Kung Ba’t Ko Gustong Maging Diyos (I mean sa Sims)

Lagi akong tinatanong kung ‘bat daw ba ako adik sa larong The Sims (mula 1 hanggang 3). Kapag weekend, kulang sa akin ang sampung oras na pagdapa sa kama habang nilalaro ang number 1 simulation game sa buong mundo. Isa lang naman ang sagot dyan: gusto kong maging diyos. Gusto kong magkaroon ng kakayahang lumikha ng isang bayan sa isang click ng mouse lamang. Tapos, lalagyan ko ito ng kapitolyo, ospital, tower, tulay, gubat, sports complex, vampires’ lounge, bookstore. Kapag nalikha ko na ang paraiso, maghahanap ako ng isang lote sa talampas, o kaya sa pampang ng lawa, at magtatayo ako rito ng isang ultra modern na villa na hahangaan ng mga sims sa Bridgeport town. Minimal ang disenyo nito, kulay puti ang pader at kulay itim ang bubong na may sky window sa living room. Red ang accent color na makikita sa talulot ng isang bulaklak sa vase na nakapatong sa island counter ng kusina. May red carpet din sa paanan ng kamang nasa master suite. Katabi ng sala ang gym. Kapag tumatakbo ka sa treadmill, kaharap mo ang floor-to-ceiling na bintanang nakatanaw sa lawa o sa iba’t ibang kulay at hugis ng mga bubong ng mga gusali ng bayan. Plus 10 points din ito sa moodlet ng sim dahil sa beautiful surroundings.

Siyempre’y hindi buo ang pagiging diyos kung hindi ako lilikha ng mga sim. Narito ang mga tauhan ng aking sampung oras na eskapo sa pagiging tao:

  • Sim #1. Siya ang magiging ama ng tahanan. Siya ang shrewd at ruthless businessman na may-ari ng spa at graveyard sa Bridgeport. Mahilig siyang makipag-woohoo sa ibang sims lalo na sa kanyang mga—yes, mga—sekretarya.
  • Sim #2. Siya ay seksing bampira na may kapangyarihang mag-“make Sim #1 think about me.” Hayun nga, humantong sila sa woohoo inside the car at magarbong kasalan sa terrace ng villang nakatanaw sa lawa. Level 10 sa military career pala ang lifetime wish niya. May laban ka?
  • Sim #3. Siya ang NPC (non-playable character) butler ng ating sim family na may crush kay Sim #2. At dahil laging nagpa-pop sa kanyang wishes ang “flirt with Sim #2,” minsang nasa trabaho si Sim #1 ay humantong din sila sa woohoo inside the elevator.
  • Sim #4. Siya ang panganay na anak ni Sim #2. Siyempre’y may dugong bampira rin sa kanyang genes na namana niya sa kanyang supermom. At naimpluwensiyahan din siya ng pagiging evil ni Sim #1 na laging nakikipaglaro sa kanya. Pero may sikreto akong itatago sa kanya: kung sino ba ang kanyang ama. Hindi niya ito malalaman unless lumabas siya sa aking PC, pumalit sa aking puwesto, at silipin ang kanyang bio.

Marami pang sim na nais kong likhain. Sim na hunk pero kleptomaniac, sim na sexy pero takot sa tubig, sim na ubod ng taba at puno ng tigyawat ang mukha pero nangangarap maging level 5 celebrity sa Bridgeport. Panonoorin ko silang magkainlaban at magkagirian. Kapag sila ay nagkasala, narito ako, ang kanilang diyos, na magpaparusa sa kanila sa pamamagitan ng eviction o kaya’y kamatayan: death by mummy’s curse, death by thirst, death by fatigue. At kapag narating nila ang tugatog ng kanilang lifetime wish, makikicelebrate ako sa kanilang house party. Iinom ako ng Tanduay Ice at kakain ng shawarma sa aking kama habang pinapanood silang mag-skinny dip sa hot tub.

At pagkalipas ng sampung oras, nakangiti kong sasabihing “Welcome back to the real word!”

Advertisements

Facebook Mania

Tinanong ako ni Mama kung ano ang mga napapala ko sa Facebook.

“Marami,” sabi ko.

Ikinuwento ko sa kanya na, dahil sa FB, nakakausap ko ang mga kaklase ko na matagal ko nang hindi nakikita. Na nagiging ka-close ko ‘yung mga taong hindi ko naman laging kasama gaya ng aking propesor. At dahil may database ito ng personal information ng mga member, isa-suggest sa’yo ng site ang mga taong posibleng kilala mo dahil ka-batch mo siya sa parehong paaralang nilagay mo sa info sheet.

Pagkatapos kong magpaliwanag, nagpagawa si Mama ng FB account sa akin.

Ilang araw ang lumipas, nagpagawa rin si Papa.

Pareho na silang lagpas singkwenta.Reblog this post [with Zemanta]