Role-play

Nag-role-play tayo:

Ikaw ang reyna

at ako ang alila.

Meron tayong palasyo

sa ibabaw ng kama,

at ang ating kaharian

ay niliblib ng seradura

ng iyong apartment

na nakatanaw sa EDSA.

Napagod tayo buong gabi

at naging dilig ang ating pawis

sa tigang na taniman ng paligid.

Nagpasabog ng kanyon sa langit

ang ating sambayanan.

Ngayo’y ipipinid ko ang pinto.

Bababa ako sa gusali.

Iiwan kitang nahihimbing

bago pa dumating ang hari.

Advertisements

Babád

Hinanap kita
sa nakasisilaw na kalangitan sa umaga;
sa bunton ng mga bituin tuwing gabi.
Nauhaw akong muling dampian
ng patak-patak mong halik
sa aking uhay, dahon, at binti.
Nagpigtas na ako ng balat,
upang sumingaw ang init.
Naghulog na ako ng butil,
upang walang kaagaw sa hamog.
Ngayo’y bumalik ka
nang walang pasintabi.
Sa buhos-buhos mong yakap
at nananakal na dilig,
nagtampisaw ako sa sabik.

Sagána ang Umaga

ni Pablo Neruda

Sagána ang umaga sa unós
sa gitna ng tag-inít.

Naglalakbay ang mga ulap gaya ng puting panyo ng paglisan, ang
hangin, naglalakbay, kinakampay sila sa kanyang mga kamay.

Ang di mabilang na pusò ng hangin
ay pumipintig sa ibabaw ng ating umiibig na katahimikan.

Humuhuni at banál, umaalingawngaw sa mga punongkahoy
gaya ng wikang hitík sa mga digmaan at awit.

Hanging tumatakwil sa mga dahong tuyô, paasík kung sumilà at
nagpapalihís sa hagíbis ng palasó ng mga ibon.

Hanging nagtulak sa kanya sa álong walang tilamsik
at lamáng walang timbang, at mga apoy na dumadárang.

Ang pulutóng ng kanyang mga halik ay naglalaho’t nalulunod,
talunán sa lagúsan ng hanging tag-inít.