Kayamanan

Ang di ko malilimutang payo ni Papa ay ‘yung maging madiskarte raw kaming magkakapatid sa buhay. Sa ganung pamumuhay nya rin kami pinalaki. Dahil from rag-to-riches, ‘ika nga, ang kanyang kuwento, ipinalasap din niya sa amin ang sarap ng isang tagumpay na ang ipinuhunan ay pagtitiis, pagpapakumbaba, at pananalig.

Maraming bawal sa amin noong mga bata pa kaming magkakapatid. Halimbawa, bawal bumili ng bagong damit kung meron namang maisusuot pa. Hindi lang daw niya maintindihan kung bakit kailangang bumili ng bago. Huwag na rin daw bumili ng laruan, nasisira lang naman daw kasi ‘yan. Pwede namang mag-siyato o magpa-derby ng gagambang bukid, libre pa. At sa cell phone, wag na raw bumili ng mamahalin. Ang importante’y makapag-text at makatawag.

Lumaki akong naiinis kay Papa. Pakiramdam ko kasi’y deprived ako sa napakaraming bagay. At ang ugat noon lahat, sa tingin ko, ay ang kanyang sobra-sobra at inconsiderate na pagtitipid. May mga pagkakataong gusto kong sabihin sa kanya na huwag niya kaming ilagay sa sitwasyon niya noon—isang self-supporting, nag-aaral sa umaga at nangingisda sa gabi, nagde-deliver ng isda sa palengke, nag-aararo kapag walang pasok. Gusto kong sabihin noon sa kanya na prinsipal na siya, at kami’y mga anak ng propesyunal na government employee.

Nasubok ko ang karakter ni Papa ‘nung ipetisyon niya ang isang grupo ng mga minerong naghuhukay sa lupang nasa tapat ng paaralang pinapasukan niya. Ang bali-balita’y may nakabaon daw na Yamashita treasure sa kailaliman ng mga lumang gusali ng paaralan. Naging kuta raw kasi ng mga Hapones ang paaralang iyon. Nangamba si Papa dahil, ayon sa tsismisan, naghuhukay ang mga minero ng tunnel papunta sa ilalim ng paaralan, sa ilalim ng school ground kung saan naglalaro ang mga mag-aaral.

Nais ng pinuno ng mga minero na makipag-areglo kay Papa. At gaya ng pagtanggi ni Papa sa mga naunang pakikipag-areglo ng kung sino-sinong mayayaman at maimpluwensiya sa aming bayan, pinanindigan ni Papa ang kanyang prinsipyo.

Kontra-demanda ang naging last resort ng mga nakabangga ni Papa. Kumbaga kung di makuha sa santong dasalan ay idaan sa santong paspasan. Ang mga minero, kasama ng kanilang mga pamilya, ay nagsagawa ng rali sa tapat ng paaralan at nagpiyesta ang mga placard at streamer ng pagpapatalsik kay Papa. Kesyo inuwi raw ni Papa ang mga tabla sa paaralan para gawing dingding ng aming bahay. May araw din na tinira si Papa ng isang maimpluwensyang media man sa probinsiya sa kolum nito. Ang sarap daw ni Papa ilagay sa bote ng Coke at saka pagulung-gulungin.

Iyon ang unang pagkakataong nasaksihan ko ang kasakiman ng ibang tao para lang makuha ang pansarili nilang hangarin. Galit na galit ako sa kanila. Gusto kong imudmod ang mukha nila sa butas-butas naming bubong para makita nilang wala kaming yaman para magpatayo ng palasyo, na ilang kamag-anak ang kinukupkop at pinapaaral nina Papa at Mama sa bahay para lang makatulong.

Hindi ko na maalala ang mga detalye ng kinahinatnan ng kaso, pero kinailangang lisanin ni Papa ang paaralan noong mapromote siya bilang bisor at nadestino sa ibang lugar. Kasabay din iyon ng pagluwas ko papuntang Maynila para magkolehiyo. Naranasan ko ang pagtitipid na hindi ko nagawa sa tanang buhay ko—yung mag-ulam ng noodles, magbaon ng pandesal bilang pananghalian sa klase, magpahaba ng buhok para lang walang gastos sa pagpapagupit, lakarin mula Quezon Ave. papuntang UP kesa naman mag-1-2-3. Ni hindi ko rin naranasang mag-Starbucks sa ilan taon kong pagiging college student. Pero ininda ko ‘yun lahat. Wala ‘yun sa pinagdaanan ng tatay ko.

‘Nung matanggap ako sa unang una kong trabaho, ang una kong pinagsabihan ay si Papa. Birthday nya ‘nun, tinext ko siya. Sabi nya, ‘yun na raw ang regalo ko sa kanya. At nang umuwi ako sa probinsiya, nagpalitson siya. Para raw iyon sa akin, bulong ni Mama.

Siyempre masarap pa ring gawin ang nakagawian. Kapag dinadalaw ako rito ni Papa sa Maynila, pinagbibigyan ko ang kanyang luho, ang kanyang diskarte para makatipid. Magkasama kaming kumakain sa karinderya, nakikipagtawaran sa mga tindera sa Baclaran at Divisoria, at naglalakad sa syudad nang walang kapaguran.

Ang Magic ni Papa

Nasa Grade 5 na ako nang mahiwalay ako sa aking mga magulang sa pagtulog. Bago ito mangyari, buong buhay kong katabi sa pagtulog sina Papa, Mama, at bunso kong kapatid na si Jude. Naglalapag kami ng banig sa sala. Nagkakabit kami ng kulambo dahil uso ang malaria sa probinsya. Nilalatagan namin ng kumot ang ibabaw ng kulambo. Kapag madaling araw kasi, namumutakti sa hamog ang aming bubong na gawa sa yero. Wala kaming kisame. Panangga sa lamig at mga nalalaglag na butil ng hamog ang nakalatag na kumot.

Sa isang kuwarto natutulog ang aking ate na noo’y nasa haiskul. Sa kabilang kuwarto naman ang aking kuya kasama ng mga pinsan naming nakikituloy sa amin.

Early ’90s. Milagros, Masbate

Ito ang eksenang karainwang kinagigisnan ko: Mga bandang alas kuwatro, gigising si Mama para magdasal. Nakaupo lang siya sa banig, sa loob ng kulambo. Hawak-hawak niya ang rosaryo, nakapikit at bumubulong nang kung anu-anong hindi ko maunawaan.

Maya-maya’y gigising na rin si Papa. Lagi naming hinihintay ni Jude ang paggising ni Papa. Araw-araw kasi siyang nagma-magic para sa amin. Bago kami matulog sa gabi, ipinapakita ni Papa sa amin ni Jude ang isang lata ng biskwit. Bubuksan niya ito para matiyak naming wala itong laman. Sasabihin niya:
“Matulog na kayo para bukas magma-magic ako na magkaroon ‘yan ng laman.”

Kaya pagkagising, nakapalibot agad kami ni Jude kay Papa. Yakap-yakap ni Jude si Papa sa leeg; kinukuyog ko naman ang hita ni Papa.

Sumisigaw kami ni Jude ng “Magic na, Pa! Magic na, Pa!”

Hindi makapagsalita si Papa, ngiting ngiti, habang mahigpit na kinakanlong ang lata ng biskwit. Nakangiti ring nanonood si Mama.

Dilat na dilat ang nakaabang na mga mata namin ni Jude habang bumubulong ng “Ayan na .…”

At dahan-dahan, bubuksan ni Papa ang lata. Lalagutok ang takip nito. Mapapakurap kami ni Jude dahil sa bahagyang gulat, pero didilat din agad para tingnan ang laman ng lata. Bubulaga sa amin ang mga biskwit na nasa loob… maraming biskwit na ipinagtataka namin ni Jude kung saan nanggaling.

Hindi ko mabilang kung ilang beses nang nag-magic sa amin si Papa. Pero, di tulad ng mga magic tricks ngayon na nalalaos agad kapag pinerform sa audience, ang magic ni Papa ay hindi nalaos sa amin ni Jude. Lalo na sa akin.

Kahit nasa edad na ako ng pagsasarili, marami pa ring pagkakataong umasa ako sa magic ni Papa: emosyonal, pinansyal, moral. Mga magic na hindi ko magagawa sa aking sarili. O kung magagawa ko ma’y nangangailangan ng katangiang tulad ng kay Papa.

IMG_6342

Jan 2013. Masbate City.

Loco de Amor

Dekada 70 nang maging titser daw ni Papa si Seldeng sa elementarya. Nagkaroon ito ng nobyo, isang lalaking tinutulan ng kanyang mga magulang. Pinaghiwalay sila. Huminto sa pagtuturo si Seldeng. Nawalan ng ganang kumain. Nagmukmok sa tabi ng bintana. At kinausap ang hangin.

Nasa elementarya ako nang una kong makita si Seldeng. Tantya ko’y nasa 60 na siya. May hawig kay Gloria Romero. Maputi, matangkad, matangos ang ilong, manilaw-nilaw ang buhok. Ninuno niya ang mga kauna-unahang angkang Espanyol sa Masbate.

Si Seldeng ang taga-igib sa kanilang bahay. Kasama niya sa bahay ang kanyang ate na si Mam Nena na naging titser ko sa kinder. Hindi ko makalimutan ang tinurong kanta ni Mam Nena sa amin noon. May matching action ito:

May kulo na naga-uklo, uklo, uklo, uklo.

(May kunehong nagtatago, tago, tago, tago.)

Lagi kong natatanaw si Seldeng dahil kaharap ng bahay namin ang balon na pinag-iigiban niya. Umaabot sa sampung beses sa isang araw siya kung mag-igib, umaga hanggang hapon. Sabog ang kanyang buhok, gula-gulanit ang damit, walang tsinelas, at abalang abala sa pakikipagkuwentuhan sa kawalan simula sa pagsalok ng timba hanggang sa pagbitbit ng dalawang balde pauwi. Sa mga monologong ito na minsa’y puno ng ngitngit at minsa’y puno ng halakhak, lagi’t lagi niyang binabanggit ang pangalang Roberto.

Isang umaga, naabutan ko sa aming mesa si Seldeng na kumakain ng almusal. Syempre’y nagulantang ako. Nananaginip pa ba ako? Ang nangyari pala’y umandar na naman ang pagka-charitable ni Mama. Hayun, nang makita si Seldeng na umiigib, biglang niyaya para mag-almusal. Simula noon, nasanay na kami sa eksenang may sisenta anyos na mestisang kumakain sa amin.

Madalas nangungunot ang noo ni Papa. Si Mama naman, magsasalita: Nagpapakain nga tayo ng aso, tao pa kaya?

Malakas kung kumain si Seldeng. Lalo na sa kanin. Kapag tuyo ang ulam namin, kinakain niya kahit tinik, ulo, at mapaklang tiyan ng tuyo. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang utak noong mga panahong kumakain siya. Blangko ang tingin niya sa amin. Isang titig lang, tapos balik sa pagkain.

Maraming pagkakataong nakikita naming may pasa sa kanyang mukha at braso, o kaya’y natuyong dugo sa gilid ng kanyang kilay at bibig. At naaalala ko ang matatalim na titig ni Mam Nena kapag naiinis sa pasaway kong kaklase. Kung paano siya mamalo ng patpat na kawayan….

Binigyan ni Mama ng tsinelas si Seldeng. Para hindi mahirapan sa pag-iigib, sabi ni Mama. Pagkatapos nun, hindi na muling kumain sa amin si Seldeng. May nakapagsabing nainis daw si Mam Nena nang makita ang tsinelas. Tinanong si Seldeng kung kanino iyon. Hindi na namin nabatid ang buong detalye. Hindi na niya pinansin ang mga anyaya ni Mama. Patuloy pa rin siya sa pag-igib. At sa pagsalita nang mag-isa.