Babád

Hinanap kita
sa nakasisilaw na kalangitan sa umaga;
sa bunton ng mga bituin tuwing gabi.
Nauhaw akong muling dampian
ng patak-patak mong halik
sa aking uhay, dahon, at binti.
Nagpigtas na ako ng balat,
upang sumingaw ang init.
Naghulog na ako ng butil,
upang walang kaagaw sa hamog.
Ngayo’y bumalik ka
nang walang pasintabi.
Sa buhos-buhos mong yakap
at nananakal na dilig,
nagtampisaw ako sa sabik.

Advertisements

Ang Ligaw na Bonsai ni Mama

Three years old ako nang ampunin ako ni Lola na nakatira malayo sa amin. Retiradong titser sa Grade 1 si Lola. Lagi niya akong pinapasulat at pinapadrowing. May kaibigan siyang titser na laging pumupunta sa amin, sabi ng titser na ito, “Mare, isasali ko ito si Neil sa poster-making contest.” Mahusay raw kasi akong magdrowing ng tao, bahay, kalabaw, bundok….

Bata pa ako, nakapinta na sa utak ko ang landas na aking tatahakin. Kapag tinatanong ako ng ibang tao, “Ano ang gusto mo paglaki mo?” madalas kong isinasagot, nang may buong pagmamalaki, “Architect!”

Iba naman ang pangarap ni Mama sa akin. Magiging pari raw ako. Ang laging sinasabi ni Mama, “Kapag may anak akong naihandog ko sa Diyos, wala na akong mahihiling pa.”

Nagkaroon ako ng sangandaan ng mga pangarap: sa isang direksiyon ay nakikinita ko si Lola, nakangiti, may hawak na T-square at technical pen, sa kabilang direksiyon naman ay si Mama, nakangiti rin, may hawak na sotana.

Isinoli ako ni Lola sa amin para mag-aral sa Grade 1. Ang impresyon sa akin ng aking mga titser ay mabait, masipag, matalino, magalang, at masunurin. Lahat ay pawang positibo. Magiging architect o pari kasi ako, ang madalas kong paalala sa aking sarili.

Nasa highschool ako nang makahiligan ko ang bonsai. Hinanapan ako ni Mama ng libro tungkol sa pagbo-bonsai. Ibinili niya ako ng mga paso, wire, pliers, at gunting na gamit sa naturang hobby. Natutuhan ko ang dalawang pangunahing mithiin sa pagbobonsai: una, itinatanim ang halaman o puno sa paso para hindi ito lumaki at, ikalawa, ikaw ang magdedesisyon kung ano ang magiging hugis nito. Kapag weekend, namumundok kaming magkakapatid para maghanap ng mga halaman at punong gagawing bonsai. Madalas na sumasama si Mama. Hindi niya alintana ang matarik na daan, ang matatalim na talahib, at matinding sikat ng araw.

Sa bawat bonsai na aking nagagawa, lagi kong nababasa sa mga ngiti ni Mama, habang nakatitig sa aking munting obra, na magiging architect nga ako, gaya ng pangarap ni Lola. Kaya lumuwas ako patungong Maynila at nag-enroll ng Landscape Architecture.

Pero hindi ganito kadali ang lahat. Kapag nahiwalay ka pala sa pamilya mo, saka mo lubusang makikilala ang iyong sarili, ang iyong mga sariling pangarap.

Sa buong panahong nasa kolehiyo ako, isinekreto ko ang lahat tungkol sa aking pag-aaral, lalung lalo na ang pag-shift ko sa Creative Writing. Binigyan ako nina Mama at Papa ng kondisyon na dapat ay hanggang 6 years lang ako sa UP (bilang Architecture student, gaya ng inaakala nila) dahil magastos mag-aral lalo na’t parehong sa gobyerno lang sila nagtatrabaho. Noong April 2009, dalawang linggo bago ako magmartsa, umuwi ako sa amin dala ang aking thesis, ilang sertipiko sa pagdalo sa writing workshop at pagkapanalo sa writing contest, at imbitasyon para sa aming graduation. Nang sinabi ko kay Mama, sa unang pagkakataon, na lumihis ako ng landas – landas na ibang iba sa pangarap nila ni Lola, ngumiti siya, maluha-luha. At gaya ng mga titig niya sa akin noon kapag may likha akong bagong bonsai, nabasa kong muli sa kanyang mga mata ang walang pag-aalinlangang saya, pagtanggap, at pagmamalaki sa akin bilang kanyang anak.