Kayamanan

Ang di ko malilimutang payo ni Papa ay ‘yung maging madiskarte raw kaming magkakapatid sa buhay. Sa ganung pamumuhay nya rin kami pinalaki. Dahil from rag-to-riches, ‘ika nga, ang kanyang kuwento, ipinalasap din niya sa amin ang sarap ng isang tagumpay na ang ipinuhunan ay pagtitiis, pagpapakumbaba, at pananalig.

Maraming bawal sa amin noong mga bata pa kaming magkakapatid. Halimbawa, bawal bumili ng bagong damit kung meron namang maisusuot pa. Hindi lang daw niya maintindihan kung bakit kailangang bumili ng bago. Huwag na rin daw bumili ng laruan, nasisira lang naman daw kasi ‘yan. Pwede namang mag-siyato o magpa-derby ng gagambang bukid, libre pa. At sa cell phone, wag na raw bumili ng mamahalin. Ang importante’y makapag-text at makatawag.

Lumaki akong naiinis kay Papa. Pakiramdam ko kasi’y deprived ako sa napakaraming bagay. At ang ugat noon lahat, sa tingin ko, ay ang kanyang sobra-sobra at inconsiderate na pagtitipid. May mga pagkakataong gusto kong sabihin sa kanya na huwag niya kaming ilagay sa sitwasyon niya noon—isang self-supporting, nag-aaral sa umaga at nangingisda sa gabi, nagde-deliver ng isda sa palengke, nag-aararo kapag walang pasok. Gusto kong sabihin noon sa kanya na prinsipal na siya, at kami’y mga anak ng propesyunal na government employee.

Nasubok ko ang karakter ni Papa ‘nung ipetisyon niya ang isang grupo ng mga minerong naghuhukay sa lupang nasa tapat ng paaralang pinapasukan niya. Ang bali-balita’y may nakabaon daw na Yamashita treasure sa kailaliman ng mga lumang gusali ng paaralan. Naging kuta raw kasi ng mga Hapones ang paaralang iyon. Nangamba si Papa dahil, ayon sa tsismisan, naghuhukay ang mga minero ng tunnel papunta sa ilalim ng paaralan, sa ilalim ng school ground kung saan naglalaro ang mga mag-aaral.

Nais ng pinuno ng mga minero na makipag-areglo kay Papa. At gaya ng pagtanggi ni Papa sa mga naunang pakikipag-areglo ng kung sino-sinong mayayaman at maimpluwensiya sa aming bayan, pinanindigan ni Papa ang kanyang prinsipyo.

Kontra-demanda ang naging last resort ng mga nakabangga ni Papa. Kumbaga kung di makuha sa santong dasalan ay idaan sa santong paspasan. Ang mga minero, kasama ng kanilang mga pamilya, ay nagsagawa ng rali sa tapat ng paaralan at nagpiyesta ang mga placard at streamer ng pagpapatalsik kay Papa. Kesyo inuwi raw ni Papa ang mga tabla sa paaralan para gawing dingding ng aming bahay. May araw din na tinira si Papa ng isang maimpluwensyang media man sa probinsiya sa kolum nito. Ang sarap daw ni Papa ilagay sa bote ng Coke at saka pagulung-gulungin.

Iyon ang unang pagkakataong nasaksihan ko ang kasakiman ng ibang tao para lang makuha ang pansarili nilang hangarin. Galit na galit ako sa kanila. Gusto kong imudmod ang mukha nila sa butas-butas naming bubong para makita nilang wala kaming yaman para magpatayo ng palasyo, na ilang kamag-anak ang kinukupkop at pinapaaral nina Papa at Mama sa bahay para lang makatulong.

Hindi ko na maalala ang mga detalye ng kinahinatnan ng kaso, pero kinailangang lisanin ni Papa ang paaralan noong mapromote siya bilang bisor at nadestino sa ibang lugar. Kasabay din iyon ng pagluwas ko papuntang Maynila para magkolehiyo. Naranasan ko ang pagtitipid na hindi ko nagawa sa tanang buhay ko—yung mag-ulam ng noodles, magbaon ng pandesal bilang pananghalian sa klase, magpahaba ng buhok para lang walang gastos sa pagpapagupit, lakarin mula Quezon Ave. papuntang UP kesa naman mag-1-2-3. Ni hindi ko rin naranasang mag-Starbucks sa ilan taon kong pagiging college student. Pero ininda ko ‘yun lahat. Wala ‘yun sa pinagdaanan ng tatay ko.

‘Nung matanggap ako sa unang una kong trabaho, ang una kong pinagsabihan ay si Papa. Birthday nya ‘nun, tinext ko siya. Sabi nya, ‘yun na raw ang regalo ko sa kanya. At nang umuwi ako sa probinsiya, nagpalitson siya. Para raw iyon sa akin, bulong ni Mama.

Siyempre masarap pa ring gawin ang nakagawian. Kapag dinadalaw ako rito ni Papa sa Maynila, pinagbibigyan ko ang kanyang luho, ang kanyang diskarte para makatipid. Magkasama kaming kumakain sa karinderya, nakikipagtawaran sa mga tindera sa Baclaran at Divisoria, at naglalakad sa syudad nang walang kapaguran.

Advertisements

Walang Mantsa

Payday. Bago umalis sa bahay para pumasok sa opisina, tsinek ko ang aking ATM card sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack. Present. Kinapa ko na rin ang dalawa kong credit card. Yung isa, present. Yung isa, wala. Kumabog ang aking dibdib. May ilang libong credit balance pa ang card na yun, bigla kong kuwenta, kasabay ng pangitaing sina-swipe ng kung sinumang walang budhi ang aking card sa loob ng isang department store. At nang pagtagni-tagniin ko ang aking alaala ay nabuo sa isip na nasa kaliwang harapang bulsa ng pantalong maong na ipina-laundry ko kahapon ang aking credit card. At ang walang budhing nagsa-swipe sa department store ay nagkaroon ng mukha: ang lalaking tumanggap, tumimbang, at nag-isyu ng resibo ng aking mga labahing damit kahapon.

Nagmamadali ang aking mga hakbang papunta sa laundry shop. Pinapraktis ko ang aking sasabihin. Kalma lang dapat. Sabihing naiwan ko ang aking ATM card. Hindi credit card, kasi baka pag-interesan at hindi ibigay. At pag hindi nilabas, plan B, sasabihing may kilala akong lawyer, na kahit gaano pa sila kagaling magtanggal ng mantsa sa aking mga damit, ay kaya kong ipasara ang kanilang maliit na laundry shop.

“Sorry, we’re closed,” bungad sa akin ng sign sa labas. Ngunit may siwang ang bakal na sliding door, at naisilip ko ang lalaking tumanggap ng aking mga labahin. Kumatok ako, at mabilis naman siyang nagbukas ng pinto.

“Nalabhan mo na ba yung mga damit ko?” bungad ko sa kanya. “May naiwan kasi ako sa bulsa ng pantalon.”

“Ay, opo, meron nga po” nakangiti niyang sagot bago mabilis na humarap sa istante, “Yung ATM card.”

Nang iabot niya sa akin ang aking credit card, saka pa lang ako nkahinga nang maluwag.

Nagpasalamat ako at saka umalis. Mali-late na ako sa trabaho sabi ng aking relo. Inilagay ko sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack ang credit card. Pati ang resibong hawak-hawak ko, na ibibigay ko sana sa lalaki kanina bilang pruweba na ako ang may-ari ng labahan, ngunit nakalimutan kong gawin, at hindi rin niya inusisa pa.

Muling Pasakalye

Tinanong ako ng isa kong blog follower kung ba’t hindi na raw ako nagpopost nang regular. Sagot ko, tinatamad ako. Nagtanong din ang kaopisina ko. Napaisip ako sandali, sinisid ang alaala, at nang makaahon ako’y natawa siya matapos kong sisihin ang aking promotion noong nakaraang taon. Sandamakmak na kasi ang trabaho, sabi ko. Mag-iisang taon na akong halos gabi-gabi kung mag-obertaym. Mag-iisang taon na ring tuwing weekend ko na lang natatambayan ang home (na kung tawagin ay bungad) ng WordPress.

Sa totoo lang, maraming beses ko nang naisip na puntahan ang settings ng aking blog at pindutin ang Delete this blog. Pero lagi kong pinipigilan ang aking sarili. Hold on, sabi ko. Marami pa akong ikukuwento. May nakapagsabi sa akin na sobrang matiyaga at pasensiyosong tao ko raw. Siguro naman ay kaya kong humilata sa mahaba-haba pang panahon, taas-noong hugutin sa bokabularyo ang salitang writer’s block sakaling may umusisa, at balikan sa takdang panahon ang dating tagpuan ng aking mga daliri at ng tigang na keyboard.

Wrestler si Doc!

Nasa dental clinic ako para magpabunot ng ngipin. Third molar sa itaas. Inalis na ng dentista ang mga lumang pastang amalgam sa tatlo kong bagang, at saka pinalitan ng mas modernong white filling. Sa kamalasan, hindi niya naisalba ang aking wisdom tooth. Masyadong malalim na raw ang butas.

“Baka naman mahirap kang bunutan,” sabi ni Doc.

Hindi ako kumibo. Nasa elementarya pa ako nang huli akong pabunutan ni Mama ng ngipin sa dentista.

Nagkukuwento si Doc habang nag-i-sterilize ng mga gamit. Marami kaming napag-usapan, lalo na ang tungkol sa career.

Tinanong ko siya kong bakit ayaw niyang mag-abroad. Malaki ang kita run, sabi ko.

“Ay naku,” sabi niya, “gusto ko kaya lang eh ayaw akong payagan ng mga magulang ko.”

Tumango ako kahit alam kong nakatalikod siya sa inuupuan kong dental chair.

“Tsaka mahirap ang buhay dun,” paliwanag niya. “May isa nga akong kaibigang dentista, nasa Qatar. Malaki naman daw ang kita. Pero dapat eh sanay kang murahin, bastusin. Eh ang mga Arabo pa naman, akala mo kung sino sila, ang bububo naman. Kung babae ka, tapos momolestiyahin ka, sasabihin nila, ay, bakit kita gagalawin eh may asawa na ako. Tapos, ikaw pa ang pananagutin sa batas. May iba nga riyan, igagang-rape, tapos ibabaon na lang sa disyerto.”

Pinabuka niya ang aking bunganga at saka pinahiran ng topical anesthesia ang aking gilagid. Muntik na akong masuka sa pakla ng lasa nito.

“Kuntento na akong magtrabaho dito sa bansa,” dagdag niya habang naglalagay ng anesthesia sa heringgilya. “Simpleng buhay lang, kasama mo pa ang mga kapamilya mo.”

Gusto ko sanang sumagot ng “Oo nga,” ngunit sinimulan na niyang iturok ang heringgilya.

Naka-apat o limang turok siya, palipat-lipat sa paligid ng aking ngipin, hanggang maubos ang gamot. Pinagmumog niya ako.

Nagtanong siya.

“Ikaw, Neil, kelan ka ba mag-aasawa?”

Muntik na akong masamid sa tubig.

“Ah, wala pa ho akong ipon eh,” sabi ko habang sumasandal sa dental chair.

“Ano, makapal na ba?” tanong niya, tinutukoy ang aking gilagid.

“Yata,” sagot ko.

Sinilip niya.

“Mahirap talagang mag-asawa kung walang ipon,” sabi niya habang sinisimulang ugahin ang aking ngipin gamit ang isang instrument.

“Sabihin mo kung masakit ha?” sabi niya. “Para dagdagan natin ng anesthesia.”

Tumayo siya para makapuwesto nang maayos at ipinagpatuloy ang ginagawang pag-uga.

“Alam mo kapag dentist ka,” sabi niya, “dapat malakas ang braso mo, kasi parang kang nakikipagbunong-braso.

Napangiti ako habang nalalaway.

“Yun ngang kaibigan kong dentist din,” sabi niya, “naku, ang liit ng mga braso. ‘Pag hindi niya kayang bunutin yung ‘ipin ng pasyente, tatawagin ako para magpa-assist. Madalas pa niyang napuputol yung ‘ipin. Eh naiinis pa naman ako ‘pag putol. Kailangan mong magbawas ng buto.”

Nagpalit siya ng ibang instrument, mukhang pliers, at saka inipit ang aking ngipin.

“Wag kang lulunok ha?” utos niya.

Pagkatapos, dahan-dahan niyang hinila ang aking ngipin palabas sa aking bunganga, at saka inilapag sa mobile tray na nasa aking harapan.

“Tingnan mo ang ‘ipin mo,” sabi niyang may himig ng pagmamalaki.

Para siyang wrestler na ipinapakita sa mundo ang kanyang championship belt.

Napangiwi ako sa itsura ng aking ngipin. Mabilis akong nagmumog.

Ang Magic ni Papa

Nasa Grade 5 na ako nang mahiwalay ako sa aking mga magulang sa pagtulog. Bago ito mangyari, buong buhay kong katabi sa pagtulog sina Papa, Mama, at bunso kong kapatid na si Jude. Naglalapag kami ng banig sa sala. Nagkakabit kami ng kulambo dahil uso ang malaria sa probinsya. Nilalatagan namin ng kumot ang ibabaw ng kulambo. Kapag madaling araw kasi, namumutakti sa hamog ang aming bubong na gawa sa yero. Wala kaming kisame. Panangga sa lamig at mga nalalaglag na butil ng hamog ang nakalatag na kumot.

Sa isang kuwarto natutulog ang aking ate na noo’y nasa haiskul. Sa kabilang kuwarto naman ang aking kuya kasama ng mga pinsan naming nakikituloy sa amin.

Early ’90s. Milagros, Masbate

Ito ang eksenang karainwang kinagigisnan ko: Mga bandang alas kuwatro, gigising si Mama para magdasal. Nakaupo lang siya sa banig, sa loob ng kulambo. Hawak-hawak niya ang rosaryo, nakapikit at bumubulong nang kung anu-anong hindi ko maunawaan.

Maya-maya’y gigising na rin si Papa. Lagi naming hinihintay ni Jude ang paggising ni Papa. Araw-araw kasi siyang nagma-magic para sa amin. Bago kami matulog sa gabi, ipinapakita ni Papa sa amin ni Jude ang isang lata ng biskwit. Bubuksan niya ito para matiyak naming wala itong laman. Sasabihin niya:
“Matulog na kayo para bukas magma-magic ako na magkaroon ‘yan ng laman.”

Kaya pagkagising, nakapalibot agad kami ni Jude kay Papa. Yakap-yakap ni Jude si Papa sa leeg; kinukuyog ko naman ang hita ni Papa.

Sumisigaw kami ni Jude ng “Magic na, Pa! Magic na, Pa!”

Hindi makapagsalita si Papa, ngiting ngiti, habang mahigpit na kinakanlong ang lata ng biskwit. Nakangiti ring nanonood si Mama.

Dilat na dilat ang nakaabang na mga mata namin ni Jude habang bumubulong ng “Ayan na .…”

At dahan-dahan, bubuksan ni Papa ang lata. Lalagutok ang takip nito. Mapapakurap kami ni Jude dahil sa bahagyang gulat, pero didilat din agad para tingnan ang laman ng lata. Bubulaga sa amin ang mga biskwit na nasa loob… maraming biskwit na ipinagtataka namin ni Jude kung saan nanggaling.

Hindi ko mabilang kung ilang beses nang nag-magic sa amin si Papa. Pero, di tulad ng mga magic tricks ngayon na nalalaos agad kapag pinerform sa audience, ang magic ni Papa ay hindi nalaos sa amin ni Jude. Lalo na sa akin.

Kahit nasa edad na ako ng pagsasarili, marami pa ring pagkakataong umasa ako sa magic ni Papa: emosyonal, pinansyal, moral. Mga magic na hindi ko magagawa sa aking sarili. O kung magagawa ko ma’y nangangailangan ng katangiang tulad ng kay Papa.

IMG_6342

Jan 2013. Masbate City.

Babád

Hinanap kita
sa nakasisilaw na kalangitan sa umaga;
sa bunton ng mga bituin tuwing gabi.
Nauhaw akong muling dampian
ng patak-patak mong halik
sa aking uhay, dahon, at binti.
Nagpigtas na ako ng balat,
upang sumingaw ang init.
Naghulog na ako ng butil,
upang walang kaagaw sa hamog.
Ngayo’y bumalik ka
nang walang pasintabi.
Sa buhos-buhos mong yakap
at nananakal na dilig,
nagtampisaw ako sa sabik.

Ang Ligaw na Bonsai ni Mama

Three years old ako nang ampunin ako ni Lola na nakatira malayo sa amin. Retiradong titser sa Grade 1 si Lola. Lagi niya akong pinapasulat at pinapadrowing. May kaibigan siyang titser na laging pumupunta sa amin, sabi ng titser na ito, “Mare, isasali ko ito si Neil sa poster-making contest.” Mahusay raw kasi akong magdrowing ng tao, bahay, kalabaw, bundok….

Bata pa ako, nakapinta na sa utak ko ang landas na aking tatahakin. Kapag tinatanong ako ng ibang tao, “Ano ang gusto mo paglaki mo?” madalas kong isinasagot, nang may buong pagmamalaki, “Architect!”

Iba naman ang pangarap ni Mama sa akin. Magiging pari raw ako. Ang laging sinasabi ni Mama, “Kapag may anak akong naihandog ko sa Diyos, wala na akong mahihiling pa.”

Nagkaroon ako ng sangandaan ng mga pangarap: sa isang direksiyon ay nakikinita ko si Lola, nakangiti, may hawak na T-square at technical pen, sa kabilang direksiyon naman ay si Mama, nakangiti rin, may hawak na sotana.

Isinoli ako ni Lola sa amin para mag-aral sa Grade 1. Ang impresyon sa akin ng aking mga titser ay mabait, masipag, matalino, magalang, at masunurin. Lahat ay pawang positibo. Magiging architect o pari kasi ako, ang madalas kong paalala sa aking sarili.

Nasa highschool ako nang makahiligan ko ang bonsai. Hinanapan ako ni Mama ng libro tungkol sa pagbo-bonsai. Ibinili niya ako ng mga paso, wire, pliers, at gunting na gamit sa naturang hobby. Natutuhan ko ang dalawang pangunahing mithiin sa pagbobonsai: una, itinatanim ang halaman o puno sa paso para hindi ito lumaki at, ikalawa, ikaw ang magdedesisyon kung ano ang magiging hugis nito. Kapag weekend, namumundok kaming magkakapatid para maghanap ng mga halaman at punong gagawing bonsai. Madalas na sumasama si Mama. Hindi niya alintana ang matarik na daan, ang matatalim na talahib, at matinding sikat ng araw.

Sa bawat bonsai na aking nagagawa, lagi kong nababasa sa mga ngiti ni Mama, habang nakatitig sa aking munting obra, na magiging architect nga ako, gaya ng pangarap ni Lola. Kaya lumuwas ako patungong Maynila at nag-enroll ng Landscape Architecture.

Pero hindi ganito kadali ang lahat. Kapag nahiwalay ka pala sa pamilya mo, saka mo lubusang makikilala ang iyong sarili, ang iyong mga sariling pangarap.

Sa buong panahong nasa kolehiyo ako, isinekreto ko ang lahat tungkol sa aking pag-aaral, lalung lalo na ang pag-shift ko sa Creative Writing. Binigyan ako nina Mama at Papa ng kondisyon na dapat ay hanggang 6 years lang ako sa UP (bilang Architecture student, gaya ng inaakala nila) dahil magastos mag-aral lalo na’t parehong sa gobyerno lang sila nagtatrabaho. Noong April 2009, dalawang linggo bago ako magmartsa, umuwi ako sa amin dala ang aking thesis, ilang sertipiko sa pagdalo sa writing workshop at pagkapanalo sa writing contest, at imbitasyon para sa aming graduation. Nang sinabi ko kay Mama, sa unang pagkakataon, na lumihis ako ng landas – landas na ibang iba sa pangarap nila ni Lola, ngumiti siya, maluha-luha. At gaya ng mga titig niya sa akin noon kapag may likha akong bagong bonsai, nabasa kong muli sa kanyang mga mata ang walang pag-aalinlangang saya, pagtanggap, at pagmamalaki sa akin bilang kanyang anak.