Kung Paano Dapat Magmahal ng Isang Kuya

Let’s talk about, ahem, love.

Pero hindi po ito ang tipo ng pang-telenobelang love. Tungkol ito sa aking mga alaga: si Chiquito na isang aso at si Miming na isang pusa.

Pet History 101 muna tayo.

Mas nauna kong naging alaga si Miming. Four years ago yun. Sa Laguna pa ako nakatira that time. One year after, dumating naman si Chiquito, maliit pa siya nun. Pagka-kyuuut na kyuuut na tuta. Lumaki silang parang magkapatid: si Miming ang kuya, si Chiquito ang bunso. Nang grumaduate na ako sa college at nalipat sa Quezon City para magtrabaho, obkors, kasama ko rin silang nag-migrate.

Puti at itim ang ugali ng dalawang ito: suplado si Miming, malambing naman si Chiquito. Si Miming yung tipo ng pusa na kapag tinawag mo ay once in a blue moon lang kung lumingon. Pero si Chiquito, kahit hindi na kyuuut dahil naging matapang na bakulaw na, ay napakalambing naman. Mahilig siyang makipag-wrestling sa akin pagdating ko galing sa trabaho, habang abala naman si Miming sa ibabaw ng ref sa pag-go-groom ng kanyang sarili.

Madalas ay kinukulit ni Chiquito si Miming para maglaro, na susuklian naman ni Miming ng aburidong kalmot.

Kagabi, nakipag-away si Miming sa mga pusang gala sa aming bakuran. Hindi mapakali si Chiquito habang naririnig niya ang mga ngiyaw ni Miming sa labas. Nang pumanhik sa bahay si Miming, sugatan siya. Puno ng kalmot ang katawan. May mahaba ring kayas sa pisngi, ilang milimetro lang malapit sa mata.

Sumampa sa sofa si Miming. Pinunasan ko ang kanyang katawan. Namantsahan ng dugo at putik ang maputi niyang balahibo.  Naisip ko, “Tatalab kaya sa kanya ang isang kapsula ng Advil? May betadine pa kaya sa first aid kit?” Sa mga sandaling iyon, palakas nang palakas ang atungal ni Chiquito. Sumampa rin siya sa sofa at sinabayan ako sa marahang pagpunas sa katawan ng kanyang kuya… gamit ang kanyang dila.

Advertisements

Pagbabalik

Sabado ng umaga. Katatapos ko lang pakainin si Chiquito. Gulay ang ulam namin kaya pinagkasya ko sa kanila ni Miming ang left-over ng paksiw na isda na ulam namin sa nakaraang gabi.

Kinuha ko sa labas ng bahay ang nakasampay kong tuwalya para maligo. Nakatali si Chiquito sa aming laundry area. Tinitigan ako nang matagal ni Chiquito. Tapos kumahol siya. Nagitla ako dahil unang beses niyang ginawa iyon sa akin. Hindi siya huminto. Nagtaka ako kung bakit. Wala akong pang-itaas at nakasampay ang tuwalya sa aking leeg, pero maraming beses ko na siyang kinarga at niyakap na nakahubad ako. Luminga ako sa aking likuran, baka may napansin siyang kung anong pumukaw sa kanyang animal instinct. Wala. Ang napansin kong kakaiba ay ang matingkad na sinag ng araw na direktang tumatama sa kanyang mukha. Marahil nabulag siya ng sobrang liwanag.

Ako ‘to, Chiquito, gusto kong sabihin habang unti-unti kong nilalapit ang aking kamay sa kanya. Gusto kong ipaalala sa kanya na ako ang gumawa ng kanyang bahay noong tuta pa lang siya. Na mukha ko ang una niyang dinilaan gaya ng amang nakarinig sa unang salita ng kanyang bunso. Na ako ang matiyagang nagpainom sa kanya ng gatas at gamot noong nagkasakit siya. Na ako ang nagpapaligo at nagpapatae sa kanya.

Pero kinontra rin ako ng isang bahagi ng aking utak. Mula nang magtrabaho ako sa Quezon City, lagi na akong ginagabi ng uwi sa Calamba. Pag-umaga, umaalis akong hindi man lang nakakapagpaalam sa kanya na himbing na himbing sa pagtulog. Sabado at Linggo lang kami buong araw na magkasama. Ang ritwal ng araw-araw na pagpapatae sa kanya sa isang bakanteng lote sa subdibisyon ay unti-unting naglaho. Ang aming habulan sa park tuwing hapon ay tuluyang lumubog kasama ng mga araw. Ilang gabi rin akong tumatambay sa bahay ng aking ate sa Paranaque. Baka nga naglaho na ang amoy ng aking dugo sa kanyang memorya.

Hindi ko rin masisisi ang aking alaga kung bakit kinailangan ko pa siyang sigawan para lang kumalma at huminto sa pagtahol.

Noong isang araw, ibinalita sa akin ng mga kasama ko sa bahay na muntik nang makawala si Chiquito nang may dumating na bisita sa bahay. Gustung gustong mangagat.

Mamaya, dadaan ako sa pet shop para bumili ng butong pasalubong sa kanya. At bukas, Huwebes Santo, hanggang sa Araw ng Pagkabuhay, ipapagunita ko kay Chiquito na nandito pa ako, ang pinakamatalik niyang kaibigan.