko. Ang baryong nilakhan ko ay naglalaho. Ang samyo ng mga sagingan at huni ng mga kuliglig ay kinakain ng 21-inch na TV set; nilulunod ng malalaking speaker. Nakakalimutan ko ang lahat—assignment, gawaing-bahay, curfew—kapag nagsimula na ang palabas. Hindi ko alintana ang halu-halong amoy ng anghit, halitosis, at utot. Nasanay akong suminghot ng usok ng yosi dahil karamihan sa mga manonood ay nagyoyosi. Halakhakan at palakpakan kapag binabatukan si Willie Revillame o kapag nadadapa si Blakdyak. May sisipol namang binata kapag may ipinapakitang bed scene sina FPJ at Ina Raymundo.

oOo

Kapag writer ka, madalas na tinatanong kung sino ang impluwensiya mo sa pagsusulat. Si Alexander Dumas ba? Si Gabriel Garcia Marquez ba? Si Virginia Woolf ba? Kapag tinatanong ako nang ganito, mas gusto kong sabihing “too many to mention.” At kapag sinabi ko ito, ang tinutukoy ko ay iyong mga nakasama ko habang nakaupo sa isang improvised cinema noong aking kabataan. Sa murang edad, nasaksihan ko kung ano ang pinakamagandang formula para kilitiin, galitin, paiyakin, at palibugin ang audience. Somehow, itinimo rin sa akin ni Mama kung ano ang mga kuwentong pang-GP at ano naman ang pang-adult.

oOo

Sa ngayon, wala nang improvised cinema sa aming baryo. Karamihan sa mga bahay ay may TV na. Matagal nang nagiba ang sinehan ni Tya Ruby nang maratay siya dahil sa sakit sa baga at mamatay bago pa man ako makapagtapos ng haiskul. Afford ko nang manood ngayon sa Trinoma o iMax. May koleksiyon din ang ako ng sangkatutak ng pelikula sa aking apartment.

Alam kong habambuhay na akong bihag ng hiwaga ng pelikula.●

Advertisements

10 thoughts on “Pelikula

  1. Sa maynila ang unang beses ko na nakapanuod ng pelikula sa sinehan.

    Wala kasi akong hilig manuod. Maliban na lang nung mapadpad ako disyerto. Dito lang ako nawili bumili ng mga DVD. Ang mga tema ng pelikula ay tungkol sa pag-iisip, pagkatao at pangarap. Bihira ako manuod ng action at comedy. Kaya boring daw ako. Siguro nga sumasalamin sa kung sino tayo sa uri ng palabas na nais natin, tulad ng kung paano at ano ang isinusulat mo.

    Like

  2. may tv kami nun, black n white pa at may itim na pareho sa bandang baba at taas ng screen. pero kahit ganun, puntahan ng mga kamag anak namin ang bahay, bihira kase ang may tv sa probinsya. my mga bahay din samen na naniningil ng piso-piso sa mga gustong makinuod ng vhs tapes. nagbalik-tanaw na naman ako 🙂

    Like

  3. galing! isa sa mga pangarap ko ay ang maging direktor or writer ng mga pelikula. may certain charm at magic talaga ang films.

    kailangan talaga natin mag-movie marathon, from action to drama, to indie, to comedy. 🙂

    Like

  4. buti ka pa bata k aplang nakatungtong kana mg maynila ako 20 years old nako nung first time kong nagpunta dun at balikan hmpft nagkanda gurang gurang at mistulang nkafreezer nung araw na yun at umiidlip idlip pakong naksakay sa bus dahil baka lumagpas pako sa bababaan ko. uwow namn c inay mal robin padilla at fpj pla ang tripings nya he he he ako 5 years old ako unang nakapanuod sa sinehan malapit lang sa amin 1 minute na lkaran alng o baka wala pangang 1 minute andun kana ha ha ha at si micheal jackson pa ang bida ha ha ha ha. 🙂

    Like

  5. Naniniwala ako na lahat nga mga Pinoy ay bihag ng mga pelikula maging katutubo man ito o banyaga. Tuloy naniniwala ang ilan sa atin na ang buhay ay parang isang Pelikula lang haisst.

    Like

  6. kakatuwa naman. ako bghaining-bighani rin sa pelikula. mas matindi nga lang pinagdaanan mo sa akin kasi ako talagang lumaki na sa Kyusi.

    natatandaan ko pa noon ang paghihintay namin sa hapon para makapanood ng free tv premier ng mga lumang pelikula. nanood na ako noon kahit mga movie pa ng mga kasabayan ng lolo at lola ko. then naabutan ko pa yung golden days ng ACT cinema at ilan pa doon sa Cubao. P15 ata bayad noon tas puro movies ni Roderick at aiza pinapanood sa akin. Daddy ko ang madalas nagdadala sa amin sa sinehan. nagyon wala na ang mga sinehan na wala sa loob ng mall.
    pero mahilig pa rin ako sa movies….lalo na ngayon na medyo ayoko na manood ng TV.
    mabuhay!

    Like

  7. meron din yan sa amin nung bata ako, lalo kapag mahal na araw. sineset-up sa malaking tent at magsisipasukan na ang bawat isa.

    yun pala ang inspirasyon/nakaimpluwensya sa iyo para magsulat sir neil.

    mahiwaga ang pelikula, pwede kang dalhin saang parte man ng Pilipinas o mundo kasabay nito’y iduduyan ka sa iba’t-ibang emosyon at pakiramdam. Isa daw ito sa mga salamin ng buhay. Makapangyarihan ang mga motion pictures ngayon. Sana lang ang bawat nanay ay kagaya ni Mama mo na binibigyang diin ang dapat at di dapat panoorin. Salamin daw ang pelikula ng tunay na buhay. Basta alam lang dapat kung ano ang totoo at hindi, ang maisasakatuparan at hanggang imahinasyon lamang.

    be blessed sir neil!

    Like

  8. natuwa naman ako sa sinulat mo neil, parehong-pareho ang settings sa lugar na kinalakihan ko, tapos meron pa saming tinatawag na extra, 15 minutes na ipapanood ng libre ang pelikulang isasalang… pagkatapos ng kinse minutos, papalabasin na lahat, maiiwan ang may pambayad..haha

    di ko talaga makalimutan ang pelikulang magic temple at magic kingdom, sa lahat ng Filipino films yon ang isa sa mga paborito ko.

    Like

  9. Pareho ang setting natin at nakaraan. Laking probinsya ako, tinatawid pa naman ang ilog para makapanood sa kalapit na sitio. Dapat matalas ang mata ng maniningil kungdi, magtatakbuhan na kung saan kapag tapos na ang pelikula.

    Kahit maiwanan pa ang tsinelas.

    Sa puntong pagsusulat, ang madalas sa madalas kung papanigan ay ang mga tao sa paligid, ang mga nakikita ng aking mata, lalo na kung ito ay kaiga-igaya sa aking pandama. Hindi na kailangan ng mga manunulat na magaling para makapagsulat ng ninanais, bagama’t sa teknikal at atake, maaaring tularan o gamiting sanggunian ang mga magagaling na manunulat na dapat lamang namang hangaan.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s