Walang Mantsa

Payday. Bago umalis sa bahay para pumasok sa opisina, tsinek ko ang aking ATM card sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack. Present. Kinapa ko na rin ang dalawa kong credit card. Yung isa, present. Yung isa, wala. Kumabog ang aking dibdib. May ilang libong credit balance pa ang card na yun, bigla kong kuwenta, kasabay ng pangitaing sina-swipe ng kung sinumang walang budhi ang aking card sa loob ng isang department store. At nang pagtagni-tagniin ko ang aking alaala ay nabuo sa isip na nasa kaliwang harapang bulsa ng pantalong maong na ipina-laundry ko kahapon ang aking credit card. At ang walang budhing nagsa-swipe sa department store ay nagkaroon ng mukha: ang lalaking tumanggap, tumimbang, at nag-isyu ng resibo ng aking mga labahing damit kahapon.

Nagmamadali ang aking mga hakbang papunta sa laundry shop. Pinapraktis ko ang aking sasabihin. Kalma lang dapat. Sabihing naiwan ko ang aking ATM card. Hindi credit card, kasi baka pag-interesan at hindi ibigay. At pag hindi nilabas, plan B, sasabihing may kilala akong lawyer, na kahit gaano pa sila kagaling magtanggal ng mantsa sa aking mga damit, ay kaya kong ipasara ang kanilang maliit na laundry shop.

“Sorry, we’re closed,” bungad sa akin ng sign sa labas. Ngunit may siwang ang bakal na sliding door, at naisilip ko ang lalaking tumanggap ng aking mga labahin. Kumatok ako, at mabilis naman siyang nagbukas ng pinto.

“Nalabhan mo na ba yung mga damit ko?” bungad ko sa kanya. “May naiwan kasi ako sa bulsa ng pantalon.”

“Ay, opo, meron nga po” nakangiti niyang sagot bago mabilis na humarap sa istante, “Yung ATM card.”

Nang iabot niya sa akin ang aking credit card, saka pa lang ako nkahinga nang maluwag.

Nagpasalamat ako at saka umalis. Mali-late na ako sa trabaho sabi ng aking relo. Inilagay ko sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack ang credit card. Pati ang resibong hawak-hawak ko, na ibibigay ko sana sa lalaki kanina bilang pruweba na ako ang may-ari ng labahan, ngunit nakalimutan kong gawin, at hindi rin niya inusisa pa.

Advertisements

9 thoughts on “Walang Mantsa

  1. paranoid hihihi pero sa panahon ngayon, mabuti na ang may kaunting precautions…

    bigyan mo ng meryenda man lang yung nilalang na may mabuting kalooban… he deserves it …. he was your ANGEL in disguise that time…:)

    Like

  2. walang mantsa…
    wala siyang bahid ng kasalan sa nangyari hahaha
    tama si ate honey ilbre mo na lang si kuyang naglalaba
    para sumaya siya 😉

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s