Kayamanan

Ang di ko malilimutang payo ni Papa ay ‘yung maging madiskarte raw kaming magkakapatid sa buhay. Sa ganung pamumuhay nya rin kami pinalaki. Dahil from rag-to-riches, ‘ika nga, ang kanyang kuwento, ipinalasap din niya sa amin ang sarap ng isang tagumpay na ang ipinuhunan ay pagtitiis, pagpapakumbaba, at pananalig.

Maraming bawal sa amin noong mga bata pa kaming magkakapatid. Halimbawa, bawal bumili ng bagong damit kung meron namang maisusuot pa. Hindi lang daw niya maintindihan kung bakit kailangang bumili ng bago. Huwag na rin daw bumili ng laruan, nasisira lang naman daw kasi ‘yan. Pwede namang mag-siyato o magpa-derby ng gagambang bukid, libre pa. At sa cell phone, wag na raw bumili ng mamahalin. Ang importante’y makapag-text at makatawag.

Lumaki akong naiinis kay Papa. Pakiramdam ko kasi’y deprived ako sa napakaraming bagay. At ang ugat noon lahat, sa tingin ko, ay ang kanyang sobra-sobra at inconsiderate na pagtitipid. May mga pagkakataong gusto kong sabihin sa kanya na huwag niya kaming ilagay sa sitwasyon niya noon—isang self-supporting, nag-aaral sa umaga at nangingisda sa gabi, nagde-deliver ng isda sa palengke, nag-aararo kapag walang pasok. Gusto kong sabihin noon sa kanya na prinsipal na siya, at kami’y mga anak ng propesyunal na government employee.

Nasubok ko ang karakter ni Papa ‘nung ipetisyon niya ang isang grupo ng mga minerong naghuhukay sa lupang nasa tapat ng paaralang pinapasukan niya. Ang bali-balita’y may nakabaon daw na Yamashita treasure sa kailaliman ng mga lumang gusali ng paaralan. Naging kuta raw kasi ng mga Hapones ang paaralang iyon. Nangamba si Papa dahil, ayon sa tsismisan, naghuhukay ang mga minero ng tunnel papunta sa ilalim ng paaralan, sa ilalim ng school ground kung saan naglalaro ang mga mag-aaral.

Nais ng pinuno ng mga minero na makipag-areglo kay Papa. At gaya ng pagtanggi ni Papa sa mga naunang pakikipag-areglo ng kung sino-sinong mayayaman at maimpluwensiya sa aming bayan, pinanindigan ni Papa ang kanyang prinsipyo.

Kontra-demanda ang naging last resort ng mga nakabangga ni Papa. Kumbaga kung di makuha sa santong dasalan ay idaan sa santong paspasan. Ang mga minero, kasama ng kanilang mga pamilya, ay nagsagawa ng rali sa tapat ng paaralan at nagpiyesta ang mga placard at streamer ng pagpapatalsik kay Papa. Kesyo inuwi raw ni Papa ang mga tabla sa paaralan para gawing dingding ng aming bahay. May araw din na tinira si Papa ng isang maimpluwensyang media man sa probinsiya sa kolum nito. Ang sarap daw ni Papa ilagay sa bote ng Coke at saka pagulung-gulungin.

Iyon ang unang pagkakataong nasaksihan ko ang kasakiman ng ibang tao para lang makuha ang pansarili nilang hangarin. Galit na galit ako sa kanila. Gusto kong imudmod ang mukha nila sa butas-butas naming bubong para makita nilang wala kaming yaman para magpatayo ng palasyo, na ilang kamag-anak ang kinukupkop at pinapaaral nina Papa at Mama sa bahay para lang makatulong.

Hindi ko na maalala ang mga detalye ng kinahinatnan ng kaso, pero kinailangang lisanin ni Papa ang paaralan noong mapromote siya bilang bisor at nadestino sa ibang lugar. Kasabay din iyon ng pagluwas ko papuntang Maynila para magkolehiyo. Naranasan ko ang pagtitipid na hindi ko nagawa sa tanang buhay ko—yung mag-ulam ng noodles, magbaon ng pandesal bilang pananghalian sa klase, magpahaba ng buhok para lang walang gastos sa pagpapagupit, lakarin mula Quezon Ave. papuntang UP kesa naman mag-1-2-3. Ni hindi ko rin naranasang mag-Starbucks sa ilan taon kong pagiging college student. Pero ininda ko ‘yun lahat. Wala ‘yun sa pinagdaanan ng tatay ko.

‘Nung matanggap ako sa unang una kong trabaho, ang una kong pinagsabihan ay si Papa. Birthday nya ‘nun, tinext ko siya. Sabi nya, ‘yun na raw ang regalo ko sa kanya. At nang umuwi ako sa probinsiya, nagpalitson siya. Para raw iyon sa akin, bulong ni Mama.

Siyempre masarap pa ring gawin ang nakagawian. Kapag dinadalaw ako rito ni Papa sa Maynila, pinagbibigyan ko ang kanyang luho, ang kanyang diskarte para makatipid. Magkasama kaming kumakain sa karinderya, nakikipagtawaran sa mga tindera sa Baclaran at Divisoria, at naglalakad sa syudad nang walang kapaguran.

Advertisements

Walang Mantsa

Payday. Bago umalis sa bahay para pumasok sa opisina, tsinek ko ang aking ATM card sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack. Present. Kinapa ko na rin ang dalawa kong credit card. Yung isa, present. Yung isa, wala. Kumabog ang aking dibdib. May ilang libong credit balance pa ang card na yun, bigla kong kuwenta, kasabay ng pangitaing sina-swipe ng kung sinumang walang budhi ang aking card sa loob ng isang department store. At nang pagtagni-tagniin ko ang aking alaala ay nabuo sa isip na nasa kaliwang harapang bulsa ng pantalong maong na ipina-laundry ko kahapon ang aking credit card. At ang walang budhing nagsa-swipe sa department store ay nagkaroon ng mukha: ang lalaking tumanggap, tumimbang, at nag-isyu ng resibo ng aking mga labahing damit kahapon.

Nagmamadali ang aking mga hakbang papunta sa laundry shop. Pinapraktis ko ang aking sasabihin. Kalma lang dapat. Sabihing naiwan ko ang aking ATM card. Hindi credit card, kasi baka pag-interesan at hindi ibigay. At pag hindi nilabas, plan B, sasabihing may kilala akong lawyer, na kahit gaano pa sila kagaling magtanggal ng mantsa sa aking mga damit, ay kaya kong ipasara ang kanilang maliit na laundry shop.

“Sorry, we’re closed,” bungad sa akin ng sign sa labas. Ngunit may siwang ang bakal na sliding door, at naisilip ko ang lalaking tumanggap ng aking mga labahin. Kumatok ako, at mabilis naman siyang nagbukas ng pinto.

“Nalabhan mo na ba yung mga damit ko?” bungad ko sa kanya. “May naiwan kasi ako sa bulsa ng pantalon.”

“Ay, opo, meron nga po” nakangiti niyang sagot bago mabilis na humarap sa istante, “Yung ATM card.”

Nang iabot niya sa akin ang aking credit card, saka pa lang ako nkahinga nang maluwag.

Nagpasalamat ako at saka umalis. Mali-late na ako sa trabaho sabi ng aking relo. Inilagay ko sa pinakatagóng bulsa ng aking backpack ang credit card. Pati ang resibong hawak-hawak ko, na ibibigay ko sana sa lalaki kanina bilang pruweba na ako ang may-ari ng labahan, ngunit nakalimutan kong gawin, at hindi rin niya inusisa pa.

Sunong

Mula sa loob ng aircon na bus na sandaling pumarada at nagbaba ng pasahero sa EDSA, natanaw ko ang Balintawak Market. Maraming tao. Umuulan kaya’t maputik ang kanilang mga paa. Nilalangaw ang isang puwesto ng mga isda. Naninilaw ang puting sando ng mga matadero dahil sa malamlam na sinag ng bombilya. Maitim ang burak na dumadaloy mula sa nilalampasong sahig ng pamilihan patungo sa kalsada — sa silong ng bus na aking sinasakyan.

Napasinghap ako sa langsang nagkandarapang sumuot sa bukas na pinto ng bus. Sinalubong nito ng halik ang pasaherong bumaba, kapagdaka’y isa-isa ring nakipagniig sa aming mga pasaherong naiwan. At muli kong nasamyo ang amoy ng aming mangingisdang kapitbahay sa probinsiya kapag galing siya sa laot, o ang mga pinatutuyong isdang kinukuyog ng langaw matapos makalimutang hanguin ng batang nakalimot at nahumaling sa chinese garter habang bumubuhos ang ulan.

Naalala ko si Papa. Maraming beses na rin kaming napagawi sa lugar na ito. Madalas siyang magpasama sa akin para mamili ng mga gamit na iuuwi niya sa Masbate. Minsan, nang mapadaan kami sa mismong lugar na ito, nabanggit niya, “Noong nagmamasteral ako, lagi akong pinagdadala ng lola mo ng tuyo galing probinsiya. Ibenta ko raw. Dito ako noon nagde-deliver sa Balintawak.”

May himig ng pait ang bawat pangungusap ni Papa sa tuwing nagkukuwento siya tungkol sa kaniyang kabataan. Para siyang batang hindi binilhan ng laruan ng kaniyang magulang, at ngayo’y nagsusumbong sa isang galanteng ninong. At tulad ng basang pisngi ng EDSA, nangislap sa nagbabantang luha ang kaniyang balintataw. Kundi nga lang niya pinapalitan ng ngiti. Busilak na ngiti.

Minsan, noong bata pa ako, nakausap ko ang isa sa mga naging guro ni Papa. Noon ko lang siya nakausap, pero kung ituring ako’y parang kaniyang apo. Hinalikan ako sa pisngi, niyakap, at mahigpit na niyapos ang aking kamay (o marahil iyon ay isang eksaheradong pakikipagkamay). Sabik na sabik siyang nagkuwento: “Yang papa mo, ang sipag-sipag niyan. Umaabsent yan noon para lang maglako ng mga kakanin. Nililibot niya ang baryo, sunong-sunong ang bilao. Minsan naman ay lumiliban para mag-araro….” Pag ganito na ang usapan, laging kinukurot ang puso ko. Hinahagilap agad ng mga mata ko si Papa. Minsa’y nagta-type siya sa kaniyang computer. Paperworks yata na inuwi niya sa bahay. Minsa’y nagpapabunot ng uban sa mga bata naming kapitbahay. Dalawampu’t limang sentimo raw ang bayad sa kanila sa bawat puting hiblang madadagit ng tyani. Pambaon sa pagpasok sa eskwela kinabukasan.

Sumara ang pinto ng bus. Inis na inis ang mga pasahero sa nakulong na langsa. Pero walang magawa. Lahat ay kailangang suminghot. Ako man ay naparami ng singhot. Nakangiti akong suminga sa panyo at saka sumandal sa malambot na headrest ng upuan ng bus.

Pelikula

 

Lumaki akong walang TV sa aming bahay. Early 90s ito; ang setting ay isang baryo sa Masbate. Nasa elementarya ako noon at isang beses pa lang akong nakatuntong sa Maynila. Ang mga libangan namin ay maglaro, makinig ng drama sa radyo, at—ang pinakapaborito ko sa lahat—manood ng sine sa bahay ng ilang kababaryo na may bodegang ginawang improvised cinema.

Dalawa lang ang sinehan noon sa amin. Yung isa na may kalayuan sa amin ay ipinundar ng isang dating OFW sa Saudi. Nasa kabila ito ng plasa; tatawid ka pa ng highway. Yung isa naman ay minamanage ni Tya Ruby. Tatlo o apat na bahay lang ang layo nito sa amin kaya madalas na dito kaming magkakapatid at magpipinsan nanonood.

Pinakapatok na mga genre noon ang action (mga tipong Robin Padilla at Steven Segal) at action-comedy (mga tipong Dolphy at Babalu). Paminsan-minsa’y may mga ipinalalabas ding hindi patok pero dahil pinag-uusapan ng mga tao ay napilitan ang tagabaryong takilyero na isalang ang VHS ng mga pelikulang iyon. Kabilang dito ang Titanic, Rizal sa Dapitan, The Flor Contemplacion Story, at iba pa.

Dalawang pelikula lang ang ipinalalabas tuwing gabi. Tatlong piso ang bayad kung isa lang ang panonoorin at limang piso naman kung magdo-double. Alas sais ng hapon nagsisimula ang show.

Mahigpit na censor noon si Mama sa aming magkakapatid. Hindi kami pwedeng manood ng action, lalo na kung si Lito Lapid ang bida, o kung ang kontrabida ay sina George Estregan at Ricky Davao. Hindi rin papasa kay Mama ang may malisyosong title, gaya ng Patikim ng Pinya. Pwede pala kaming manood ng action pero dapat ang bida ay sina Robin Padilla, Fernando Poe Jr, at Eddie Garcia. Pero madalas, comedy ang pinapanood namin. Yun na nga, Babalu, Dolphy, Redford White, Andrew E, at Dennis Padilla.

Kapag pumapasok ako sa sinehan, biglang nagbabago ang mundo ko. Ang baryong nilakhan ko ay naglalaho. Ang samyo ng mga sagingan at huni ng mga kuliglig ay kinakain ng 21-inch na TV set; nilulunod ng malalaking speaker. Nakakalimutan ko ang lahat—assignment, gawaing-bahay, curfew—kapag nagsimula na ang palabas. Hindi ko alintana ang halu-halong amoy ng anghit, halitosis, at utot. Nasanay akong suminghot ng usok ng yosi dahil karamihan sa mga manonood ay nagyoyosi. Halakhakan at palakpakan kapag binabatukan si Willie Revillame o kapag nadadapa si Blakdyak. May sisipol namang binata kapag may ipinapakitang bed scene sina FPJ at Ina Raymundo.

oOo

Kapag writer ka, madalas na tinatanong kung sino ang impluwensiya mo sa pagsusulat. Si Alexander Dumas ba? Si Gabriel Garcia Marquez ba? Si Virginia Woolf ba? Kapag tinatanong ako nang ganito, mas gusto kong sabihing “too many to mention.” At kapag sinabi ko ito, ang tinutukoy ko ay iyong mga nakasama ko habang nakaupo sa isang improvised cinema noong aking kabataan. Sa murang edad, nasaksihan ko kung ano ang pinakamagandang formula para kilitiin, galitin, paiyakin, at palibugin ang audience. Somehow, itinimo rin sa akin ni Mama kung ano ang mga kuwentong pang-GP at ano naman ang pang-adult.

oOo

Sa ngayon, wala nang improvised cinema sa aming baryo. Karamihan sa mga bahay ay may TV na. Matagal nang nagiba ang sinehan ni Tya Ruby nang maratay siya dahil sa sakit sa baga at mamatay bago pa man ako makapagtapos ng haiskul. Afford ko nang manood ngayon sa Trinoma o iMax. May koleksiyon din ang ako ng sangkatutak ng pelikula sa aking apartment.

Alam kong habambuhay na akong bihag ng hiwaga ng pelikula.●

Ang Ama

Tatlong taong gulang ako nang sunduin ako ni Lola sa Cayabon para raw may kasama sila ni Lolo sa kanilang bahay. Hindi ko alam kung bakit pumayag sina Papa at Mama. Apat na oras kaming naglakbay ni Lola sakay ng motor sa dagat. Sa gitna ng laot, parang walang hangganan ang tubig. Hindi rin maaninag ang tiyan ng dagat. Sa napakaraming pagkakataong nasa gitna ako ng laot, na nangyayari kapag isinasama ako ni Lola papunta sa kabisera o tuwing dumadalaw kami sa Cayabon, ang tanging nagpapaalala sa akin na ang mundo ay hindi lamang binubuo ng tubig-dagat at kalangitan ay ang paniniwala kong balang araw babalik din ako sa amin at panghabangbuhay na makakasama sina Papa, Mama, at aking mga kapatid.

Tahamik at mahiyain ako noon sa Panguiranan, ang baryo nina Lola. Ang tangi kong kaibigan ay ang kapitbahay naming si Ernie. Lagi niya akong sinasamahan sa tabing-dagat kapag nagpapalutang ako ng laruang bangka. Kabisado ko ang wikang Ilonggo na ginagamit sa baryo pero pinili kong magmukmok sa bahay. Nagdrowing ako nang nagdrowing. Nagbasa nang nagbasa. Hanggang sa maging kaibigan ko ang mga krayola at salita. Ipinakita nila sa akin ang iba pang mundo bukod sa pag-iisa at pangungulila.

Ngunit nagsawa rin ako sa ilusyon. Nangyari ito noong dumalaw kami ni Lola sa Cayabon. Akala nila’y pangkaraniwang dalaw lang iyon. Hindi pala. Ang kuwento sa akin ni Mama kapag pinag-uusapan namin ang bagay na ito, noong dumating daw kami ni Lola sa bahay, niyakap ko agad si Papa. At hindi na ako bumitaw. Hindi na. Si Lola ay bumalik sa Panguiranan na mag-isa.

Kapag naririnig ko ang salitang “kabataan,” ang unang pumapasok sa isip ko ay ang mga panahong isinasama ako ni Papa sa kanyang trabaho. Nakadestino siya noon sa Bangad, isang baryong nakakubli sa kabundukan ng Masbate. Prinsipal siya noon sa elementarya, at dahil umaabot nang dalawang oras ang maalikabok na biyahe papunta sa eskwelahang iyon, napilitan si Papa na matulog sa kanyang opisina at hintaying matapos ang linggo para makauwi sa Cayabon. Sa opisina kung saan siya pumipirma ng mga dokumento at tumatanggap ng mga panauhin sa araw ay doon din siya nagluluto, naliligo, at kumakain pagkatapos ng trabaho.

May folding bed siya sa opisina. Kapag kasama niya ako, ako ang pinahihiga niya sa folding bed habang siya naman ay sa banig na nakalatag sa sahig.

Kapag humihilik na si Papa, pinakikiramdaman ko ang paligid. Pinanonood ko ang baga ng katol at ang kurtinang ipinaghehele ng amihan.

At matutulog akong nakangiti.●

Lunas

Nuwebe anyos ako nang isama ako ni Mama sa Sorsogon para magpagamot. May cyst siya sa dibdib; ako nama’y laging sumasakit ang tenga. Mula sa Masbate, tinawid namin ang mainland Bicol. Kasama namin si Mama Aning, katrabaho ni Mama sa paaralan kung saan siya nagtuturo. Malakas ang buhos ng ulan nang marating namin ang bakuran ng pinakasikat na albularyo sa Bicol noong taong iyon ng 1996.

Yari sa kahoy at yero ang isang palapag na bahay. Sa veranda pa lang, marami nang taong nakaupo. May mga bitbit silang supot ng mga pinatuyong dahon at ugat ng halaman. Marahil pinahuhupa ang ulan para makaalis.

Pinatuloy kami ng isang ale sa sala. Nagsasanib ang amoy ng kamanyang at kandila sa loob. Napansin ko agad ang nakakwadrong larawan ni Rizal na nakapatong sa altar. May mga pumpon ng sampagita at rosal sa tapat nito. May kandilang sumasayaw sa bawat hihip ng lumang electric fan sa gilid.

Nakaupo sa sahig sa gitna ng sala ang isang matandang lalaki na may nakataling tela sa ulo. Dahil hindi magkalayo ang aming wika, naunawaan ko ang ilan sa kanyang mga pangaral na hango sa buhay ni Rizal.

Marami na akong nakitang albularyo ngunit kakaiba ang panggagamot ng Rizalistang iyon. Hindi ka niya hahawakan. Hindi niya susuriin ang katawan mo. Ang tangi niyang ipagagawa ay isulat mo sa kapirasong papel ang iyong pangalan at kapanganakan. Ginawa namin ito at ibinigay sa kanya ang papel.

Unang tinawag si Mama. Binasa ng albularyo ang papel at sinabing may abnormalidad sa isang dibdib ni Mama. Napasinghap ako. Illogical, sabi ko sa aking sarili. Walang paraan para malaman niya ang bagay na iyon. Binigyan si Mama ng mga pinatuyong dahon at ugat. Pakuluan daw ito at inumin ang pinagkuluan.

Tinawag si Mama Aning at muli akong namangha sa pagsusuri ng albularyo. Binigyan din siya ng mga ‘gamot.’

Wala akong kibo nang umupo ako sa harapan ng albularyo. Nang magkaharap na kami, agad niyang inilapat ang kanyang palad sa kaliwa kong tenga.

“Wala ka namang sakit, apo,” sabi niya sa wikang Bicolano. Marahan niyang hinaplos ang aking tenga at pisngi. “Hindi ito sakit.”

Narinig ko ang paghinga nang malalim ni Mama.

“Ano ang pangarap mo paglaki, apo?” tanong niya sa akin.

“Magpapari ‘yan,” sabi ni Mama.

May mangilan-ngilang tao ang tumawa pagkarinig kay Mama. Yumuko ako.

“Huwag kang magpari,” sabi sa akin ng albularyo.

Lumingon ako. Nakatitig siya sa akin.

“Huwag kang magpari, apo” ulit niya.

“Ano ba dapat?” nakangiting usisa ni Mama Aning.

“Mag-abogado ka,” sabi sa akin ng abugado. “Magiging mabuting abugado ka.”

*   *  *

May 14 taon na rin ang lumipas nang maganap ang pangyayaring ito. Iyon ang una at huling pagtapak ko sa bahay ng albularyo. Magandang balita sa amin na nawala na ang bukol sa dibdib ni Mama. Ngunit malungkot ang nangyari kay Mama Aning. Bago pa man ako makapagtapos ng haiskul, pumanaw siya dahil sa hypertension.

Hindi ako nagpari, ngunit hindi rin naman nag-abugado. Hindi ako nagpari dahil tinangka kong maging architect, na iniwan ko rin nang mag-shift ako ng kurso. Hindi rin ako nag-abugado dahil tumimo sa utak ko ang sinabi noon ng guidance counselor namin na “ang abugasya ay isang maruming propesyon dahil kailangan mong magsinungaling para maipanalo ang kaso.”

May mga araw ngayon, lalo na kapag malakas ang buhos ng ulan at malamig ang panahon, na sumasakit ang kaliwa kong tenga. Hindi na ako nagtataka.

Yoga

May nagtanong sa akin minsan na kung papipiliin ako ng relihiyon, ano ang pipiliin ko? Sabi ko naman, Hinduism. Gusto mong malaman kung bakit?

Nagsimula ito nang mag-enroll ako sa isang yoga class bilang PE noong college ako. ‘Wag kang magtaka, weird talaga ang mga kinuha kong PE subject noon: Walking for Fitness, Social Dance, Bowling, at ito ngang Yoga.

Hindi ko kilala ang intsructor namin. Hindi siya nagpakilala. Wala ring name nya sa class schedule namin. Tawagin na lang natin siyang Master.

Nasa 50 kaming estudyante noon, halu-halo. May freshmen, may masteral. May payat, may mataba. Nasa 3rd floor kami ng Vanguard Hall sa UP. Walang dingding ang paligid kaya nasasamyo namin ang preskong hanging pinapaypay ng mga akasya sa paligid ng building. Tanaw na tanaw ang College of Social Work and Community Development sa likod at ang matayog na tower naman ng Iglesia ni Cristo-Cenrtal sa harap.

Nakalatag sa sahig ang pagkalapad-lapad na plywood na pinatungan ng pagkalapad-lapad na tarpaulin. At sa ibabaw nito, dito naman namin ilalapag ang aming mga yoga mat. Wala akong mat noon kasi naaartehan akong gumamit. Tsaka hindi naman marumi ang tarp. Tuwing ala una ng Sabado ang klase namin.

Nasa 70 na si Master. Matangkad, nasa 5’8”, payat, maiksi ang ubaning buhok, at parang lastiko ang katawan. Nga pala, babae siya.

Unang araw pa lang ng klase, tinuruan na niya kami ng urdhva dhanurasana. Eto yun:

Syempre’y wala kaming kawala. Ginawa ‘yan ng aming 70-year old na master.

Hindi ko alam kung Hindu ang aming instructor, kaya hindi ko rin masasabing siya ang nagbukas ng aking isipan para magresearch ng tungkol sa Hinduism. Malikot ang utak ko noong mga panahong iyon. Baguhan ako sa Maynila. Mag-isa lang ako sa inuupahan kong kuwarto sa Diliman. Hinahanap ko ang aking sarili. At naliwanagan ako pagkatapos ng limang minuto ng pagtipa ko ng “Hinduismo” sa searchbox ng Google.

Isinabuhay ko ang laging paalala ni Master: Be conscious about your breathing, your actions, your surroundings. Listen to your heartbeat. Inhale. Exhale.

Isinabuhay ko ang turo ng Hinduism na mahalin at huwag mananakit ng kapwa-tao at hayop. Tingin ko kasi, higit sa alinmang utos ng Diyos, pinkamahalaga sa lahat ay ang pagpapahalaga sa buhay—tao man o hayop. Ito ang kanilang dharma o righteousness.

Nilagay ko ang Bee Season bilang Favorite Movie sa aking Friendster account.

Pinangarap kong makapunta sa India at maglublob sa Ganges River.

Sinimulan kong maging vegetarian—hindi dahil nasa lahi namin ang diabetes, cancer at hypertension. Naaalala ko kasi ang alaga naming baboy na pinalitson ni Papa—ginapos, tinarakan ng itak sa leeg, sinaid ang dugo, binuksan ang katawan, inalisan ng laman-loob, tinahi sa kawayan, at saka pinaikot-ikot sa baga. Ayokong magmalinis. Dumudukot din ako ng malutong na balat ng litson, pinakahuli ay noong Bagong Taon. Kaya nga binitiwan ko rin ang pagiging vegietarian dahil nakagagawa lang din ako ng “kasalanan.”

Pinakagusto ko ang Hinduism dahil naniniwala ako na kapag Hindu ako, magiging mabuting tao ako. Mas relaxed ang buhay, makatatanggap ng mabuting Karma, at marereincarnate sa mas guwapo, mas mayaman, at mas matalinong tao sa hinaharap. Pero hanggang dito na lang ako. Hindi ko yata kakayaning magbalabal ng orange na damit at kumanta’t sumayaw ng Hare Krishna dahil kapalit nito ay ang pag-give up ng pagkain ng karne at iba pang luho.

Sa pagkakaalam ko, uso naman ang katolikong nagyoyoga. At pwede namang magsorry—“Sorry, piggy. Peace tayo ha?”—bago kumagat ng litson.