Tinanong ako ng isa kong blog follower kung ba’t hindi na raw ako nagpopost nang regular. Sagot ko, tinatamad ako. Nagtanong din ang kaopisina ko. Napaisip ako sandali, sinisid ang alaala, at nang makaahon ako’y natawa siya matapos kong sisihin ang aking promotion noong nakaraang taon. Sandamakmak na kasi ang trabaho, sabi ko. Mag-iisang taon na akong halos gabi-gabi kung mag-obertaym. Mag-iisang taon na ring tuwing weekend ko na lang natatambayan ang home (na kung tawagin ay bungad) ng WordPress.
Sa totoo lang, maraming beses ko nang naisip na puntahan ang settings ng aking blog at pindutin ang Delete this blog. Pero lagi kong pinipigilan ang aking sarili. Hold on, sabi ko. Marami pa akong ikukuwento. May nakapagsabi sa akin na sobrang matiyaga at pasensiyosong tao ko raw. Siguro naman ay kaya kong humilata sa mahaba-haba pang panahon, taas-noong hugutin sa bokabularyo ang salitang writer’s block sakaling may umusisa, at balikan sa takdang panahon ang dating tagpuan ng aking mga daliri at ng tigang na keyboard.
namis ko ang blog mo neil…
LikeLike
Hindi naman nawawala ang anumang hindi talaga naglaho -ang kagustuhang magsulat.
Maligayang Pasko Neil 🙂
LikeLike