Walang Mantsa

Payday. Bago umalis sa bahay para pumasok sa opisina, tsinek ko ang aking ATM card sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack. Present. Kinapa ko na rin ang dalawa kong credit card. Yung isa, present. Yung isa, wala. Kumabog ang aking dibdib. May ilang libong credit balance pa ang card na yun, bigla kong kuwenta, kasabay ng pangitaing sina-swipe ng kung sinumang walang budhi ang aking card sa loob ng isang department store. At nang pagtagni-tagniin ko ang aking alaala ay nabuo sa isip na nasa kaliwang harapang bulsa ng pantalong maong na ipina-laundry ko kahapon ang aking credit card. At ang walang budhing nagsa-swipe sa department store ay nagkaroon ng mukha: ang lalaking tumanggap, tumimbang, at nag-isyu ng resibo ng aking mga labahing damit kahapon.

Nagmamadali ang aking mga hakbang papunta sa laundry shop. Pinapraktis ko ang aking sasabihin. Kalma lang dapat. Sabihing naiwan ko ang aking ATM card. Hindi credit card, kasi baka pag-interesan at hindi ibigay. At pag hindi nilabas, plan B, sasabihing may kilala akong lawyer, na kahit gaano pa sila kagaling magtanggal ng mantsa sa aking mga damit, ay kaya kong ipasara ang kanilang maliit na laundry shop.

“Sorry, we’re closed,” bungad sa akin ng sign sa labas. Ngunit may siwang ang bakal na sliding door, at naisilip ko ang lalaking tumanggap ng aking mga labahin. Kumatok ako, at mabilis naman siyang nagbukas ng pinto.

“Nalabhan mo na ba yung mga damit ko?” bungad ko sa kanya. “May naiwan kasi ako sa bulsa ng pantalon.”

“Ay, opo, meron nga po” nakangiti niyang sagot bago mabilis na humarap sa istante, “Yung ATM card.”

Nang iabot niya sa akin ang aking credit card, saka pa lang ako nkahinga nang maluwag.

Nagpasalamat ako at saka umalis. Mali-late na ako sa trabaho sabi ng aking relo. Inilagay ko sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack ang credit card. Pati ang resibong hawak-hawak ko, na ibibigay ko sana sa lalaki kanina bilang pruweba na ako ang may-ari ng labahan, ngunit nakalimutan kong gawin, at hindi rin niya inusisa pa.

Isang Endangered na Pinoy

Papasok na ako sa trabaho nang hindi ko mahagilap sa bahay ang aking wallet. Hinalughog ko ang bahay pero wala pa rin. Hindi ko inisip na nawala iyon dahil dalawang buwan pa lang ang nakararaan ay nadukutan din ako ng wallet. Ayokong isiping, sa ikalawang pagkakataon ,ay naging tanga ako.

Ipinagpaliban ko ang paghahanap. Siguro dahil kampante akong walang malaking perang laman ang aking wallet. Ang tanging naroon ay ilang barya, mga inipit na payslip, kung anu-anong resibo, at ATM card na hindi aabot sa P50 ang laman. Kung mawala man siya, sabi ko, magre-renew na lang ako ng ATM card sa bangko.

Kinagabihan, nang magbukas ako ng Facebook, nakatanggap ako ng message mula sa isang nagngangalang Ronalyn. Nasa kanya daw ang wallet ko. Nagpalitan kami ng number.

Nang magkita kami, ipinaliwanag niyang napulot niya sa Road 20 ang aking wallet. Sabi ko, baka nahulog ko pagbaba sa dyip. Sinabi niyang wala akong contact info sa wallet kaya hinanap na lang niya ang pangalan ko sa Facebook.

“Buti’t merong Facebook-Facebook na ganyan,” sabi ng nanay niya.

“Kung iba ang nakapulot nito,” sabi ko, “baka tinapon na ‘to sa basurahan.”

Nagpasalamat ako at umuwi.

Kumpleto pa rin ang laman ng aking wallet – ang mga barya, payslip, resibo, at ATM card. Habang pauwi, dalawang aral ang tumatak sa isip ko.

Una, huwag tatanga-tanga.

Ikalawa, sa panahon ngayon, may mga natitira pang Pilipino na totoong mapagkakatiwalaan.