About

Hindi ako magaling magpakilala sa aking sarili kaya ikukwento ko na lang yong dati kong boss sa opis na naging pangunahing rason kung paano ako nagsimulang mag-blog.

Sa mga hindi pa nakakaalam, ang linya ng trabaho ko dati ay digital at multimedia. Gumagawa kami ng e(lectronic)-learning materials, animations, websites, at iba pang klase ng digital products. One time nun, kinailangan naming gawan ng SEO (search engine optimization) ang website ng aming kompanya na kami rin ang gumawa. Ayon daw sa research na nabasa ng isang manager sa aming kompanya, isa sa pinakamainam na paraan para i-boost ang ranking ng isang website sa mga search engine gaya ng Google, ay ang i-link ito sa iba pang website, o external linking. Halimbawa, mayroon akong website or blog, tapos somewhere sa world wide web, may nabasa akong isang magandang article, na dahil nagustuhan ko, gusto ko ring i-mention sa post ko para mabasa rin ng iba. Ang pwede kong gawin is i-paste yung URL ng article na yun sa post ko. External linking. “Nararamdaman” daw kasi ito ng Google, itong linking na to. Para lang ‘tong mag-jowa na nanalalamig na sa bawat isa, tapos yung isa ay biglang manunuyo. Syempre yung isa naman ay natural na magre-react. Kayo na ang bahala kung ano ang magiging reaction niya. Pero ang mahalaga kay Google, may reaction na nangyari. Itong reaction na ito ay nagsasabi lang na buhay o actibo yung website. Yung tipong sasabihin ng Google, “Uy, buhay pa to ah.” Para sa oras na may tao na magsesearch sa Google, posible na ibigay niya yung link na yun.

Balik tayo sa kuwento. At para paikliin ang kwento, pinag-blog kami ng boss namin, as in kaming lahat sa department ng kompanya. Pinatawag kaming lahat, nasa kinse yata kaming nung mga panahong yun. Akala ko pa ay may problema sa trabaho, yun pala magba-blog kami.

2009 pala ito nangyari. Kagagaraduate ko lang ng college at first time kong ma-expose sa blogging. Nagsusulat-sulat naman ako lalo na sa school, kaya lang laging sa papel. Hindi pa ako techie nung mga panahong yun. Nasisilaw ako sa monitor ng PC kapag nagsusulat sa Word. At sa tingin ko, mas may kabuluhan kapag nagsulat ka gamit ang papel at ballpen o lapis. Yung nasasalat mo ang papel, nakakagat-kagat mo yung dulo ng ballpen o yung pambura ng lapis, at naaamoy mo yung tinta o graphite na kumakapit sa papel. Yung tipong lahat ng pandama mo ay gumagana.

Kaya lang no choice. Kasi kailangang gawin sa trabaho.

Pero sa totoo lang, nagustuhan ko ring mag-blog. Lalo pa’t hinayaan kami ni Boss na magsulat ng kahit na anong bagay. Basta ang importante’y mag-external link sa website na pino-promote namin. So ang ginawa ko, nag-blog ako nang nag-blog tungkol sa lahat ng bagay sa aking paligid. Yung mga kahindik-hindik na karanasan ko sa Health Office ng Quezon City habang kumukuha ako ng working permit bilang empleyado. Yung habang pauwi ako sa Calamba na sarap na sarap ang tulog sa bus, tapos sa gitna ng byahe ay naalimpungatan ako at bigla akong bumaba dahil akala ko malapit na ako sa amin, yun pala’y nasa gitna pa ako ng SLEX. Haay buhay. Yung mga ganitong karanasan ang ikinuwento ko sa blogosphere. Tapos sa ending, lagi kong iniimbitahan ang readers na bisitahin din ang aming website. Pero syempre dapat konektado rin yung post ko sa contents ng website na pinpopromote namin, para naman maiwasan kong makabasa ng comment na “Anong konek?”

Well, ayos naman. Kahit papaano ay nakatulong ang mga unang post ng blog kong ito para sa promotion ng project naming website. May times nga kapag weekly meeting  sa office, pinupuri ako ng webmaster namin kasi karamihan daw ng visitor ng website ay galing sa blog ko.

(Kung hanggang sa part na ito ay nagbabasa ka pa rin, wow, saludo ako sa tiyaga mo. At salamat pala.)

Pagkalipas ng mga anim na buwan mula nang i-launch yung website namin, pinahinto na kami sa pagba-blog dahil ok na sa ranking yung website. Hindi na siya kelangang suyuin para maramdaman ni Google. Pero ang blogging experience na ito ay hindi ko nabitaw-bitawan. Naging automatic na sa akin ang magtipa sa harapan ng laptop or desktop. Hanggang 2011, aktibo pa rin akong blogger.

Taong 2012 hanggang sa kasalukuyan, 2017, sa hindi ko mawaring kadahilanan, iniwan ko ang blogging. Sinet ko siya as private. Hindi pwedeng basahin unless meron kang access. Ito yung mga panahong nag-iisip-isip ako tungkol sa career (2011), nagpasa ng resignation letter sa aming boss (2012), at yumakap sa buhay freelancer (2013). Isang dahilan din siguro yung nalunod ako sa Facebook na, aminin man natin o hindi, kinaadikan din natin. Pero namamangha talaga akong isipin ngayon na limang taon o kalahating dekada pala akong hindi nakapagbahagi ng kuwento. Parang natulog lang sa pansitan.

Anyway, ngayong 2017, itong blogging na ito ay pagbabalik-tanaw ko sa mga panahong nagpahinga ako mula sa blogosphere, circa 2012. At malamang, mahaba-habang kuwentuhan ito.

Advertisements