Kayamanan

Ang di ko malilimutang payo ni Papa ay ‘yung maging madiskarte raw kaming magkakapatid sa buhay. Sa ganung pamumuhay nya rin kami pinalaki. Dahil from rag-to-riches, ‘ika nga, ang kanyang kuwento, ipinalasap din niya sa amin ang sarap ng isang tagumpay na ang ipinuhunan ay pagtitiis, pagpapakumbaba, at pananalig.

Maraming bawal sa amin noong mga bata pa kaming magkakapatid. Halimbawa, bawal bumili ng bagong damit kung meron namang maisusuot pa. Hindi lang daw niya maintindihan kung bakit kailangang bumili ng bago. Huwag na rin daw bumili ng laruan, nasisira lang naman daw kasi ‘yan. Pwede namang mag-siyato o magpa-derby ng gagambang bukid, libre pa. At sa cell phone, wag na raw bumili ng mamahalin. Ang importante’y makapag-text at makatawag.

Lumaki akong naiinis kay Papa. Pakiramdam ko kasi’y deprived ako sa napakaraming bagay. At ang ugat noon lahat, sa tingin ko, ay ang kanyang sobra-sobra at inconsiderate na pagtitipid. May mga pagkakataong gusto kong sabihin sa kanya na huwag niya kaming ilagay sa sitwasyon niya noon—isang self-supporting, nag-aaral sa umaga at nangingisda sa gabi, nagde-deliver ng isda sa palengke, nag-aararo kapag walang pasok. Gusto kong sabihin noon sa kanya na prinsipal na siya, at kami’y mga anak ng propesyunal na government employee.

Nasubok ko ang karakter ni Papa ‘nung ipetisyon niya ang isang grupo ng mga minerong naghuhukay sa lupang nasa tapat ng paaralang pinapasukan niya. Ang bali-balita’y may nakabaon daw na Yamashita treasure sa kailaliman ng mga lumang gusali ng paaralan. Naging kuta raw kasi ng mga Hapones ang paaralang iyon. Nangamba si Papa dahil, ayon sa tsismisan, naghuhukay ang mga minero ng tunnel papunta sa ilalim ng paaralan, sa ilalim ng school ground kung saan naglalaro ang mga mag-aaral.

Nais ng pinuno ng mga minero na makipag-areglo kay Papa. At gaya ng pagtanggi ni Papa sa mga naunang pakikipag-areglo ng kung sino-sinong mayayaman at maimpluwensiya sa aming bayan, pinanindigan ni Papa ang kanyang prinsipyo.

Kontra-demanda ang naging last resort ng mga nakabangga ni Papa. Kumbaga kung di makuha sa santong dasalan ay idaan sa santong paspasan. Ang mga minero, kasama ng kanilang mga pamilya, ay nagsagawa ng rali sa tapat ng paaralan at nagpiyesta ang mga placard at streamer ng pagpapatalsik kay Papa. Kesyo inuwi raw ni Papa ang mga tabla sa paaralan para gawing dingding ng aming bahay. May araw din na tinira si Papa ng isang maimpluwensyang media man sa probinsiya sa kolum nito. Ang sarap daw ni Papa ilagay sa bote ng Coke at saka pagulung-gulungin.

Iyon ang unang pagkakataong nasaksihan ko ang kasakiman ng ibang tao para lang makuha ang pansarili nilang hangarin. Galit na galit ako sa kanila. Gusto kong imudmod ang mukha nila sa butas-butas naming bubong para makita nilang wala kaming yaman para magpatayo ng palasyo, na ilang kamag-anak ang kinukupkop at pinapaaral nina Papa at Mama sa bahay para lang makatulong.

Hindi ko na maalala ang mga detalye ng kinahinatnan ng kaso, pero kinailangang lisanin ni Papa ang paaralan noong mapromote siya bilang bisor at nadestino sa ibang lugar. Kasabay din iyon ng pagluwas ko papuntang Maynila para magkolehiyo. Naranasan ko ang pagtitipid na hindi ko nagawa sa tanang buhay ko—yung mag-ulam ng noodles, magbaon ng pandesal bilang pananghalian sa klase, magpahaba ng buhok para lang walang gastos sa pagpapagupit, lakarin mula Quezon Ave. papuntang UP kesa naman mag-1-2-3. Ni hindi ko rin naranasang mag-Starbucks sa ilan taon kong pagiging college student. Pero ininda ko ‘yun lahat. Wala ‘yun sa pinagdaanan ng tatay ko.

‘Nung matanggap ako sa unang una kong trabaho, ang una kong pinagsabihan ay si Papa. Birthday nya ‘nun, tinext ko siya. Sabi nya, ‘yun na raw ang regalo ko sa kanya. At nang umuwi ako sa probinsiya, nagpalitson siya. Para raw iyon sa akin, bulong ni Mama.

Siyempre masarap pa ring gawin ang nakagawian. Kapag dinadalaw ako rito ni Papa sa Maynila, pinagbibigyan ko ang kanyang luho, ang kanyang diskarte para makatipid. Magkasama kaming kumakain sa karinderya, nakikipagtawaran sa mga tindera sa Baclaran at Divisoria, at naglalakad sa syudad nang walang kapaguran.

Sunong

Mula sa loob ng aircon na bus na sandaling pumarada at nagbaba ng pasahero sa EDSA, natanaw ko ang Balintawak Market. Maraming tao. Umuulan kaya’t maputik ang kanilang mga paa. Nilalangaw ang isang puwesto ng mga isda. Naninilaw ang puting sando ng mga matadero dahil sa malamlam na sinag ng bombilya. Maitim ang burak na dumadaloy mula sa nilalampasong sahig ng pamilihan patungo sa kalsada — sa silong ng bus na aking sinasakyan.

Napasinghap ako sa langsang nagkandarapang sumuot sa bukas na pinto ng bus. Sinalubong nito ng halik ang pasaherong bumaba, kapagdaka’y isa-isa ring nakipagniig sa aming mga pasaherong naiwan. At muli kong nasamyo ang amoy ng aming mangingisdang kapitbahay sa probinsiya kapag galing siya sa laot, o ang mga pinatutuyong isdang kinukuyog ng langaw matapos makalimutang hanguin ng batang nakalimot at nahumaling sa chinese garter habang bumubuhos ang ulan.

Naalala ko si Papa. Maraming beses na rin kaming napagawi sa lugar na ito. Madalas siyang magpasama sa akin para mamili ng mga gamit na iuuwi niya sa Masbate. Minsan, nang mapadaan kami sa mismong lugar na ito, nabanggit niya, “Noong nagmamasteral ako, lagi akong pinagdadala ng lola mo ng tuyo galing probinsiya. Ibenta ko raw. Dito ako noon nagde-deliver sa Balintawak.”

May himig ng pait ang bawat pangungusap ni Papa sa tuwing nagkukuwento siya tungkol sa kaniyang kabataan. Para siyang batang hindi binilhan ng laruan ng kaniyang magulang, at ngayo’y nagsusumbong sa isang galanteng ninong. At tulad ng basang pisngi ng EDSA, nangislap sa nagbabantang luha ang kaniyang balintataw. Kundi nga lang niya pinapalitan ng ngiti. Busilak na ngiti.

Minsan, noong bata pa ako, nakausap ko ang isa sa mga naging guro ni Papa. Noon ko lang siya nakausap, pero kung ituring ako’y parang kaniyang apo. Hinalikan ako sa pisngi, niyakap, at mahigpit na niyapos ang aking kamay (o marahil iyon ay isang eksaheradong pakikipagkamay). Sabik na sabik siyang nagkuwento: “Yang papa mo, ang sipag-sipag niyan. Umaabsent yan noon para lang maglako ng mga kakanin. Nililibot niya ang baryo, sunong-sunong ang bilao. Minsan naman ay lumiliban para mag-araro….” Pag ganito na ang usapan, laging kinukurot ang puso ko. Hinahagilap agad ng mga mata ko si Papa. Minsa’y nagta-type siya sa kaniyang computer. Paperworks yata na inuwi niya sa bahay. Minsa’y nagpapabunot ng uban sa mga bata naming kapitbahay. Dalawampu’t limang sentimo raw ang bayad sa kanila sa bawat puting hiblang madadagit ng tyani. Pambaon sa pagpasok sa eskwela kinabukasan.

Sumara ang pinto ng bus. Inis na inis ang mga pasahero sa nakulong na langsa. Pero walang magawa. Lahat ay kailangang suminghot. Ako man ay naparami ng singhot. Nakangiti akong suminga sa panyo at saka sumandal sa malambot na headrest ng upuan ng bus.

Ang Ama

Tatlong taong gulang ako nang sunduin ako ni Lola sa Cayabon para raw may kasama sila ni Lolo sa kanilang bahay. Hindi ko alam kung bakit pumayag sina Papa at Mama. Apat na oras kaming naglakbay ni Lola sakay ng motor sa dagat. Sa gitna ng laot, parang walang hangganan ang tubig. Hindi rin maaninag ang tiyan ng dagat. Sa napakaraming pagkakataong nasa gitna ako ng laot, na nangyayari kapag isinasama ako ni Lola papunta sa kabisera o tuwing dumadalaw kami sa Cayabon, ang tanging nagpapaalala sa akin na ang mundo ay hindi lamang binubuo ng tubig-dagat at kalangitan ay ang paniniwala kong balang araw babalik din ako sa amin at panghabangbuhay na makakasama sina Papa, Mama, at aking mga kapatid.

Tahamik at mahiyain ako noon sa Panguiranan, ang baryo nina Lola. Ang tangi kong kaibigan ay ang kapitbahay naming si Ernie. Lagi niya akong sinasamahan sa tabing-dagat kapag nagpapalutang ako ng laruang bangka. Kabisado ko ang wikang Ilonggo na ginagamit sa baryo pero pinili kong magmukmok sa bahay. Nagdrowing ako nang nagdrowing. Nagbasa nang nagbasa. Hanggang sa maging kaibigan ko ang mga krayola at salita. Ipinakita nila sa akin ang iba pang mundo bukod sa pag-iisa at pangungulila.

Ngunit nagsawa rin ako sa ilusyon. Nangyari ito noong dumalaw kami ni Lola sa Cayabon. Akala nila’y pangkaraniwang dalaw lang iyon. Hindi pala. Ang kuwento sa akin ni Mama kapag pinag-uusapan namin ang bagay na ito, noong dumating daw kami ni Lola sa bahay, niyakap ko agad si Papa. At hindi na ako bumitaw. Hindi na. Si Lola ay bumalik sa Panguiranan na mag-isa.

Kapag naririnig ko ang salitang “kabataan,” ang unang pumapasok sa isip ko ay ang mga panahong isinasama ako ni Papa sa kanyang trabaho. Nakadestino siya noon sa Bangad, isang baryong nakakubli sa kabundukan ng Masbate. Prinsipal siya noon sa elementarya, at dahil umaabot nang dalawang oras ang maalikabok na biyahe papunta sa eskwelahang iyon, napilitan si Papa na matulog sa kanyang opisina at hintaying matapos ang linggo para makauwi sa Cayabon. Sa opisina kung saan siya pumipirma ng mga dokumento at tumatanggap ng mga panauhin sa araw ay doon din siya nagluluto, naliligo, at kumakain pagkatapos ng trabaho.

May folding bed siya sa opisina. Kapag kasama niya ako, ako ang pinahihiga niya sa folding bed habang siya naman ay sa banig na nakalatag sa sahig.

Kapag humihilik na si Papa, pinakikiramdaman ko ang paligid. Pinanonood ko ang baga ng katol at ang kurtinang ipinaghehele ng amihan.

At matutulog akong nakangiti.●

Yaya

Alam kong hindi mo ‘to mababasa dahil hindi ka naman marunong bumasa. Pero sinulat ko pa rin. Makulit talaga akong alaga. Pagbigyan mo na ako.

Nariyan ka na nang mamulat ako sa mundo. Ikaw daw kasi ang nag-alaga sa aming magkakapatid mula panaganay hanggang bunso. Hindi ko alam kung bakit napalapit ako sa ‘yo. Sa totoo lang, nakakatakot ang anyo mo. Biro nga ng aming mga kapitbahay, aswang ka raw. Bungal-bungal kasi ang mga ngipin mo. At naninilaw ang iyong mga mata. Siyempre, hindi ako naniwala na aswang ka. Kapag naglalaba ka noon sa batis, lagi akong sumasama. (Noong natuto na kaming maglakad, naging pang-all around ka na—tagalaba, tagaluto, taglinis, tagaplantsa.) Nanghuhuli ako ng kupô habang abala ka sa paglalaba. Naiinis ka kapag binibungkal ko ang mga bato sa pampang at nagkukulay-putik ang tubig.

Noong isinugod ako sa ospital dahil sa bronchopneumonia, ikaw ang karamay ni Mama. Nang umiyak siya, umiyak ka rin. Akala raw nila, mamamatay na ako. Siguro, hindi ako namatay dahil dalawang nanay ang umiyak para lang mabuhay ako.

Nang matuto akong magsalita, tinawag kitang “Mamay.” Sa ating wika, katumbas iyan ng “Inay.” Hindi naman siguro nagselos si Mama nang ituring kitang ikalawang ina.

Lumaki akong katabi ka. Nung nagkaedad ka na, ipinaubaya na ni Mama sa aming katulong ang mga gawaing dati mong ginagawa. Dapat kasi’y nagpapahinga ka na. Hindi na mawala-wala ang ubo mo. Tapos lagi ka pang naninigarilyo. At umiinom ka rin! Ewan ko ba. Kung kelan ka tumanda, saka ka naman naging makulit. Lagi mong idinadahilan na ‘yan ang nagpapalakas ng katawan mo kahit panay ang paliwanag ko sa ‘yo ng epekto ng nikotina at alkohol sa katawan.

Apat na araw noon bago mag-Bagong Taon, bumigay ang katawan mo. Nag-aaral ako noon dito sa Maynila. Hindi ako nakauwi. Alam mo naman ang buhay estudyante, minsa’y may pera, minsa’y wala. Nagkataon na noong panahong iyon, wala talaga.

Alam mo, marami akong guilt sa buhay na hanggang ngayon ay kinikimkim ko. Isa na rito ay ang pakiramdam na hindi ko nasuklian ang mga kabutihan mo sa akin. Kung maaga lang sana akong nakapagtapos, baka marami na akong pera noong mga panahong naratay ka. Naipagamot sana kita. Di sana’y napagaan ko ang mga paghihirap mo. Di sana’y nasubukan ko ring iligtas ka mula sa kamatayan gaya noong iligtas mo ako.

Sorry, Mamay.

Tren

Mula PhilAm Life, sumakay kami ni Mama sa LRT papuntang Baclaran.

Siksikan sa tren. Hindi ko maigalaw ang aking mga paa dahil siguradong may maaapakan ako. Humawak ako sa overhead railing habang nakayapos naman si Mama sa aking braso.

“Alam mo,” kuwento ni Mama, “noong bata ka pa, pumunta tayong tatlo ng papa mo dito sa Maynila. First time mo rito.”

“Ilang taon ako nun?” tanong ko.

“Five… six yata,” sabi niya. “Nasa Monumento tayo nun. Papunta tayong Cubao. Isang sakay lang yun sa bus, ha? Galing Monumento. Ikaw naman, pinilit mo kami ng papa mo na sumakay sa LRT. ‘Doon tayo sa dumadaan sa langit,’ sabi mo habang nginunguso’t tinuturo ang LRT, ‘doon tayo sa dumadaan sa langit.’ Sabi namin, hindi, kasi mapapalayo tayo. Iikutin natin ang Maynila para lang makarating sa Cubao. Eh ayaw mong makinig. Umatungal ka ng iyak. ‘Doon nga sa langit,’ sabi mo. Ano pa nga ba’ang magagawa namin ng papa mo? Eh di sumakay tayo sa LRT. Monumento hanggang Baclaran din yun. Nainis na ang papa mo. Pero wala kaming magawa. Ang ginawa mo pa, Dios mio, hindi pa man tayo nakakababa ng LRT, natulog ka na. Eh di pasan-pasan ka ng papa mo nang bumaba kami sa Baclaran. ‘Tingnan mo ang batang ‘to,’ sabi ng papa mo, ‘pinilit tayong sumakay dito sa dumadaan sa langit tapos biglang matutulog.”

Entring Pang-Father’s Day

Kailanman, hindi ako naging expressive na sabihin sa tatay ko ang mga katagang “I love you.” Naiintindihan ko ang sarili ko kung bakit.

Dalawang taon akong inampon ni Lola. Hindi pa ako nag-aaral noon. Pabor ito sa aking mga magulang na noo’y parehong abala sa pagtatrabaho bilang titser – si Papa sa elementarya at si Mama naman sa isang technical school. Malayo ang bahay ni Lola. Halos magkabilang dulo ng Masbate ang kanilang bayan at ang aming bayan. Ang pinakamabilis na biyahe ay sa pamamagitan ng bangkang de motor. Kapag isinasama ako ni Lola sa pagpasyal kina Papa at Mama, apat na oras kaming naglalakbay sa laot. Pagkadaong sa piyer, sasakay pa kami ng traysikel para marating ang aming bahay. Biyahilo ako noon pero tiniis kong lahat para lang makita ko ang aking mga magulang at mga kapatid.
Ayon kay Mama, kapag dumarating daw kami ni Lola sa bahay, si Papa raw ang una kong hinahanap. Tahimik akong kumakalong ako sa kanya. Matagal bago ako bumibitaw sa pagkakayakap sa kanya kapag pauwi pa kami ni Lola. Hahabulin pa kasi namin ang huling biyahe ng bangka.

Mabait si Lola sa akin. Gusto niya akong pag-aralin. Marahil dahil ang mga anak niya ay may mga pamilya na at wala na sa tabi niya. Retiradong titser siya kaya lagi niya akong tinutyutor sa pagbasa, pagsulat, at pagbilang. Lagi rin niya akong binibilhan ng lapis, papel, at krayola. Tuwang tuwa ako habang nagdodrowing. Pero kapag gabi na, kapag nakahiga ako para matulog, madalas kong hinahanap-hanap sina Papa at Mama at aking mga kapatid na katabi ko sa pagtulog.

Magpipitong taong gulang ako nang gawin ko ang isang bagay na gawain lang ng mga batang pasaway at matigas ang ulo. Minsang dumalaw kami ni Lola sa aming bahay, hindi ako bumitaw sa pagkakayakap kay Papa. Pilit daw akong niyayaya ni Lola para umuwi pero hindi raw ako bumitaw. Naluluhang natatawa raw si Mama. Walang nagawa si Lola.

Noong mga sandaling iyon, tigin ko, lahat ng “I love you” sa mundo ay tinipon ko at pinaghugutan ko ng lakas ng loob para iyakap kay Papa nang buong higpit.

Dugong Colorless

1995.

Buhat sa Maynila, nag-uwi si Papa ng bagong bike na BMX. Iyon ang una naming sasakyan.

Nagbiro si Mama tungkol kay Papa, “Sa wakas, makakapag-drive na rin ng totoong sasakyan ang Papa ninyo.” Lumaki raw kasi sa bukid si Papa. Araw-araw na nakasakay sa kalabaw.

Doon ko unang nalaman na hindi marunong mag-bike si Papa. Noong araw ding iyon ng kanyang pagdating, si Papa na isang prinsipal na namamahala ng dalawampung titser at nakapagturo sa daan-daang estudyante, ay sumampa sa bike at nag-aral magmaneho.

Bago magdilim, ilang beses na sumadsad sa lupa at batuhan ang tuhod at siko ni Papa. Bumaluktot din ang upuan ng bike.

Kapag nasa opisina si Papa, solong solo namin ni Kuya ang bike. Si Kuya ang nagmamaneho. Nakaangkas naman ako, yakap-yakap ang kanyang likod. Grade 5 siya noon; Grade 3 ako.

Tuwang tuwa ako kapag nauunahan namin ang mga kaklase kong naglalakad sa higway papunta sa eskwela at pauwi sa kanilang bahay.

Kahit marunong na akong mag-bike nung mga panahong iyon, ayaw ni Mama na humahawak ako ng manibela lalo na kapag nasa highway.

Kapag abala si Kuya sa paghahanap ng gagamba o pamimingwit sa ilog kasama ng kanyang mga kaibigan, solong solo ko ang bike. Ipinupuslit ko ito lingid sa kaalaman ni Mama. Nakikipaghabulan ako sa mga dambuhalang trak sa highway.

Nang makaranas ng El Niño ang Pilipinas, pinakabitan ni Papa ng sidecar ang aming bike para magamit sa pag-igib. Tuyong tuyo noon ang mga balon at poso na malapit sa aming bahay. Bumili si Papa ng maraming balde at container (patapong lalagyan ng mantika) para paglagyan ng tubig na ikakarga sa sidecar. Nagpatulong kami sa malalaki naming pinsan sa pag-igib. Malayo ang balon sa amin. Halos isang kilometro. Tatahak muna sa highway tapos liliko sa maputik na daan sa gitna ng mga palayan.

Ang aking mga pinsan ang nagtitimba at nagkakarga. Si Kuya ang nagmamaneho. Nakasakay naman kami ni Jude (bunso kong kapatid) sa sidecar; hinahawakan namin ang mga balde para hindi matapon. Kapag matarik ang daan, bumababa kami ni Jude para itulak ang sidecar.

Minsang wala ang aming mga pinsan, nag-igib kaming tatlo nina Kuya at Jude. Ako ang nagtimba. Si Kuya ang nagkarga at nagmaneho. Sumakay ulit kami ni Jude para hawakan ang mga balde. Nang mapagawi kami sa paakyat na daan, ako na lang ang nagtulak para mahawakan ni Jude ang mga balde.

Nasa highway na kami nang mawalan ng kontrol si Kuya sa manibela. Hindi ko na maalala kung may iniwasan siyang trak, o hindi kumagat ang preno. Basta’t nagising na lang akong umiiyak habang nakadapa sa kanal. Tumilapon si Kuya sa malayo, namumutla. Basang basa ako ng tubig na nabuhos mula sa mga balde. Nasa aking tabi si Jude. Hindi siya basa pero nakadagan sa kanya ang mga container ng tubig, at ang buong bike at sidecar na nakataob sa kanyang likod. Wala siyang malay.

Mabilis na naghilom ang mga galos namin ni Kuya, pero natagalan bago gumaling ang pilay ni Jude sa likod.