Kayamanan

Ang di ko malilimutang payo ni Papa ay ‘yung maging madiskarte raw kaming magkakapatid sa buhay. Sa ganung pamumuhay nya rin kami pinalaki. Dahil from rag-to-riches, ‘ika nga, ang kanyang kuwento, ipinalasap din niya sa amin ang sarap ng isang tagumpay na ang ipinuhunan ay pagtitiis, pagpapakumbaba, at pananalig.

Maraming bawal sa amin noong mga bata pa kaming magkakapatid. Halimbawa, bawal bumili ng bagong damit kung meron namang maisusuot pa. Hindi lang daw niya maintindihan kung bakit kailangang bumili ng bago. Huwag na rin daw bumili ng laruan, nasisira lang naman daw kasi ‘yan. Pwede namang mag-siyato o magpa-derby ng gagambang bukid, libre pa. At sa cell phone, wag na raw bumili ng mamahalin. Ang importante’y makapag-text at makatawag.

Lumaki akong naiinis kay Papa. Pakiramdam ko kasi’y deprived ako sa napakaraming bagay. At ang ugat noon lahat, sa tingin ko, ay ang kanyang sobra-sobra at inconsiderate na pagtitipid. May mga pagkakataong gusto kong sabihin sa kanya na huwag niya kaming ilagay sa sitwasyon niya noon—isang self-supporting, nag-aaral sa umaga at nangingisda sa gabi, nagde-deliver ng isda sa palengke, nag-aararo kapag walang pasok. Gusto kong sabihin noon sa kanya na prinsipal na siya, at kami’y mga anak ng propesyunal na government employee.

Nasubok ko ang karakter ni Papa ‘nung ipetisyon niya ang isang grupo ng mga minerong naghuhukay sa lupang nasa tapat ng paaralang pinapasukan niya. Ang bali-balita’y may nakabaon daw na Yamashita treasure sa kailaliman ng mga lumang gusali ng paaralan. Naging kuta raw kasi ng mga Hapones ang paaralang iyon. Nangamba si Papa dahil, ayon sa tsismisan, naghuhukay ang mga minero ng tunnel papunta sa ilalim ng paaralan, sa ilalim ng school ground kung saan naglalaro ang mga mag-aaral.

Nais ng pinuno ng mga minero na makipag-areglo kay Papa. At gaya ng pagtanggi ni Papa sa mga naunang pakikipag-areglo ng kung sino-sinong mayayaman at maimpluwensiya sa aming bayan, pinanindigan ni Papa ang kanyang prinsipyo.

Kontra-demanda ang naging last resort ng mga nakabangga ni Papa. Kumbaga kung di makuha sa santong dasalan ay idaan sa santong paspasan. Ang mga minero, kasama ng kanilang mga pamilya, ay nagsagawa ng rali sa tapat ng paaralan at nagpiyesta ang mga placard at streamer ng pagpapatalsik kay Papa. Kesyo inuwi raw ni Papa ang mga tabla sa paaralan para gawing dingding ng aming bahay. May araw din na tinira si Papa ng isang maimpluwensyang media man sa probinsiya sa kolum nito. Ang sarap daw ni Papa ilagay sa bote ng Coke at saka pagulung-gulungin.

Iyon ang unang pagkakataong nasaksihan ko ang kasakiman ng ibang tao para lang makuha ang pansarili nilang hangarin. Galit na galit ako sa kanila. Gusto kong imudmod ang mukha nila sa butas-butas naming bubong para makita nilang wala kaming yaman para magpatayo ng palasyo, na ilang kamag-anak ang kinukupkop at pinapaaral nina Papa at Mama sa bahay para lang makatulong.

Hindi ko na maalala ang mga detalye ng kinahinatnan ng kaso, pero kinailangang lisanin ni Papa ang paaralan noong mapromote siya bilang bisor at nadestino sa ibang lugar. Kasabay din iyon ng pagluwas ko papuntang Maynila para magkolehiyo. Naranasan ko ang pagtitipid na hindi ko nagawa sa tanang buhay ko—yung mag-ulam ng noodles, magbaon ng pandesal bilang pananghalian sa klase, magpahaba ng buhok para lang walang gastos sa pagpapagupit, lakarin mula Quezon Ave. papuntang UP kesa naman mag-1-2-3. Ni hindi ko rin naranasang mag-Starbucks sa ilan taon kong pagiging college student. Pero ininda ko ‘yun lahat. Wala ‘yun sa pinagdaanan ng tatay ko.

‘Nung matanggap ako sa unang una kong trabaho, ang una kong pinagsabihan ay si Papa. Birthday nya ‘nun, tinext ko siya. Sabi nya, ‘yun na raw ang regalo ko sa kanya. At nang umuwi ako sa probinsiya, nagpalitson siya. Para raw iyon sa akin, bulong ni Mama.

Siyempre masarap pa ring gawin ang nakagawian. Kapag dinadalaw ako rito ni Papa sa Maynila, pinagbibigyan ko ang kanyang luho, ang kanyang diskarte para makatipid. Magkasama kaming kumakain sa karinderya, nakikipagtawaran sa mga tindera sa Baclaran at Divisoria, at naglalakad sa syudad nang walang kapaguran.

Kung Paano Dapat Magmahal ng Isang Kuya

Let’s talk about, ahem, love.

Pero hindi po ito ang tipo ng pang-telenobelang love. Tungkol ito sa aking mga alaga: si Chiquito na isang aso at si Miming na isang pusa.

Pet History 101 muna tayo.

Mas nauna kong naging alaga si Miming. Four years ago yun. Sa Laguna pa ako nakatira that time. One year after, dumating naman si Chiquito, maliit pa siya nun. Pagka-kyuuut na kyuuut na tuta. Lumaki silang parang magkapatid: si Miming ang kuya, si Chiquito ang bunso. Nang grumaduate na ako sa college at nalipat sa Quezon City para magtrabaho, obkors, kasama ko rin silang nag-migrate.

Puti at itim ang ugali ng dalawang ito: suplado si Miming, malambing naman si Chiquito. Si Miming yung tipo ng pusa na kapag tinawag mo ay once in a blue moon lang kung lumingon. Pero si Chiquito, kahit hindi na kyuuut dahil naging matapang na bakulaw na, ay napakalambing naman. Mahilig siyang makipag-wrestling sa akin pagdating ko galing sa trabaho, habang abala naman si Miming sa ibabaw ng ref sa pag-go-groom ng kanyang sarili.

Madalas ay kinukulit ni Chiquito si Miming para maglaro, na susuklian naman ni Miming ng aburidong kalmot.

Kagabi, nakipag-away si Miming sa mga pusang gala sa aming bakuran. Hindi mapakali si Chiquito habang naririnig niya ang mga ngiyaw ni Miming sa labas. Nang pumanhik sa bahay si Miming, sugatan siya. Puno ng kalmot ang katawan. May mahaba ring kayas sa pisngi, ilang milimetro lang malapit sa mata.

Sumampa sa sofa si Miming. Pinunasan ko ang kanyang katawan. Namantsahan ng dugo at putik ang maputi niyang balahibo.  Naisip ko, “Tatalab kaya sa kanya ang isang kapsula ng Advil? May betadine pa kaya sa first aid kit?” Sa mga sandaling iyon, palakas nang palakas ang atungal ni Chiquito. Sumampa rin siya sa sofa at sinabayan ako sa marahang pagpunas sa katawan ng kanyang kuya… gamit ang kanyang dila.

Walang Mantsa

Payday. Bago umalis sa bahay para pumasok sa opisina, tsinek ko ang aking ATM card sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack. Present. Kinapa ko na rin ang dalawa kong credit card. Yung isa, present. Yung isa, wala. Kumabog ang aking dibdib. May ilang libong credit balance pa ang card na yun, bigla kong kuwenta, kasabay ng pangitaing sina-swipe ng kung sinumang walang budhi ang aking card sa loob ng isang department store. At nang pagtagni-tagniin ko ang aking alaala ay nabuo sa isip na nasa kaliwang harapang bulsa ng pantalong maong na ipina-laundry ko kahapon ang aking credit card. At ang walang budhing nagsa-swipe sa department store ay nagkaroon ng mukha: ang lalaking tumanggap, tumimbang, at nag-isyu ng resibo ng aking mga labahing damit kahapon.

Nagmamadali ang aking mga hakbang papunta sa laundry shop. Pinapraktis ko ang aking sasabihin. Kalma lang dapat. Sabihing naiwan ko ang aking ATM card. Hindi credit card, kasi baka pag-interesan at hindi ibigay. At pag hindi nilabas, plan B, sasabihing may kilala akong lawyer, na kahit gaano pa sila kagaling magtanggal ng mantsa sa aking mga damit, ay kaya kong ipasara ang kanilang maliit na laundry shop.

“Sorry, we’re closed,” bungad sa akin ng sign sa labas. Ngunit may siwang ang bakal na sliding door, at naisilip ko ang lalaking tumanggap ng aking mga labahin. Kumatok ako, at mabilis naman siyang nagbukas ng pinto.

“Nalabhan mo na ba yung mga damit ko?” bungad ko sa kanya. “May naiwan kasi ako sa bulsa ng pantalon.”

“Ay, opo, meron nga po” nakangiti niyang sagot bago mabilis na humarap sa istante, “Yung ATM card.”

Nang iabot niya sa akin ang aking credit card, saka pa lang ako nkahinga nang maluwag.

Nagpasalamat ako at saka umalis. Mali-late na ako sa trabaho sabi ng aking relo. Inilagay ko sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack ang credit card. Pati ang resibong hawak-hawak ko, na ibibigay ko sana sa lalaki kanina bilang pruweba na ako ang may-ari ng labahan, ngunit nakalimutan kong gawin, at hindi rin niya inusisa pa.

Sunong

Mula sa loob ng aircon na bus na sandaling pumarada at nagbaba ng pasahero sa EDSA, natanaw ko ang Balintawak Market. Maraming tao. Umuulan kaya’t maputik ang kanilang mga paa. Nilalangaw ang isang puwesto ng mga isda. Naninilaw ang puting sando ng mga matadero dahil sa malamlam na sinag ng bombilya. Maitim ang burak na dumadaloy mula sa nilalampasong sahig ng pamilihan patungo sa kalsada — sa silong ng bus na aking sinasakyan.

Napasinghap ako sa langsang nagkandarapang sumuot sa bukas na pinto ng bus. Sinalubong nito ng halik ang pasaherong bumaba, kapagdaka’y isa-isa ring nakipagniig sa aming mga pasaherong naiwan. At muli kong nasamyo ang amoy ng aming mangingisdang kapitbahay sa probinsiya kapag galing siya sa laot, o ang mga pinatutuyong isdang kinukuyog ng langaw matapos makalimutang hanguin ng batang nakalimot at nahumaling sa chinese garter habang bumubuhos ang ulan.

Naalala ko si Papa. Maraming beses na rin kaming napagawi sa lugar na ito. Madalas siyang magpasama sa akin para mamili ng mga gamit na iuuwi niya sa Masbate. Minsan, nang mapadaan kami sa mismong lugar na ito, nabanggit niya, “Noong nagmamasteral ako, lagi akong pinagdadala ng lola mo ng tuyo galing probinsiya. Ibenta ko raw. Dito ako noon nagde-deliver sa Balintawak.”

May himig ng pait ang bawat pangungusap ni Papa sa tuwing nagkukuwento siya tungkol sa kaniyang kabataan. Para siyang batang hindi binilhan ng laruan ng kaniyang magulang, at ngayo’y nagsusumbong sa isang galanteng ninong. At tulad ng basang pisngi ng EDSA, nangislap sa nagbabantang luha ang kaniyang balintataw. Kundi nga lang niya pinapalitan ng ngiti. Busilak na ngiti.

Minsan, noong bata pa ako, nakausap ko ang isa sa mga naging guro ni Papa. Noon ko lang siya nakausap, pero kung ituring ako’y parang kaniyang apo. Hinalikan ako sa pisngi, niyakap, at mahigpit na niyapos ang aking kamay (o marahil iyon ay isang eksaheradong pakikipagkamay). Sabik na sabik siyang nagkuwento: “Yang papa mo, ang sipag-sipag niyan. Umaabsent yan noon para lang maglako ng mga kakanin. Nililibot niya ang baryo, sunong-sunong ang bilao. Minsan naman ay lumiliban para mag-araro….” Pag ganito na ang usapan, laging kinukurot ang puso ko. Hinahagilap agad ng mga mata ko si Papa. Minsa’y nagta-type siya sa kaniyang computer. Paperworks yata na inuwi niya sa bahay. Minsa’y nagpapabunot ng uban sa mga bata naming kapitbahay. Dalawampu’t limang sentimo raw ang bayad sa kanila sa bawat puting hiblang madadagit ng tyani. Pambaon sa pagpasok sa eskwela kinabukasan.

Sumara ang pinto ng bus. Inis na inis ang mga pasahero sa nakulong na langsa. Pero walang magawa. Lahat ay kailangang suminghot. Ako man ay naparami ng singhot. Nakangiti akong suminga sa panyo at saka sumandal sa malambot na headrest ng upuan ng bus.

Muling Pasakalye

Tinanong ako ng isa kong blog follower kung ba’t hindi na raw ako nagpopost nang regular. Sagot ko, tinatamad ako. Nagtanong din ang kaopisina ko. Napaisip ako sandali, sinisid ang alaala, at nang makaahon ako’y natawa siya matapos kong sisihin ang aking promotion noong nakaraang taon. Sandamakmak na kasi ang trabaho, sabi ko. Mag-iisang taon na akong halos gabi-gabi kung mag-obertaym. Mag-iisang taon na ring tuwing weekend ko na lang natatambayan ang home (na kung tawagin ay bungad) ng WordPress.

Sa totoo lang, maraming beses ko nang naisip na puntahan ang settings ng aking blog at pindutin ang Delete this blog. Pero lagi kong pinipigilan ang aking sarili. Hold on, sabi ko. Marami pa akong ikukuwento. May nakapagsabi sa akin na sobrang matiyaga at pasensiyosong tao ko raw. Siguro naman ay kaya kong humilata sa mahaba-haba pang panahon, taas-noong hugutin sa bokabularyo ang salitang writer’s block sakaling may umusisa, at balikan sa takdang panahon ang dating tagpuan ng aking mga daliri at ng tigang na keyboard.

Kung Ba’t Ko Gustong Maging Diyos (I mean sa Sims)

Lagi akong tinatanong kung ‘bat daw ba ako adik sa larong The Sims (mula 1 hanggang 3). Kapag weekend, kulang sa akin ang sampung oras na pagdapa sa kama habang nilalaro ang number 1 simulation game sa buong mundo. Isa lang naman ang sagot dyan: gusto kong maging diyos. Gusto kong magkaroon ng kakayahang lumikha ng isang bayan sa isang click ng mouse lamang. Tapos, lalagyan ko ito ng kapitolyo, ospital, tower, tulay, gubat, sports complex, vampires’ lounge, bookstore. Kapag nalikha ko na ang paraiso, maghahanap ako ng isang lote sa talampas, o kaya sa pampang ng lawa, at magtatayo ako rito ng isang ultra modern na villa na hahangaan ng mga sims sa Bridgeport town. Minimal ang disenyo nito, kulay puti ang pader at kulay itim ang bubong na may sky window sa living room. Red ang accent color na makikita sa talulot ng isang bulaklak sa vase na nakapatong sa island counter ng kusina. May red carpet din sa paanan ng kamang nasa master suite. Katabi ng sala ang gym. Kapag tumatakbo ka sa treadmill, kaharap mo ang floor-to-ceiling na bintanang nakatanaw sa lawa o sa iba’t ibang kulay at hugis ng mga bubong ng mga gusali ng bayan. Plus 10 points din ito sa moodlet ng sim dahil sa beautiful surroundings.

Siyempre’y hindi buo ang pagiging diyos kung hindi ako lilikha ng mga sim. Narito ang mga tauhan ng aking sampung oras na eskapo sa pagiging tao:

  • Sim #1. Siya ang magiging ama ng tahanan. Siya ang shrewd at ruthless businessman na may-ari ng spa at graveyard sa Bridgeport. Mahilig siyang makipag-woohoo sa ibang sims lalo na sa kanyang mga—yes, mga—sekretarya.
  • Sim #2. Siya ay seksing bampira na may kapangyarihang mag-“make Sim #1 think about me.” Hayun nga, humantong sila sa woohoo inside the car at magarbong kasalan sa terrace ng villang nakatanaw sa lawa. Level 10 sa military career pala ang lifetime wish niya. May laban ka?
  • Sim #3. Siya ang NPC (non-playable character) butler ng ating sim family na may crush kay Sim #2. At dahil laging nagpa-pop sa kanyang wishes ang “flirt with Sim #2,” minsang nasa trabaho si Sim #1 ay humantong din sila sa woohoo inside the elevator.
  • Sim #4. Siya ang panganay na anak ni Sim #2. Siyempre’y may dugong bampira rin sa kanyang genes na namana niya sa kanyang supermom. At naimpluwensiyahan din siya ng pagiging evil ni Sim #1 na laging nakikipaglaro sa kanya. Pero may sikreto akong itatago sa kanya: kung sino ba ang kanyang ama. Hindi niya ito malalaman unless lumabas siya sa aking PC, pumalit sa aking puwesto, at silipin ang kanyang bio.

Marami pang sim na nais kong likhain. Sim na hunk pero kleptomaniac, sim na sexy pero takot sa tubig, sim na ubod ng taba at puno ng tigyawat ang mukha pero nangangarap maging level 5 celebrity sa Bridgeport. Panonoorin ko silang magkainlaban at magkagirian. Kapag sila ay nagkasala, narito ako, ang kanilang diyos, na magpaparusa sa kanila sa pamamagitan ng eviction o kaya’y kamatayan: death by mummy’s curse, death by thirst, death by fatigue. At kapag narating nila ang tugatog ng kanilang lifetime wish, makikicelebrate ako sa kanilang house party. Iinom ako ng Tanduay Ice at kakain ng shawarma sa aking kama habang pinapanood silang mag-skinny dip sa hot tub.

At pagkalipas ng sampung oras, nakangiti kong sasabihing “Welcome back to the real word!”

Role-play

Nag-role-play tayo:

Ikaw ang reyna

at ako ang alila.

Meron tayong palasyo

sa ibabaw ng kama,

at ang ating kaharian

ay niliblib ng seradura

ng iyong apartment

na nakatanaw sa EDSA.

Napagod tayo buong gabi

at naging dilig ang ating pawis

sa tigang na taniman ng paligid.

Nagpasabog ng kanyon sa langit

ang ating sambayanan.

Ngayo’y ipipinid ko ang pinto.

Bababa ako sa gusali.

Iiwan kitang nahihimbing

bago pa dumating ang hari.